Share

Chapter 5

Hindi ako umalis. Hindi ako gumalaw at nanatili doon kahit na pinagtitinginan ako ng mga tao. Bahay ko ito kaya bakit ako aalis? Dito ako nakatira kaya bakit ko ito iiwan?

Sumapit na lamang ang gabi at naroroon pa rin ako at yakap yakap ang sarili. Napatalon lang ako sa gulat nang biglang may malakas na bumusina mula sa aking likuran. Nilingon ko iyon at panandalian pang nasilaw sa ilaw ng sasakyan bago ko napagtantong sasakyan iyon ni Nero. Pinatay niya ang makina at bumaba siya. Tumayo ako upang sana ay lumapit sa kanya pero nilagpasan niya ako at umikot siya papuntang passenger seat. Pinagbuksan niya ng pinto si Anna.

“Mauna ka na sa loob,” sabi niya rito.

Nginisihan pa ako ni Anna bago siya tuluyang pumasok sa loob ng bahay.

“Nero, pwede ba tayong mag usap?” puno ng pagmamakaawa ang boses ko.

Marahas siyang bumuntonghininga at nagbaba ng tingin sa akin. Kahit kaunting awa ay wala akong nakikita sa kanyang mga mata, ang natitirang pag asa kong maawa siya sa akin ay unti-unting naglalaho.

“Wala na tayong dapat pang pagusapan, Mitsy. I already told you that I don't love you anymore. Gusto ko na ng divorce. Gusto kong ikasal kay Anna. Siya na ang mahal ko. Alin doon ang hindi mo maintindihan?” kalmado niyang sabi. At mas lalo lang akong sinasaktan ng pagiging kalmado niya. Sana pala ay sinigawan niya na lang ako.

“Paano naman ako, Nero? Ilang taon tayong magkasama. Para mo na rin akong pinutulan ng paa sa ginagawa mong ito! H-hindi ko kayang mabuhay ng hindi ka kasama.”

“Mitsy, hindi na ikaw ang gusto kong makasama. Please, maawa ka naman sa sarili mo.”

Umiling ako. “Maawa ka sa akin.”

Umiling din siya. “Magkakaroon na kami ng anak ni Anna. Bubuo na kami ng pamilya namin. Please, Mitsy huwag mo nang guluhin pa ang mga plano namin.”

Pagod akong napapikit. “Ako ang asawa mo, Nero. Pero bakit sa iba ka bubuo ng pamilya? Ako dapat 'yon! Ako dapat ang nasa posisyon ni Anna!”

Napahagulgol ako. Ang mga kamay ko'y itinukod ko sa aking tuhod. Dati, kahit simpleng pag iyak lang ay inaalo na niya ako. Ngayon, kahit pa humahagulgol na ako sa harapan niya ay wala pa rin siyang pakialam. At tila pa naiirita sa akin.

Umalis siya sa harapan ko. Ang akala ko ay papasok na siya sa loob ng bahay pero ilang sandali lang ay bumalik siya sa harapan ko.

“Tanggapin mo ito. Magsimula ka ng bagong buhay na wala ako.”

Nag angat ako ng tingin sa inaabot niya. Isang bugkos ng tig iisang libo. At ano ang ibig sabihin ng perang inaabot niya?

Umiling ako. “Alam mong hindi ako mukhang pera, Nero.”

Kinuha niya ang kamay ko at inilapag doon ang pera. “You need this. Umalis ka. Magpakalayo-layo ka. At huwag ka nang babalik.”

Umusbong ang galit sa dibdib ko. Iniwan niya ako. Sumakay siya sa kotse niya at pumasok na sa loob ng bahay. Isinara pa ang gate.

Nilingon ko ang bahay. I griteed my teeth at galit itong tiningnan.

“Hindi dito nagtatapos ang lahat, Nero. Babalikan ko kayo. Babalikan kita, si Anna, ang mommy mo . . . At ang anak niyo. Balang araw, kayo naman ang kakaladkarin ko paalis sa bahay na 'yan.”

Isang malalim na buntonghininga ang pinakawalan ko bago ko nagawang alisin ang mga luhang nagkalat sa aking mukha. Lumuhod ako sa mga damit kong nakakalat kanina at isa-isa 'yong inayos.

“Ate Mitsy . . .”

Napalingon ako sa aking likuran at nakita si Chandria. Iyong batang kapitbahay namin na madalas nagpupunta sa dito. Umiiyak siya at nasa likuran niya ang ate niya.

“Aalis ka po ba? Pinalayas ka po ba ni Kuya Nero?”

Tipid akong ngumiti sa kanya. “Babalik ako, Chandria. Kaya huwag ka nang umiyak.”

“Ate, pasensya na. Ito lang ang maitutulong namin sa 'yo,” si Kiendria— ate ni Chandria, sabay abot niya ng maleta.

