Share

One Night With My Ex-Husband
One Night With My Ex-Husband
Author: Scorpio93

Chapter 1

Chapter 1. 

“Happy wedding anniversary, hon. May gift —”

“Ako rin may gift akong ibibigay!” matigas kong sambit. Hindi ko na siya pinatapos pang magsalita at mabilis na pinadapo ang isang palad sa kanyang pisngi. 

Kuyom ang mga kamao habang matalim ko siyang tinitigan. All this time ay niloloko na pala niya ako. Minahal at inaalagaan ko siya pero ’di ko alam kung saan ako nagkulang. 

Mapait akong ngumiti. May kulang pala na hindi ko naibigay sa kanya. Marahil iyon ang hinahanap niya sa iba na hindi niya makuha-kuha sa akin— ang magkaroon ng anak.

“Hon, what's wrong with you? May problema ba?” Bakas sa mukha niya ang gulat habang hawak ang nasaktang pisngi. 

“Kailan mo pa ako niloko, Philip? Bakit hindi mo na lang sabihin sa akin kung nagsasawa ka na? Hindi iyong sinasaktan mo ako nang ganito. Bakit mo nagawa sa akin ito?” 

Hinampas ko siya sa balikat maging sa kanyang mukha. Humahagulhol ako habang walang tigil sa paghampas sa buo nitong katawan. Hindi ko alam kung saan dumapo ang mga kamay ko. Hindi ko rin alintana ang mga matang nakatingin sa amin. Pinapunta niya ako rito sa rica’s restaurant tapos makikita ko na lang na may kasama na siyang ibang babae. Imbes mag-celebrate ng ikalawang taon naming anibersaryo.

“Hon, I’m so sorry. Hindi ko sinasadya.” 

Nginisihan ko siya kahit tuloy-tuloy lang ang paglandas ng luha sa mga mata ko. Bago pa magdilim ang paningin ko ay nagdesisyon na akong humakbang paalis. Maagap nitong pinunasan ang luha sa kanyang pisngi. Nahigit ko ang hininga nang yakapin niya ako mula sa likuran. 

“Hon, please, forgive me. Hindi ko sinasadya.” 

“Hindi mo sinasadya? Ano iyon, basta ka na lang pumasok sa p*gkakababae niya tapos wala na? Huwag mo akong gawing tanga, Philip!” Huminga ako nang malalim. “Tapos na tayo.”

Malaks kong hinaklit ang nakapulupot nitong braso sa tiyan ko at mabilis na nilisan ang lugar. Tinawagan ko si Attorney Monte. Gusto kong matapos ang araw na ito at nang makaalis na ako sa lugar na ito. Hindi ko siya mapapatawad sa ginawa niyang pagtataksil sa akin. 

“Attorney, mag-file ako ng annulment.” Muling tumulo ang mga luha sa aking pisngi. 

Hindi ko akalain na sa loob ng dalawang taong pagsasama namin ay mauuwi lang sa hiwalayan ang lahat. 

Narinig ko ang marahas na pagbuntonghininga ni Attorney Monte sa kabilang linya. 

“Jessy, hindi ka basta-basta na lang mag-file ng annulment kung wala kang matibay na ebidensya. Hindi tatanggapin ng korte iyan.” 

“Pero, kitang-kita ng dalawang mata ko ang kataksilang ginawa sa akin ni Philip.” 

Tama si attorney. Para maaprubahan iyon ay kailangan ko silang mahuli sa akto at makunan ng ebidensya. 

Hindi natapos ang araw na iyon nang hindi ako nakakakuha ng ebidensiya sa mga taong nagtaksil sa akin. 

“Alma Bermudez ang babae ng asawa mo, Jessy.” 

Tumango-tango ako. Tahimik lang akong nakikinig sa taong inutusan ko upang maghanap ng ebidensya. Aaminin kong sobra akong nasaktan pero makakaya ko rin ito. Lilipas din ang sakit at kapag dumating ang panahon na maghilom ito. Iisipin ko na lang na isa lamang panaginip ang lahat nang ito.

Matapos ang pag-uusap namin ni attorney, nagpasya na akong umuwi sa bahay. Ngayon din ay mag-iimpake na ako. Pagbukas ko ng pinto, kaagad bumungad sa akin ang mukha ng taksil kong asawa. Namumula ang kanyang pisngi na hindi ko alam kung napaano. Pumutok din ang gilid ng kanyang labi. 

“Hon, can we—”

“Wala na tayong dapat pag-usapan, Philip. Nag-file na ako ng annulment.” Nilagpasan ko na siya.

Wala na kaming dapat pag-usapan pa dahil malinaw na sa akin ang lahat. Nagloko siya at hindi ko iyon matatanggap. Dumiretso ako sa kuwarto at mabilis na nag-impake. Hindi na dinala lahat ang mga damit ko. Bahala na siya kung itatapon niya ang mga ito o susunugin. Mahalaga sa akin ngayon, makaalis sa bahay niya.

