Share

Chapter 3

Maggie

NAKAKALOKA ANG aga aga ang daming ganap. Nagising ako sa ingay sa labas tapos pagbukas ko ng bintana nakita ko si tatay na hinahabol ng taga ang gwapong malaking mama. Kaya dali dali kong ginising si ate dahil hindi kakayanin ni nanay na awatin si tatay. Mahirap pa namang awatin si tatay kapag galit na galit. 

Boyfriend pala ni ate yung gwapong malaking mama na hinahabol ni tatay ayon sa gwapong malaking mama din na nakaupo sa harap ng tindahan at kumakain na ng suman.

"Halika na Maggie awatin natin si tatay baka mataga nya si Austin." Sabi ni ate Mikay na natataranta na.

"Ikaw na lang ate, makikinig naman sa'yo si tatay eh. Dito na lang ako may customer tayo." Sabi ko. Mahirap na, ang laking tao pa naman nitong mamang to malamang malakas din itong kumain.

Tumakbo na si ate Mikay papunta kanila tatay at nanay na papaikot na sa likod ng bahay namin. Magaling din umilag yung boyfriend ni ate eh. Kung iba iba yun malamang naliligo na sa sariling dugo. Tiningnan ko naman ang malaking mama na hindi ko alam ang pangalan. Napakunot noo pa ako ng magsalubong ang mga mata namin. Kakaiba syang tumingin. Tinaasan ko sya ng kilay.

"Ang sarap ng suman nyo ganda." Komento nya.

Napanguso naman ako. Bolero ang mama. Alam kong maganda ako, wala sa lahi namin ang swangit.

"Syempre si nanay ang gumawa nyan eh, kaya masarap talaga yan." Pagmamalaki ko.

Tumango tango naman sya habang ngumunguya. "Ikaw, marunong ka ring gumawa nito?"

"Oo naman, minsan kapag sobrang pagod si nanay ako lang mag isa ang gumagawa." Sagot ko. Teka nga, nilalansi lang yata nya ako eh para makarami sya ng kain.

"Oy manong, otso isa nyan ha nakakatatlong suman ka na."

Ngumiwi sya. "Sorry ganda, gutom na gutom na kasi ako eh."

"Wag po kayong mag sorry kasi babayaran nyo yan."

Tumango tango sya habang nakangisi at ngumunguya. At nanghingi pa ng kape. At kung sinusuwerte nga naman hindi na sya pinagbayad ni nanay at pinagalmusal pa. Ni hindi man lang sya nahiyang tumanggi. Kapalmuks din eh! Feel at home agad. Dinaig pa nya yung boyfriend ni ate na mukhang maamong tupa ngayon kaharap si tatay. 

Naging maayos naman ang pag uusap nila tatay at ng boyfriend ni ate na Austin ang pangalan. Mukha silang mayayaman ng kaibigan nyang Dan pala ang pangalan.  Handa daw panagutan ni kuya Austin si ate Mikay. Hindi daw sila nagkaintindihan ni ate kaya akala ni ate ayaw nya sa bata. Mukhang tanggap na sya ni tatay yun nga lang may pagdadaanan pa syang pa extra challenge ni tatay sa bukid. Kay nanay naman ay walang problema, maunawain yun at mabait parehas sila ni ate Mikay. Marami nga nagsasabi kaugali ko daw si tatay.

PAG UWI KO GALING school ay natanaw ko ang kaibigan ni kuya Austin na prenteng nakahiga sa duyan namin na nakakabit sa puno ng mangga na nasa gilid ng bahay namin. Kumakain pa sya ng nilagang saging. Ng makita nya ako ay tinawag nya ako at kinawayan. Nginusuan ko lang sya at tinanguan saka pumasok na sa bahay. May bumili pa sa tindahan namin, pinagbentahan ko na ito kasi wala namang tao pero naririnig ko ang boses nila sa kusina. Matapos kong pagbentahan ay dumiretso na ako ng kusina. Nagmano ako kay tatay at nanay, binati ko rin si ate bago pumanhik sa taas para magbihis. Magpapatuka pa kasi ako ng mga manok. Pagkabihis ko ay bumaba ako at bumalik ng kusina para kunin ang patuka. Natanaw ko si kuya Austin mula sa bintana na nagsisibak ng kahoy sa likod bahay.