Tinanggap ko 'yon at nginitian siya. Isa-isa kong inilagay ang mga damit ko sa maleta at nang natapos ay tumayo na ako't nagpaalam sa kanilang dalawa. Mahigpit na yakap ang ipinabaon sa akin ni Chandria.

**

Lagpas isang araw ang byahe papuntang Tagbilaran. Napagdesisyonan kong kina Rosalyn na muna tumuloy pansamantala habang hindi pa ako nakakabangon. Ayaw ko rin namang umuwi kina nanay at tatay dahil hindi pa ako handang harapin sila. Ayaw kong masaktan sila. Tama na 'yong ako lang ang sinaktan nina Nero at ng babae niya.

Ang problema ko ngayon ay kung papaano malalaman ang eksaktong bahay nina Rosalyn. Ang naaalala ko lang naman kasi sa larawang ipinadala niya sa akin noon no'ng bagong gawa ang bahay nila ay nasa harapan iyon ng dagat. Pero kilala ang asawa ni Rosalyn dito dahil ang sabi niya sa akin noon ay dating gobernador dito ang tatay no'ng napangasawa niya.

“Ah, kuya pwede pong magtanong? Kilala niyo po ba ang mga Mallorca?”

“Ay! Oo, hija. Sinong Mallorca ba ang hinahanap mo?”

“Si Rosalyn Mallorca po sana.”

Kumunot ang noo ng lalaking napagtanungan ko. Napakunot din tuloy ang noo ko. Hindi niya ba kilala si Rosalyn? Marami nga kaya ang mga Mallorca dito?

“Iyong dating Gobernador lang na Mallorca ang kilala namin, hija, e. Puntahan mo na lang sa happy house! Doon ko magtanong.”

“Saan po 'yon kuya?”

Napakamot ng ulo si kuya.

“Hoy, Simon! Ihatid mo nga 'to sa Happy house! Dadaan ka doon 'di ba?”

“Turista ba 'yan? Magkano ibibigay mo, ate?”

Tumaas ang dalawang kilay ko. Hindi ko alam kung magkano ang dapat na ibabayad pero isang libo sapat naman na siguro.

“Isang libo po kuya, pwede na po ba?”

Agad na nagkatinginan 'yong bagong dating na lalaki at 'yong lalaking kausap ko kanina.

“Masyado naman pong malaki, maam. Kahit dalawang daan, ayos na po. Sakay ka na po ma'am.”

No'ng binilang ko kanina ang perang ibinigay sa akin ni Nero ay umabot iyon hanggang singkwentamil. Talagang gusto niyang magsimula ako ng bagong buhay gamit ang perang ibinigay niya. Pero hindi ko iyon gagamiting panimula. Ibabalik ko sa kanya ang pera niya pagkabalik ko.

“Nandito na po tayo, ma'am.”

Napatingin ako sa lugar na hinintuan ng trike. Iilang mga tao ang nakikita ko. Nasa tabing dagat at mukhang resort itong tinutukoy nilang Happy House.

“Salamat po, Kuya,” saad ko sa trike driver at inabot dito ang 500 pesos. Nagreklamo pa siya pero hindi ko na pinansin pa.

Ang Happy House ay resort na gawa sa bamboo material. Pagkapasok na pagkapasok ko ay agad akong sinalubong ng babaeng nasa reception.

“Welcome to Happy House, ma'am! How may I help you?”

“Hi! Magtatanong lang sana ako. Saan dito ang bahay nina Rosalyn Mallorca?”

“Kaano-ano po kayo ni Ma'am Rosalyn? Ilang kilometro pa po ang kailangan niyong lakarin, ma'am bago makarating sa bahay nila. Gabi na po baka gusto niyong mag check in po muna dito. Tatawagan na lang po namin si Ma'am Ros.”

Umiling ako. “Ayos lang, lalakarin ko na lang, sabihin mo na lang kung saang direksyon.”

“Po?” bakas ang pag aalala sa kanyang mga mata. Kita kong nag aalangan siyang paalisin ako dito.

“S-sige po. Pero ayos lang po ba kung ipahatid kita sa isa sa mga employee namin dito?”

Tumango ako at ngumiti. “Yes, thank you.”

Nginitian niya rin ako pabalik. “Sige po. Pahintay lang po saglit ah?”

Iniwan niya ako sandali kaya naupo ako sa upuang gawa sa kawayan na naroon. Hindi kalakihan ang bulwagan nila pero sapat na para makahinga ako ng maluwag. Idagdag pa kung gaano ka-warm at cozy ng place. Malamig din ang simoy ng hangin. Nae-engganyo tuloy akong mag check in.

“Ma'am, siya po ang maghahatid sa inyo sa bahay nina Ma'am Rosalyn.”

Tumayo ako at magpapasalamat na sana sa babae pero natigilan ako't natuod sa aking kinatatayuan matapos makita ang lalaking kasama niya.

“N-Nero?”

Komen (1)
goodnovel comment avatar
Claudia Rico
may kakambal SI Nero
LIHAT SEMUA KOMENTAR

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status