Bago lumabas ng silid, nilibot ko muna ng paningin ang bawat sulok ng kuwarto. Muling tumulo ang luha sa aking pisngi nang maalala ang masasayang memories namin sa bahay na ito at ngayon ay naglaho na parang bula.

Mapait akong napangiti bago humakbang palapit sa mini table. Hinubad ko ang suot na singsing at walang lingon-likod kong tinungo ang pinto.

Pagdating ko sa sala, naabutan ko siyang nakaupo habang magkasiklop ang mga kamay. Matalim pa rin ang mga matang ipinukol ko sa kanya sa tuwing magtangka siyang tingnan ako. Hindi siya makapagsalita pero nang magtangka siyang tumayo ay pinigilan ko siya gamit ang aking kaliwang kamay— itinaas ko ito. Hindi na ako mag-aksaya pa nang oras. Wala na rin kaming dapat pag-usapan pa. 

Ilang sandali pa ay tahimik ko nang nilisan ang bahay.

“Manong, sa terminal ho tayo dumiretso,” bungad ko sa driver nang tuluyan na akong makasakay. Tumango naman si manong bilang pagsang-ayon.

Habang lulan ng taxi, tahimik akong umiiyak. Hindi ko mapigilan ang mga luhang gustong kumawala sa aking mga mata. Ipinilig ko ang ulo. Hindi ko alam kung hanggang kailan ang sakit na ito pero hayaan ko na lang muna siguro sa ngayon na magluksa ang puso.

Makalipas ang ilang minuto, nasa tapat na ako ng bus station. Pinili ko ang bus papuntang Baguio. May kamag-anak ang aking ina roon kaya sa kanila muna ako tutuloy pansamantala. 

Isinakay ko na muna ang ’di kalakihang maleta saka ako bumaba para bumili ng maiinom at makakain. Mahaba-habang biyahe rin ito kaya tiyak magugutom ako. 

“Lalarga na tayo!” sigaw ng konduktor sa aking likuran. 

Kaagad pumuwesto ang ilang pasahero sa kani-kanilang upuan. Pinili ko ang katapat ng bintana para makalanghap ako ng sariwang hangin. Kinuha ko rin ang headset sa bulsa ng backpack ko para malibang ako at makatulog. 

“Miss, may katabi ka? Puwede makiupo?” 

Nag-angat ako ng mukha nang marinig ang boses ng babae. Nakatunghay siya sa akin habang tipid na ngumiti. Nginitian ko rin siya saka umusod ako ng upo. 

“Ako nga pala si Merry. Merry Cruz.” 

Nilingon ko siya. Nakangiti pa rin habang nakatitig sa akin. Tipid pa rin ang ngiting iginanti ko sa kanya. 

“Jessy,” tipid kong sagot. Hindi na rin naman niya ako kinukulit kaya minabuti ko na lamang makinig ng music sa aking cellphone upang makatulog ako. 

NAALIMPUNGATAN ako nang may yumugyog sa balikat ko. Pagmulat ko ng mga mata ay bumungad sa akin ang mukha ng babaeng katabi ko kanina. 

“Nandito na tayo.” 

Hindi ako kaagad nakakibo. Ang haba yata ng tulog ko. Ilang oras din ang biyahe pero hindi man lang ako nakaramdam ng gutom. 

“Hindi na kita ginising. Ang sarap kasi ng tulog mo,” dugtong niya pa nang mapansing hindi pa ako kumilos. 

“Tara na,” sambit ko. Tumayo na rin ako bitbit ang aking maleta. Isinukbit ko rin ang backpack sa likuran ko. 

“Saan ka nga pala pupunta?” tanong sa akin ni Merry. 

“Sa Kamayog. May kamag-anak ko ro’n.”

“Sakto at doon din ako uuwi. Sabay na tayo,”  nakangiti niyang sambit.

Tumango na lang ako bilang tugon. Ilang sandali pa ay pumara na kami ng traysikel. Tahimik pa rin ako hanggang makababa. Hindi ko na rin napansin ang paligid. Mabigat pa rin ang pakiramdam ko dahil sa nangyari sa amin ni Phillip. Marahas akong bumuntohininga bago kinuha ang maleta sa likod ng traysikel. Maglalakad na lang ako tutal malapit lang naman ang bahay ng tiyahin ni mama. 

Hindi ko na rin napansin si Merry, umuwi na rin siguro iyon kaya tumuloy na ako. Lumiko ako sa kanan at mula sa kinatatayuan ko ay natanaw ko agad ang bahay ng tiyahin ni mama. Dali-dali akong humakbang palapit sa bahay pero kumunot ang noo ko dahil hindi naman si Lola Esme ang nakatira sa bahay. 

“Jessy!” 

Napalingon ako sa aking likuran nang marinig ang pamilyar na boses. 

Comments (10)
goodnovel comment avatar
Scorpio93
Thank you po
goodnovel comment avatar
Scorpio93
Now ko lang ito nakita, mam......
goodnovel comment avatar
Scorpio93
Thank you po, mam sa pagbasa. now ko lang nahalungkat ang comment mo po
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status