"Teka nasaan na pala yung isang binata?" Tanong ni nanay na luminga linga pa. Malamang yung mamang malakas kumain ang hinahanap nya.

"Nandun po sa duyan nay, feeling bakasyunista habang kumakain ng nilagang saging." Nakasimangot na sabi ko.

"Hayaan mo na, malamang ay pagod at inaantok yun dahil gabi na ng bumiyahe sila." Sabi ni tatay habang nagkakape.

"Bakit naman si kuya Austin, puyat din pero nagsisibak ng kahoy. Dapat pinatulong nyo yung si manong tay, ang lakas pa kumain." Nakangusong sabi ko. 

"Hindi naman sya ang nakabuntis sa ate mo kaya ayos lang. Ituring mo na lang syang bisita."

"Ayoko nga! Uutusan ko na lang syang magpakain ng manok ng may silbi naman sya." Sabi ko at kinuha ang malaking lata ng biscuit na may lamang patuka ng manok.

"Kita mo tong anak mo Cora, napakamaldita. Kanino ba nagmana yan?" Tanong ni tatay kay nanay.

"Kanino pa eh di sayo." Asik ni nanay.

Hindi na sumagot si tatay at napakamot na lang sa ulo. Natawa na lang si ate Mikay habang hinahalo ang gatas nya.

Nagpaalam na akong lumabas para magpatuka ng manok. Pupuntahan ko muna pala yung mama para pakilusin. Hindi yung kain lang ang ambag nya.

"Manong!" Tawag ko sa mamang nakahiga sa duyan. Nakaunan pa sya sa braso nya.

"Manong!" Tawag ko ulit. Pero hindi sya sumasagot kaya nilapitan ko na.

Nakapikit sya at malalim ang hinga. Tulog pala kaya hindi sumagot. Mukhang pagod na pagod ah. Sa laking tao nya ay hindi sya kasya sa duyan, pinagkasya lang nya ang sarili nya. Mabuti na lang ay matibay itong duyan at makapal ang lubid. Pinagmasdan ko sya. Gaya ni kuya Austin ay gwapo din sya. Matangos ang ilong, mahahaba ang pilikmata, mapupula ang manipis na labi, makinis ang mukha at pangahan. Para syang may lahi. Para syang model sa mga kilalang brand na nakikita ko sa internet. Napanguso ako.

"Uy tingnan nyo oh! Si ate Maggie binobosohan si mamang pogi." Sabi ng isang boses na batang lalaki.

Nilingon ko ito. Ang makulit pala na anak ng kapitbahay namin na si Noknok kasama ang mga kalaro nito.

"Anong binobosohan? Hindi no!" Sikmat ko sa kanila.

"Ihh binobosohan mo eh! Kitang kita kaya namin." Tatawa tawang sabi nito. Naki asar din ang mga kalaro nito na mga anak din ng kapitbahay namin.

"Ah ganun? Wag kayong kukuha ng duhat at bayabas dito sa bakuran ha." Banta ko sa kanila.

"Luh! Joke lang ate Maggie." Sabi ng batang si Noknok. Nag angalan din ang mga kasama nito.

"Heh! Walang kukuha ng duhat at bayabas sa inyo ha. Kung hindi ipapahabol ko kayo kay tiktik." Tukoy ko sa alaga naming manok na mainitin ang ulo at trip ang laging manghabol ng tao para sabungin.

"Si ate Maggie naman oh, nagdadamot na naman." Nakangusong sabi ng nga bata.

"Talaga madamot ako." Patol ko sa kanila at tumalikod na para pumunta sa likod bahay para magpatuka ng manok.

