Reborn Heiress, Playboy’s Revenge

Reborn Heiress, Playboy’s Revenge

last updateTerakhir Diperbarui : 2026-11-02
Oleh:  Lady GouldingBaru saja diperbarui
Bahasa: Filipino
goodnovel16goodnovel
Belum ada penilaian
5Bab
8Dibaca
Baca
Tambahkan

Share:  

Lapor
Ringkasan
Katalog
Pindai kode untuk membaca di Aplikasi

“Hindi ako magpapakasal sa lalaking katulad mo!” Sa harap ng mga bisita sa Manila Cathedral, pinunit ni Samantha “Sam” Montelibano ang kontrata ng kasal at tinalikuran ang lalaking minsan niyang minahal. Sa unang buhay niya, ibinigay niya ang lahat kay Tristan Alcantara—tiwala, yaman, at pangalan—ngunit kapalit nito’y pagtataksil. May lihim itong pamilya kasama ang pinsang si Yvanna, at isang anak na labing-apat na taong gulang. Nang mamatay si Sam sa edad na tatlumpu’t walo, dala niya ang sakit ng pagiging babaeng ginamit at itinapon. Ngunit nagising siyang muli sa katawan ng dalawampung taong gulang na sarili, tatlong araw bago ang kasal. Sa pagkakataong ito, hindi na siya magiging sunud-sunuran. Handa siyang bawiin ang lahat ng ninakaw sa kanya at wasakin ang pamilyang Alcantara. Sa gitna ng kanyang paghihiganti, nakilala niya si Rafael “Raf” Roxas, isang playboy na kailangang patunayan sa kanyang lolo na karapat-dapat siyang mamuno sa negosyo ng pamilya. Nagkasundo silang magpanggap na magkasintahan: tutulungan ni Sam si Raf na patatagin ang kanyang reputasyon, habang gagamitin niya ang impluwensiya nito upang ilantad ang mga kasinungalingan ng mga Alcantara at mabawi ang kanyang mga shares at ari-arian. Habang sinusubukan nilang linlangin ang lipunan, unti-unting nagiging totoo ang kanilang pagkakaugnay. Sa bawat hakbang, mas lumalalim ang tiwala at damdaming hindi nila inaasahan. Ngunit hindi madaling talunin ang mga taong sanay magtago sa likod ng pera at kapangyarihan. Sa araw ng mahalagang pagpupulong ng mga mamumuhunan, inilabas ni Sam ang ebidensiyang magbubunyag sa tunay na mukha ni Tristan at magpapabagsak sa kanyang imperyo. Sa wakas, maibabalik niya ang kanyang pangalan at kalayaan. Ngunit higit sa paghihiganti, kailangan niyang piliin kung mananatili siyang bihag ng nakaraan o magtitiwala sa pag-ibig na nabuo sa gitna ng gulo. Sa pagkakataong ito, hindi siya ang babaeng iniwan—siya ang babaeng tumalikod, lumaban, at piniling manalo.

Lihat lebih banyak

Bab 1

UNANG KABANATA: PAANO MAMATAY AT MABUHAY SA LOOB NG SAMPU-PUNTOS-WALONG MINUTO

“Ma’am Samantha, maawa po kayo sa sarili ninyo! Konting preno naman po! Malulusaw na ’yang sapatos ninyo sa aspalto, Diyos ko!”

Bumaligtad ang payong ng mayordomang si Chona habang patakbong humahabol sa paakyat na private driveway ng Tagaytay Highlands. Nililipad ng marahas na hangin ang abot-sakong duster nito, ngunit wala ni katiting na balak lumingon si Samantha Montelibano. Sa Forbes Park at sa bawat high-society column, kilala siya bilang ang Bilyonaryang Martir ng Taon. Sa edad na tatlumpu’t walo, mukha na siyang extra sa isang pelikula ng lagim: namumutla, kuba ang likod, at may tuyong ubo na tumutunog na animo’y tambutso ng lumang pampasaherong dyip sa Avenida.

Bawat hakbang paakyat sa matarik na kalsada ay tila humihigop ng huling patak ng oxygen mula sa kanyang nanunuyong baga. Ang simoy ng hangin sa Tagaytay na dati’y paborito niyang langhapin tuwing weekend getaways ay parang pinong basag na bubog na sumasaksak sa kanyang lalamunan. Nililipad ang ilang hibla ng maagang namuting buhok sa kanyang sentido—isang permanenteng paalala ng halos dalawang dekadang stress, audit, at mga gabing walang tulog sa pag-aayos ng naluluging mga negosyo ng kanyang asawa.

