Share

Chapter 4

Nakatulugan ko ang pag iyak kagabi. Kinabukasan ay nabungaran ko ang paghalik ni Nero sa noo ni Anna bilang  pamamaalam dito. Papasok na yata siya sa trabaho.

“Ingat ka sa trabaho,” malambing na sabi ni Anna.

Nalingunan niya ako at nakita niyang nanonood ako sa ginagawa nila. Nginisihan niya pa muna ako bago siya tuluyang umalis.

“Mitsy, ipagluto mo nga ako ng umagahan. Huwag lang 'yong ma-sibuyas at bawang ah? Nasusuka ako sa amoy ng mga 'yon,” sabi ni Anna pagkalabas na pagkalabas ni Nero.

Sarkastiko akong natawa. “Seryoso? Inuutusan mo ako? Sa sarili kong pamamahay?”

Nagtaas siya ng isang kilay. “Sarili mong pamamahay? Can't you see that I'm here? Hindi na ikaw ang reyna sa bahay na ito, Mitsy. Dahil ngayong nandito na ako, ay isa ka na lamang hamak na utusan.”

“Sa tingin mo talaga susunod ako sa 'yo?”

“Well, ayos lang din naman kung hindi. Iyon nga lang kapagka nagutom ako, siguradong magagalit na naman si Nero. Gusto mo ba 'yon? Nakita mo kung paano siya nagalit kagabi 'di ba? Gusto mo ulitin niya?” Nginisihan niya ako bago siya nagtungo sa sofa at naupo roon. Nagawa pang ilagay ang mga paa sa coffee table. Ang kalat!

“Lumayas ka sa pamamahay ko,” kalmado kong sabi.

Humalakhak siya na parang timang. “Pamamahay mo? Come again? Pamamahay mo? Baka pamamahay ko ang ibig mong sabihin. Hindi mo ba alam na sa akin na nakapangalan ang bahay na ito? Transferred na ito last week lang, Mitsy.”

Sunod-sunod na tumulo ang mga luha ko. Ibig sabihin, itong regalo sa akin ni Nero bago ang kasal namin ay hindi na akin? Pwede ba 'yon? Pwede bang bawiin ang ibinigay na? Is this why, walang hiya-hiya niyang pinatira dito ang kabit niya?

“Napakawalanghiya niyo talaga!”

Mas lalo siyang humalakhak. “Ngayon alam mo na. Naalala ko pa no'ng araw ng kasal mo. Wagas ka kung makangiti habang panay ang sabi ng mga tao sa 'yo kung gaano ka kaswerte at nakapangasawa ka ng napakayamang lalaki. Tingin mo ba mapapasayo ang kompanya ng mga Del Franco at ang pamamahay na ito? Tingin mo, ikaw ang reyna. Pwes, gumising ka na dahil nananaginip ka lang!”

Sa galit ko'y hindi na ako nagdalawang isip pa na sugurin siya't binigyan ng mag asawang sampal.

“HOW DARE YOU—”

“HOW DARE YOU TOO!” sigaw niya rin sa akin pabalik at itinulak ako ng pagkalakas-lakas. Natumba ako sa coffee table at agad na nalaglag sa sahig.

“Huwag na huwag mo akong masampal-sampal sa sarili kong pamamahay kung ayaw mong palayasin kita!” singhal niya sa akin at tinalikuran ako.

Bumangon ako't agad siyang sinugod. Hinila ko ang buhok niya pero naabot niya rin ang buhok ko. Hinila niya rin ito at sa sobrang lakas ng pagkakahila niya ay pakiramdam ko pati anit ko matatanggal!

“HAYOP KA! MANG AAGAW KA NG ASAWA! PATI BAHAY NA NIREGALO SA AKIN NI NERO, AAGAWIN MO PA!”

“IKAW ANG HAYOP! AKO ANG MAHAL NIYA! HUWAG MO NANG IPAGSIKSIKAN PA ANG SARILI MO SA TAONG HINDI KA NAMAN MAHAL!”

“MAHAL NIYA AKO KUNG HINDI KA LANG DUMATING!”