Naririnig ko pang tinatawag nila ako pero binelatan ko lang sila. Sinaway naman sila ng mga kapitbahay namin na wag maingay. Hindi ko naman sila pinagdadamutan, inaasar ko lang.

Pagdating ko sa likod bahay ay hindi ko na nakita si kuya Austin. Siguro ay pinapasok na sa loob. Nakasalansan ng maayos ang mga sinibak nitong kahoy. Infairness, maayos naman ang pagkakasibak nya.

Binuksan ko na ang hawak kong lata at dumakot ng patuka. Sinaboy ko ito sa mga manok. Malaya ang mga itong nagpapagala gala sa bakuran namin dahil may net namang nakaharang. At saka hindi naman uso ang nakawan dito sa amin.

"O magpakabusog kayo mga manok para mabilis kayong lumaki." Kausap ko sa kanila. Ganito ang gawain ko tuwing hapon, ang pakainin sila. Dati may alaga pa kaming baboy pero nabenta na lahat simula ng magkasakit si tatay. Malaki din ang pakinabang nitong mga manok sa amin. Kapag wala kaming ulam kakatay lang kami ng isa. Nabebenta din naman ang mga ito. Mas masarap pa nga ang mga ganitong native na manok.

Narindi ako sa tilaok ni tiktik na nakatali sa puno ng bayabas. Hinahampas nito ng mga pakpak ang lagayan ng patuka nito na tila ba hindi na makapaghintay na bigyan ko ito.

"Oo na ito na! Lagi ka na lang atat, dapat sayo tini-tinola na eh. Tanghali ka rin naman tumilaok." Kausap ko dito at nilagyan na ng patuka ang kainan. Pero putak pa rin ito ng putak. Daig pa nito ang inahing manok na naglilimlim sa ingay eh. Minsan na din akong sinabong nito at talagang nagkasugat ako. Sabi ko nga kay nanay itinola na to eh ayaw naman ni nanay dahil makunat na daw. Matanda na rin kasi ito. 45 days tong si tiktik na nabunot ko pa sa palabunutan sa fiesta noong second year high school pa ako. Sisiw pa lang ito noon at kulay green pa.  Pero hindi na sya 45 days dahil inabot na sya ng mga taon. Hinayaan na lang sya ni nanay at tatay  at parang naging instant pet na rin. Magaling din itong bantay dahil hinahabol nya ang mga pumapasok ditong mga hindi nya kilala. Tinali lang ito ngayon ni nanay dahil nga may bisita kaya siguro maingay.

Pagkatapos kong magpakain ng mga manok ay pumasok na ako sa bahay. May pinto ang likod ng bahay namin tapos may extension yun na ginawa pa ni tatay para sa lutuan namin. Nagkakahoy lang kami. Masarap ang luto sa kahoy.

Binalik ko na sa pinalagyan ang lata ng patuka at sinilip ang lulutuin ni nanay. Nanlaki ang mga mata ko ng makita ang mga alimasag at pinigang gata. Naghihiwa na rin si nanay ng kalabasa.

"Wow! Ginataang alimasag ulam natin nay?" Tanong ko kahit obvious naman ang sagot.

"Oo, para naman makatikim ng masarap ang mga bisita." Sabi ni nanay.

Parang noong isang araw lang ay nagpaplano pa akong magrequest sa kanya na magluto nito. Mabuti na lang pala may bisita.

Tumulong na ako sa pagputol ng mga sitaw. "Mapaparami na naman ang kain ko nito nay." Sambit ko.

Natawa naman sya. "Alam ko, paborito mo to eh."

Parang naglalaway na nga ako eh.

Tumingin ako sa sala. Nandun si ate Mikay at ang boyfriend nya, mga nakaupo, pero magkahiwalay at hindi nag uusap. Si ate ay nakahalukipkip at nakatingin lang sa bukas na tv. Samantalang si kuya Austin ay patingin patingin kay ate. Si tatay naman ay malamang nasa tindahan at tumatao doon.

