Share

REVENGE OF INNOCENT WIVES
REVENGE OF INNOCENT WIVES
Author: MissThick

Chapter ONE

Ako si Nadine Cruz.  Mahirap lang kami. Magsasaka ang Tatang ko. Magsasakang walang sariling lupa dahil kinamkam ito ng mga mga kapatid niyang may kaya at nakatapos ng pag-aaral. Mangmang kasi si Tatang, hindi nakatuntong kahit Grade 1 kaya hindi siya nakababasa at nakapagsusulat. Maluwang ang lupain ng kanyang pamilya at siya bilang walang interes sa pag-aaral ang naging katu-katulong ng lolo ko sa pagsasaka. Lumaki nang lumaki ang kanilang lupain dahil sa pawis at sipag nila ng Lolo ko. Nakatapos ang lahat ng kanyang mga kapatid sa pag-aaral dahil na rin sa kanyang kasipagan. Nakampante si Tatang na may mamanahin naman siya dahil ipinangako ng Lolo ko na magiging kanya ang malaking bahagi ng kanilang lupain. Biglaan ang pagmakatay ng aking Lolo dahil sa atake sa puso. Akala ni Tatang, masusunod ang gusto ni Lolo na malaking bahagi ng lupain nila ay sa kanya mapupunta ngunit dahil tuso ang mga kapatid ni Tatang, pinaghati-hatian lang ng mga nakatapos ang mga lupa at walang ipinangalan kay Tatang. Hindi siya itinuring na kapatid. Hindi kasi siya nababagay sa kanilang mga titulado. Kung itatabi si Tatang sa kanila ay para lang siyang tauhan nila sa bukid. Ganoon na rin kami ng aking mga kapatid sa aming mga pinsan. Hindi maganda ang trato nila sa amin na para bang hindi kami kamag-anak. Masakit man ang loob ko sa aking mga kamag-anak ngunit wala naman akong magagawa. Mas makapangyarihan ang mga kapatid ni Tatang dahil mas may pera sila kaya habang lalo silang payaman ng payaman kami naman ay patuloy na humirap nang humirap ang buhay.

Babae ako pero dahil maliliit pa ang mga kapatid ko, ako na ang katu-katulong ni Tatang at Nanang sa bukid tuwing Sabado at Linggo. Basta wala akong klase, nasa bukid lang ako. Lahat ng puwedeng iutos sa akin sa bukid ay ginagawa ko kapalit ng 100 pesos kong bayad sa maghapon sa mismong mga Tito at Tita ko na nakatira sa Syudad at minsan sa dalawang Linggo lang kung bumisita sa ipinapasakang lupain kay Tatang. Noong bata ako, ang 100 pesos na iyon ay sapat na para makatulong sa aming magkakapatid bilang pambaon namin sa school. Ngunit kahit anong pagod namin sa bukid maghapon nina Tatang at Nanang. Kahit pa ilubog namin ang buong katawan namin sa putikan, alam kong hinding-hindi ako makakatapos sa pag-aaral kung hindi ako makakaisip ng paraan para mabago ko ang buhay naming lahat. Pito kaming magkakapatid kaya kahit pangkain lang ay salat ang kinikita namin. Madalas mga dahoon-dahon lang na sinabawan lang ng may bagoong isda ang ulam namin. Pista nang maituturing kung magbubukas kami ng sardinas. May mga alaga namin kaming mga baboy at manok ngunit ibinebenta namin iyon. Hindi namin inalagaan iyon para katayin at kainin kundi para maibenta nang may maibili kaming gamit. Nagtatanim rin kami ni Nanang ng gulay sa likod bahay. Doon kami kumukuha ng aming pang-ulam at ibinebenta namin ang sobra. Masipag kami ngunit salat sa buhay kahit anong gagawin namin pagkayod araw-araw.

“Nang, mag-aaral pa ho ba ako ng High School? Enrolment na ho kasi namin e. Magpapalista na ba ako?” tanong ko kay Nanang habang kami ay naggagapas. Pinunasan ko ang pawis ko na tumutulo sa aking mata. Mainit pa rin ang sikat ng araw kahit palubog na ito ngunit marami pa kaming gagapasin na palay sa harap namin kaya hindi pa nagyayaya si Tatang na uuwi na at magpahinga.

“Hindi ko alam anak. Malayo ang iskwelahan dito. Kaya mo bang maglakad ng ilang kilometro araw-araw?” Tumingin siya sa akin. Itinaas niya ang laylayan ng kanyang damit para punasan rin ang kanyang pawis. “Hindi naman natin kayang magbayad ng pang-jeep dahil nag-aaral din ang iba mong mga kapatid.”

“Gusto mo ba talagang makatapos, Nadine?” singit ni Tatang na noon ay tumigil rin sa ginagawa niyang paggagapas.

“Oo sana, Tang.”

Huminga ito nang malalim. “Hindi ko alam kung may mabuting magagawa sa’yo ‘yang pag-aaral na ‘yan. Tignan mo nga ang mga kapatid ko? Nakatapos sila, naging mayayaman, may nagawa ba sa kanilang pagkatao ang kanilang pinag-aralan?” Yumuko si Tatang at muling nagpatuloy sa kanilang paggapas.

“Hindi naman ho ako kagaya nila. Mag-aaral ho ako para makatapos at matulungan ko kayo. Hindi yung ganito na lang tayo na ganito? Walang asenso. Lubog na lang tayo sa putikan habangbuhay. Ayaw ko ho ng ganito!”

“Anong ayaw mo sa ganito?” tumaas ang boses ni Tatang. “Nadine, kahit ganito lang ako, kahit ganito lang tayo, ginagawa ko ang lahat para makakain tayo ng tatlong beses isang araw. Kung hindi pa rin iyon sapat, wala akong magagawa.”

“Iyon na nga eh. Wala kayong magawa kasi kuntento na kayo sa ganito lang. Kung hindi mo sana hinayaan na kamkamin ang mga lupain mo, sana hindi kami naghihirap ngayon. Sana kahit papaano, magiging kagaya kami ng mga pinsan namin. Baka kung nagkataon na ipinaglaban ninyo ang karapatan ninyo sa pag-aari ninyo o kung sana nag-aral din kayo, hindi kami alangan at hindi kami minamata ng ibang tao.”

Mabilis na lumapit si Tatang sa akin at bigla niya akong sinampal.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status