“HINDI NIYA AKO MAMAHALIN KUNG TOTOONG MAHAL KA NIYA! LINTIK! BITAWAN MO AKO!”

“OH MY GOD! WHAT IS HAPPENING HERE?!”

Agad akong napabitaw kay Anna nang narinig ko ang sigaw na iyon ni Mommy Loisa— mommy ni Nero.

“Tita!” si Anna. Nanlaki agad ang mga mata ko nang bitawan niya ako at lumapit siya rito. “Tita, sinaktan niya po ako. Alam naman niyang buntis ako— A-ahh! Ang b-baby ko. May nangyayari yata sa b-baby ko. Sobrang sakit ng puson ko. Ahhh!”

“Teka! Teka, Anna! What's happening?”

“Tita, ang sakit ng puson ko. Please, tawagan niyo po si Nero.”

“Manong Andoy, help us! Dalhin mo si Anna sa emergency! Faster!” pagsisisigaw ni Mommy Loisa.

Natulala ako habang pinapanood silang natataranta. Hindi agad na nagsink-in sa utak ko ang mga nangyayari. Alam ni Mommy Loisa na kabit ni Nero si Anna? She's aware that her son's having an affair? And by the looks of it, she's in favor of Anna.

Nagmamadaling bumalik si Mommy Loisa galing sa labas ng bahay matapos niyang tanawin ang sasakyang lulan si Anna. Nasa cellphone siya kanina at siguradong tinawagan agad si Nero at ipinaalam dito ang mga nangyari. At nang ibaba nga niya ang tawag ay nanlilisik naman ang mga mata niya nang lingunin ang bahay.

“ANONG GINAWA MO KAY ANNA HA?!” sigaw niya sa akin. Halata ang galit sa sigaw niyang 'yon dahil sa mga ugat na bumabakas sa leeg niya.

“M-mommy—”

“DON'T CALL ME MOMMY! HINDI KITA ANAK!”

Tuluyang tumulo ang mga luha ko. I was betrayed. I was fooled by them. Niloko nila akong lahat. Magkakasabwat silang lahat.

“Alam niyo?”

Sinampal niya ako ng pagkalakas-lakas at dahil sa panghihina'y nadala ako ng sampal na 'yon sa sahig. Nanatili akong nakayuko habang sunod-sunod ang pagpatak ng aking mga luha.

“Kapag talaga may mangyaring masama sa apo ko, hindi lang sampal ang aabutin mo sa akin!”

Naikuyom ko ang mga kamao ko. Alam ko na dati pa na hindi pabor sa akin ang manugang ko. Alam ko na dati pang ayaw niya sa akin para kay Nero. Pero hindi ko akalaing aabot sa ganito ang pagkadisgusto niya sa akin. Hindi ko akalaing pati ang pagkakaroon ng kabit ni Nero ay susuportahan niya.

“Sana nga . . . Sana nga malaglag na lang 'yong bata.”

“Anong sabi mo?!” Hinawakan niya ang buhok ko't hinila pababa upang mapatingala ako sa kanya. “ULITIN MO 'YONG SINABI MO!”

“SANA MAMATAY NA LANG 'YONG BATA SA SINAPUPUNAN NG ANNA NA 'YON!” sigaw ko. Lahat ng natitira kong lakas ay ibinuhos ko sa sigaw na 'yon. Kaya nang kaladkarin niya ako palabas ng bahay ay hindi ako nakapanlaban.

“LUMAYAS KA DITO! LUMAYAS KA AT HUWAG KA NANG BABALIK KUNG AYAW MONG MASAKTAN!”

Iniwan niya ako sa labas ng bahay at pumasok siya sa loob. Nanatili akong nakaupo sa magaspang na daan kung saan maraming kapitbahay ang ngayo'y nagsipaglabasan upang masaksihan ang kahihiyang natatamo ko. Pagkabalik ni Mommy Loisa ay bitbit na niya ang mga damit ko at basta na lang niyang itinapon sa mukha ko.

Komen (1)
goodnovel comment avatar
Claudia Rico
nakakainis naman Anong nangyari Ang tunay na Asawa pinalayas?
LIHAT SEMUA KOMENTAR

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status