Dan

SARAP NA SARAP ako sa kinakain kong ginataang alimasag. Matagal tagal na rin akong hindi nakakatikim nito. Puro kasi karne ang kinakain ko sa mga restaurant at ganun din ang mga niluluto ni manang Oreng sa bahay. Sa probinsya lang kasi namin ako nito nakakatikim. At matagal tagal na rin akong hindi nakakauwi sa probinsya namin sa Bicol dahil nga sa mga negosyo ng mga magulang ko sa Manila na iniwan nila sa akin.

Masarap at malinamnam ang pagkakagata ni nanay Cora. Idagdag pa na masarap din itong kaharap ko sa hapag kainan kahit laging nakaismid sa akin at nakanguso. Gaya ko ay mukhang sarap na sarap din sya sa kinakain. Parang hindi ko na nga rin naririnig ang paguusap ng mga kasalo ko dito sa lamesa. Sabay pa kaming kumuha ng alimasag sa malaking mangkok. Yun nga lang iisang alimasag lang ang nadampot namin. Hinila ko ito pero hindi nagpatalo si Maggie Magic Sarap at hinila din ito.

"Akin to!" Asik nya sa akin.

"Nauna ako eh." Di papatalong sabi ko habang hawak pa rin ang sipit ng alimasag.

"Eh bakit ba! Paborito ko to eh." Pinandilatan nya ako ng mata.

Akala naman nya matatakot ako sa kanya. Hindi porke't crush ko sya papatalo na ko sa kanya.

"Ako rin, at nauna ako. Kaya akin to."

"Nay o! Si manong!" Sumbong na nya kay nanay Cora.

Napangiwi naman ako sa tinawag nya sa akin. Kanina pa sya manong ng manong sa akin. Ang sakit sa tenga! At may pagka isip bata din sya. Narinig ko pa nga kanina ang pakikipag talo nya sa mga bata. Pinigil ko lang ang matawa dahil malalaman nyang gising ako. Gusto ko rin sumali sa pang aasar ng mga bata na binobosohan daw nya ako. Kaso baka mapikon magsumbong pa kay Mang Berting. Maitak pa ako.

Dinampot ni nanay Cora ang lagayan at sinandukan ng panibago at binalik sa lamesa.

"O hayan, marami pa. Wag kayong mag agawan."

"Salamat Aling Cora, dabest po talaga kayo ni Mang Berting." Sabi ko. Mabait kasi ang mag asawa kahit medyo siraulo si Austin.

Sumimangot naman si Maggie at bumulong bulong pa na hindi ko naman maintindihan. Mainit ulo nya sa akin. Siguro crush nya ako. The feeling is mutual baby! Nginisihan ko na lang sya at kumain na rin. Kaya ang ending para kaming nagpapaligsahan sa pagkain ng alimasag. Natatawa na nga lang ang mga kasama namin sa lamesa. Ang asaran namin ay nauwi pa sa pahiran ng sarsa ng gata sa mukha.

"Maggie anak, umayos ka sa bisita natin." Saway ni Aling Cora ng akmang papahiran nya ulit ako ng sarsa sa mukha.

Ngumuso ito. "Eh sya nauna nay eh." Turo nya sa akin.

Nginisihan ko lang sya.

"Kahit na anak, bisita pa rin natin yan. Saka hindi ka na bata para umakto ng ganyan, dalaga ka na." Sermon sa kanya ni nanay Cora na sinegundahan pa ni Mang Berting.

Lalo lang humaba ang nguso nya. "Bata pa po ako." Bubulong bulong na sabi nya pero naririnig naman namin.

"Hindi ka na bata, magdedesi-otso ka na bunso." Sabi ni Mang Berting.

Nabitawan ko naman ang hawak kong alimasag at napaawang ang labi.

"Magdedesi-otso ka pa lang?" Bulalas ko.

Anak ng!

*****

Comments (1)
goodnovel comment avatar
lovelove gonzales
hahaha kaya bagay talaga sayo na tawagin kang manong haha
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status