Sa bawat marahas na pag-indayog ng kanyang nanlalambot na braso, kumalansing ang pambihirang vintage Cartier diamond bracelet sa kanyang pulso.

Regalo ito ni Tristan Alcantara noong bagong kasal pa lamang sila. Sariwa pa sa alaala ni Sam ang gabing iyon: halos hindi pa nagagalaw ang wedding cake sa kanilang reception nang biglang kinailangang lumipad ni Tristan patungong London upang diumano’y pamunuan ang naluluging international branch ng bangko ng pamilya Alcantara.

“Bawat kislap at kalansing nito, Sam, isipin mong bumubulong ako mula sa kabilang panig ng mundo na mahal kita, nangungulila ako sa ’yo, at ikaw lamang ang tanging reyna ng buhay ko,” buong lambing nitong ibinulong noon sa ilalim ng chandelier.

Napakagat-labi si Sam. Ang tamis ng lason. Ang galing gumawa ng script. Halos tubuan ng amag ang kilig niya noon, hindi alam na binigyan lang pala siya ng mamahaling posas.

Limang mahabang taon itong nawala sa Europa. At nang sa wakas ay bumalik si Tristan sa Pilipinas, hindi tagumpay o masaganang pamumuhay ang bitbit nito kundi isang marahas na balita: naaksidente raw ito sa isang ski resort sa Switzerland at nawalan ng biological capability na magkaanak. Dinurog noon ang buong pagkatao ni Samantha. Ngunit dahil pinalaki siyang may delikadesa at bulag na katapatan, tahimik niyang inako ang lahat ng sisi.

Sa loob ng mahigit sampung taon sa Manila Polo Club at sa mga exclusive charity balls, tiniis ni Sam ang matatalim na patutsada, ang pabulong na tsismis, at ang mapanghusgang titig ng mga matronang amoy pulbos-de-peligro dahil wala siyang maibigay na tagapagmana. Nilunok niya ang bawat tawag sa kanya bilang "baog na tagapagmana" at sinalag ang bawat pambabastos upang protektahan ang basag na dangal at machismo ng kanyang asawa.

“Kahit ito na ang huling hininga ko, Chona... kailangang makita ko siya,” paos, magaspang, at halos walang boses na sambit ni Sam. “Gusto ko lang namang personal na i-congratulate ang kanyang bagong ‘wellness sanctuary’.”

Tiningala niya ang dambuhalang modernong villa na nakatirik sa mismong gilid ng bangin. Ang bersyon ng kuwentong ibinenta sa kanya ni Tristan tatlong taon na ang nakararaan: binili at ipina-renovate ito gamit ang mahigit pitumpung milyong piso mula sa personal na trust fund ni Sam upang maging isang mapayapang retreat house para sa kanyang “medical recuperation.” Kahapon lang sumabog ang katotohanan nang iabot ng kanyang private investigator ang isang makapal na folder.

Hindi ito retreat house. Isa pala itong tagong paraiso kung saan inilagak ni Tristan ang marupok, madasalin, at pa-inosenteng pinsan nitong si Yvanna.

At ang asawa niyang umiiyak noon dahil “baog” diumano? May labing-apat na taong gulang na malusog na anak na lalaki. Tahimik at masaganang namumuhay ang isang buong pamilya sa likod ng kanyang mga luha, pawis, at bilyun-bilyong pisong pondo.

Bukas ang wrought-iron gate ng hardin. Mula roon, umalingawngaw ang pamilyar at masayang halakhakan.

Napatigil si Sam. Sumilip siya sa awang ng tarangkahan habang mahigpit na nakakapit sa malamig na bakal.

Namumukadkad ang mga imported na pink cherry blossoms sa manicured lawn. Sa gitna ng hardin, nakaupo si Yvanna sa isang plush rattan lounger, nakasandal ang pisngi sa balikat ni Tristan. May sariwang puting bulaklak sa likod ng tainga nito na lalong nagpalutang sa kutis-porselanang walang bahid ng stress sa corporate debt o quarterly tax returns. Nakaguhit sa mukha ng babae ang ligaya ng isang reyna na walang ibang inaalala kundi ang huminga at mahalin—isang uri ng kalinga at kapayapaan na hindi man lang natikman ni Samantha sa labing-walong taon niyang pagsisilbi kay Tristan bilang financial shock absorber.

Nakaakbay si Tristan sa baywang ni Yvanna. Relax ang mga kilay nito, at may banayad na ngiti sa mga labi na sa Forbes Park mansion ay laging nakatikom, malamig, at estranghero.

“Dad!”

Isang matangkad at balingkinitang binatilyo ang patakbong lumapit mula sa glass pavilion, hawak ang isang makapal na leather folder. Kuhang-kuha ng bata ang tangos ng ilong, ang tindig, at ang aroganteng nguso ni Tristan.

“Patingin naman po ng business proposal ko para sa klase sa international school,” masiglang sabi ng bata.

Ngumiti si Tristan nang buong pagmamalaki, kinuha ang folder, at binasa ito na para bang tinitingnan ang pinakadakilang obra sa mundo. Marahan nitong ginulo ang buhok ng bata. “Napakagaling, Ian. Mas matalas pa ang analytical skills mo kaysa noong kaedad kita. Natural born leader.”

Nakangiting nagmalaki ang bata. “Siyempre naman po, Dad! Mas magiging magaling pa ako sa inyo pagdating ng panahon!”

“Aba, dapat lang,” sabay tawa ni Tristan. “Dahil ikaw ang nag-iisang tagapagmana ng Alcantara Group of Companies. Lahat ng ito, mapupunta sa ’yo.”

Tumawa si Yvanna, may malambing na kurot sa tagiliran ni Tristan: “Puro ka papuri sa anak mo. Nakalimutan mo yatang ako ang nagtuturo sa kanya gabi-gabi habang busy ka sa Maynila?” Bumaling ito sa bata, “Sige na, Ian, mag-swimming ka muna sa infinity pool. Huwag kang magpapatuyo ng pawis at malapit na ang salmon tartare dinner natin.”

Nang makalayo ang binatilyo, dumukot si Tristan sa loob ng kanyang mamahaling tailored jacket. May inilabas itong dalawang bagay: isang mabigat na gintong seal at ang orihinal na titulo ng ancestral estate ng buong pamilya Alcantara.

Iyon ang pinakamatatag na simbolo ng kapangyarihan at pag-aari ng buong angkan!

Namilog ang mga nanlalabong mata ni Samantha. Halos magkandandurog ang kanyang mga kuko sa pagbaon sa pader. Kaya pala tatlong taon nang misteryosong nawawala ang mga dokumentong iyon sa kanyang private security vault sa Makati; matagal na palang ninakaw ng sarili niyang asawa upang ipangalan sa iba.

“Lalong lumalala ang kalagayan ni Samantha sa Makati Med. Sabi ng mga espesyalista kahapon, baka hindi na siya umabot sa katapusan ng buwan,” kaswal at malamig na wika ni Tristan, na para bang nagbabasa lamang ng inflation rate sa diyaryo. “Kapag nawala na siya, opisyal kitang ipapakilala sa buong alta sosyedad bilang tunay kong asawa. Yvanna, patawarin mo ako kung pinaghintay ko kayo nang kaytagal sa dilim.”

Yumakap si Yvanna sa leeg ni Tristan, may pilyang kislap sa mga mata. “Basta’t para sa ’yo at sa kinabukasan ng anak natin, Tristan, bale-wala ang labing-apat na taong paghihintay. Sulit naman ang lahat ng shares na makukuha natin mula sa mga Montelibano.”

Napaatras si Samantha. Mariin niyang hinawakan ang kanyang sumasabog na dibdib. Gusto niyang tumawa nang ubod-lakas sa sariling katangahan, ngunit naunang umagos ang mapapait at kumukulong luha. Labing-walong taon siyang nabuhay na parang biyuda. Inubos niya ang sariling mga trust fund, ipinagbili ang mga prime real estate assets ng kanyang pumanaw na mga magulang para lamang saluhin ang mga palpak na financial decisions ni Tristan. Inalagaan niya ang mga may-sakit nitong magulang hanggang sa huling hantungan habang ang lalaki ay nagpapakasarap sa ibang bansa.

Lahat pala ay isang malaking komedya. Isa lamang siyang unpaid CEO, gatasan, at panangga sa kahihiyan.

Biglang dumilim ang kanyang paningin. Umakyat ang pamilyar at nakasusuklam na lasa ng kalawang sa kanyang dila, at sa isang iglap, sumuka siya ng maitim at malapot na dugo sa makinis na sementadong daanan.

“Ma’am Samantha!”

Tila nanggagaling sa kailaliman ng karagatan ang tinig ni Chona. Nagpumilit kumapit si Sam sa pader, ngunit hangin lamang ang nahawakan ng kanyang nanginginig na mga kamay bago siya bumagsak nang malakas sa sahig, lumagutok ang kanyang ulo sa matulis na landscape stones sa gilid ng driveway.

“Tulong! Diyos ko, parang awa n’yo na, tulungan n’yo po si Ma’am!”

Narinig nikya ang maririing yabag ng mamahaling Italian leather loafers na papalapit. Pilit iminulat ni Samantha ang kanyang namumungay at nanlalabong mga mata.

Nakatayo sa harap niya si Tristan. Blangko, matigas, at walang bahid ng kahit kaunting emosyon ang mukha nito, tila nakatingin lamang sa isang pusa na nasagasaan sa gilid ng kalsada. Sa likod nito, nakakapit si Yvanna sa braso ng asawa, kunwaring nanginginig sa takot ngunit kitang-kita ni Sam ang pasimpleng ngisi at pananalo sa mga mata nito.

“Bakit ka narito, Samantha?” malamig at may bahid ng inis na tanong ni Tristan. Wala man lang tanong kung buhay pa ba siya; ang tanging alalahanin nito ay nadumihan ang immaculate niyang entrance.

Bumuka ang tuyong bibig ni Sam ngunit dugo lamang ang umalpas. Sa wakas, naging malinaw ang lahat: sa buong buhay niya, naging punching bag siya ng isang sociopath.

“Sir Tristan! Tumawag po kayo ng ambulansya! Mamamatay na po si Ma’am!” lumuluhang pagsusumamo ni Chona habang nakaluhod sa basang semento.

Hindi gumalaw si Tristan. Tiningnan lamang nito ang tilamsik ng pulang dugo sa dulo ng kanyang sapatos, bahagyang dumura sa damuhan, saka walang gatol na nagsalita:

“Huwag na. Huwag mo nang abalahin ang mga doktor sa Tagaytay. Sayang lang ang emergency room fees.”

Nagsisimula nang magdilim ang paningin ni Samantha, ngunit buong tapang pa ring nagpupumiglas ang kanyang diwa. Iniangat niya ang nanginginig na braso upang abutin ang dulo ng pantalon ng lalaki. Nais niyang sumigaw, nais niyang isumpa ang buong lahi ng mga Alcantara, ngunit purong ungol at dugo lamang ang lumabas sa kanyang lalamunan.

Kumalansing ang Cartier bracelet sa kanyang pulso—ang alahas na sumasagisag sa labing-walong taon ng pure, unadulterated fraud.

Gamit ang pinakahuling patak ng kanyang adrenaline, buong poot na ibinalibag ni Samantha ang kanyang pulso sa matulis na gilid ng batong palamuti.

CRACK!

Nabasag ang mamahaling clasp; tumalsik ang mga brilyante at bumaon ang basag na ginto sa kanyang sariling laman. Sa gitna ng matinding sakit, nakaramdam si Sam ng kakaibang ginhawa. Mas masarap pa palang basagin ang sumpa kaysa tiisin ito.

Bahagyang kumunot ang noo ni Tristan. Sumenyas ito kay Yvanna na pumasok na sa loob ng villa. Pagkatapos, dahan-dahang lumuhod si Tristan sa tabi ng naghihingalong asawa, marahang hinawakan ang duguan at luray na pulso ni Samantha, at bumulong sa tono ng isang taong nagbabasa ng eulogy sa telebisyon:

“Samantha, sa buhay na ito... aminin ko, nagkulang ako sa ’yo. Masyado kang naging abala sa negosyo kaya kinailangan kong maghanap ng tunay na tahanan.” Tumitig ito sa lumalabo niyang paningin. “Kung may susunod mang buhay... hinding-hindi na kita lolokohin. Pangako.”

Hinding-hindi lolokohin?

Isang duguang ngisi ang gumuhit sa nanlalamig na labi ni Sam. Kung may lakas lang siya, isinubo na niya ang basag na brilyante sa ngala-ngala ng lalaking ito! Hindi siya papayag! Hindi maaaring ang mga linta na ito ang magdiwang sa ibabaw ng kanyang bangkay habang nilulustay ang bilyun-bilyong pamanang itinaguyod ng kanyang mga ninuno! Parang lason na baging na sumakal sa kanyang buong pagkatao ang matinding poot, pagkamuhi, at uhaw sa paghihiganti.

Bago tuluyang nilamon ng itim na kurtina ang kanyang ulirat, tila narinig niya ang batingaw ng kampana sa katedral, kasabay ng alaala ng pekeng pangako sa kanya sa altar: “Wait for me, Sam.”

Demonyo. Nilinlang siya ng buong angkan.

“Hah!”

Bumangon nang marahas si Samantha sa kama. Humahabol siya ng hininga, humahandusay ang dibdib sa ilalim ng manipis na seda, at basang-basa ng malamig na pawis ang kanyang noo at batok.

Walang lasa ng kalawang sa kanyang lalamunan. Walang sumasaksak na kirot sa kanyang baga. Ang tanging naririnig niya ay ang marahas niyang paghinga at ang banayad na ugong ng central air-conditioning sa loob ng isang pamilyar at napakalawak na silid.

Nang ikuyom niya ang kanyang mga palad, naramdaman niya ang hindi pangkaraniwang lambot at kinis ng balat.

Ang kanyang mga kamay...

Kumalabog nang ligaw ang kanyang dibdib. Padabog niyang itinapon ang mamahaling Egyptian cotton duvet at patakbong tumayo. Walang sumakit na likod. Walang lumutong na tuhod. Pagdating niya sa dambuhalang three-way vanity mirror ng master bedroom sa Forbes Park mansion, literal na napanganga si Sam.

Malinaw ang salamin. Tumambad sa kanya ang isang mukha na matagal na niyang ibinaon sa limot.

Makinis, maputi, at walang bahid ng kahit isang pinong kulubot. Ang mga pisngi niya ay puno ng sariwang collagen, at ang kanyang mga mata ay sumisigaw ng sigla ng isang dalagang nasa edad dalawampu pa lamang. Nanginginig niyang iniangat ang mga daliri at hinaplos ang sariling pisngi.

Mainit. Tumatibok. Buhay.

Ibinaba niya ang tingin sa kanyang pulso. Walang peklat. Walang sugat mula sa basag na Cartier bracelet. Sa halip, isang simpleng pink hair tie lamang ang nakasuot doon, katabi ng kanyang fresh bubblegum pink manicure.

Hindi ito panaginip.

Bumalik siya.

Bumalik siya sa panahong bente anyos pa lamang siya—bago pa man maganap ang kasal, bago pa man siya pumasok sa impyerno ng mga Alcantara, at bago pa man maubos ang kanyang dangal at bilyun-bilyong yaman.

Biglang tumunog ang mamahaling flip phone sa ibabaw ng nightstand, tumutugtog ng default polyphonic ringtone. Lumitaw sa maliit na screen ang contact name na nagpatayo ng bawat balahibo sa kanyang katawan:

CALLING: TRISTAN ALCANTARA (My Future Hubby 💍❤️)

Napatitig si Sam sa umiilaw na screen. Tiningnan niya ang digital calendar sa kanyang bedside table: eksaktong tatlong araw bago ang grand high-society wedding of the century sa Manila Cathedral.

Dahan-dahang nawala ang panlalaki ng kanyang mga mata. Sa halip, isang nanlilisik, mapanganib, at lubos na mapanuyang ngiti ang gumuhit sa kanyang mga labi.

Dinampot niya ang telepono, pinindot ang red button para i-reject ang tawag, at pinalis ang makintab na buhok sa kanyang balikat.

“Future Hubby mo mukha mo,” malamig at nakangising bulong ni Sam sa hangin. “Tristan, honey... hindi lang kasal ang susunugin ko. Pati tax records mo, gagawin kong confetti sa reception.”

Tampilkan Lebih Banyak
Bab Selanjutnya
Unduh

Bab terbaru

Bab Lainnya

To Readers

Maligayang pagdating sa aming mundo ng katha - Goodnovel. Kung gusto mo ang nobelang ito o ikaw ay isang idealista,nais tuklasin ang isang perpektong mundo, at gusto mo ring maging isang  manunulat ng nobela online upang kumita, maaari kang sumali sa aming pamilya upang magbasa o lumikha ng iba't ibang uri ng mga libro, tulad ng romance novel, epic reading, werewolf novel, fantasy novel, history novel at iba pa. Kung ikaw ay isang mambabasa, ang mga magandang nobela ay maaaring mapili dito. Kung ikaw ay isang may-akda, maaari kang makakuha ng higit na inspirasyon mula sa iba para makalikha ng mas makikinang na mga gawa, at higit pa, ang iyong mga gawa sa aming platform ay mas maraming pansin at makakakuha ng higit na paghanga mula sa mga mambabasa.


Tidak ada komentar
5 Bab
Jelajahi dan baca novel bagus secara gratis
Akses gratis ke berbagai novel bagus di aplikasi GoodNovel. Unduh buku yang kamu suka dan baca di mana saja & kapan saja.
Baca buku gratis di Aplikasi
Pindai kode untuk membaca di Aplikasi
DMCA.com Protection Status