Share

Selcouth

 

 

Pagkatapos mag-agahan ni Euphie ay bigla niyang naisipang maglibot libot sa paligid upang makita ang 'dating' Maynila na hindi pamilyar sakaniya. Ngunit hindi akma ang kaniyang ayos at kasuotan dahil nga sa galing siya sa modernong panahon, kaya naman kinausap niya si Isa kung maaring manghiram siya ng isang bestida niya kahit pansamantala lang.

“Walang problema po sakin. Binibining Euphie.” sagot naman ni Isa sakaniya kaagad. Ngumiti lang si Euphie sakaniya't tinanggap ang kulay asul na bistida na ipinahiram sakaniya. Bumalik siya sa silid niya upang magbihis nang mapansin niya ang lumang suot niyang blusa at pantalon.

Nandito pala 'to? Nakalimutan ko na ganto nga pala yung suot ko kagabi. Kinuha niya ang mga damit niya't napatigil siya nang bigla siyang may makapang matigas na bagay sa pantalon niya. Mabilis niya itong kinuha upang tignan at nang makita niya kung ano ito ay agad siyang nagulat at napangiti ng malaki.

My Cellphone! Oh my god! I can't believe it! Nakangising irit niya habang sinisiyayat niya ang cellphone niya. Mabuti na lamang at hindi ito nasira nung nabasa ang pantalon niya pero bukod sa lahat ay wala namang pinagbago rito, nawalan lang ng signal.

Of course. This is 1941. Hindi pa nga naman uso ang mga smartphones dito kaya imposible talagang magka-signal ako. she scoff.

Hinalughog rin niya ang iba pang laman ng bulsa niya't nakita rin ang earphones niyang nakapulupot at mukhang ayos at gumagana pa rin. Napangiti siyang muli at inisip na masuwerte siya't makakapakinig pa siya ng musika sa panahon na ito ngunit na isip rin niya na wala siyang dalang charger kaya mas pinili na lang niya na iwan ito at iniligay sa ilalim ng unan niya.

Pagkatapos niyang magbihis sa hiniram niyang bestida ay nagpatulong naman siyang magpaayos ng buhok kay Isa. Inirolyo nito ang kaniyang buhok gamit ng makalumang rollers saka nilagyan ng lasong kulay rosas.

“Andyan ba si Leonard? Gusto ko sanang magpa-alam sakaniya.” ani Euphie kay Isa pagkatapos niya siyang ayusan.

“Mag-paalam? Bakit ho? Hahayo na ho ba kayo binibini?” nag-aalala at gulat na tanong agad ni Isa sakaniya.

“Ay hindi! Magpa-paalam sana ako na gusto kong lumabas para makita yung paligid.” sagot naman niya kaagad.

“Ahh..” at napatango lang si Isa sakaniya. “Mag-isa lang ho ba kayong aalis?”

Napaisip sandali si Euphie sa tanong ni Isa sakaniya. Hindi niya kabisado ang lumang kalye ng Maynila at kung mag-isa siyang aalis ay malaki ang posibilidad na maari siyang maligaw. Napadako bigla ang mata niya kay Isa at napatitig sakaniya.

“..Pwede mo ba akong samahan?” mahinang tanong niya.

“Ho?”

“Uhm.. Hindi ko kasi kabisado yung buong Maynila kaya baka maligaw lang ako. Itatanong ko sana kung ayos lang sayo na samahan akong.. mamasyal?” nahihiyang tanong niya kay Isa. Napangiti lang ang inosenteng dalaga sakaniya't mabilis na sumang-ayon kaagad.

“Wala hong problema sakin. Ngunit kung hindi tayo papayagan ni Ginoong Christopher ay wala tayong magagawa kundi ang sundin siya.” sagot naman ni Isa sakaniya.

Napangiti ng malaki si Euphie sa mabilis na pag sang-ayon ni Isa sakaniya. Kaya lang tama rin siya na wala silang magagawa kung hindi sila papayagan ni Leonard na lumabas dahil amo siya ni Isa at nakikitira lang si Euphie sa bahay niya.

“Manang, alam niyo ho ba kung nasaan si Ginoong Christopher?” tanong agad ni Isa sa matandang kasambahay nang hindi niya matagpuan ang amo niya.

“Naku umalis na si Ginoong Christopher. Isinama siya ng bisita niyang si Ginoong Williams. Mukha atang may pagpupulong silang gagawin at kailangan niya ring dumalo.” sagot naman agad sakaniya.

“Ah ganun ho ba. Siya ho nga pala, Heto po pala si Binibining Euphie. Siya ho yung babaeng inuwi ng ginoo kagabi.” pakilala bigla ni Isa kay Euphie dun sa matandang babae.

“Binibini. Siya po si Manang Selya. Siya po ang tagapagluto ni Ginoong Christopher.” pakilala pa niya.

Ngumiti lang si Euphie sakaniya't magalang na binati siya gamit ng pagmamano rito. Agad na namangha si Manang Selya sa pinakitang asal ng kakaibang dalaga sakaniya. Akala niya kasi ay banyaga ito at wala namang ideya ang mga banyaga sa kultura ng mga pinoy sa paraan ng pag-respeto.

“Ay! Napakabuting dalaga naman ire!” napahirit agad ni Manang Selya pagkatapos magmano sakaniya ni Euphie.

“Salamat ho. Hindi po ako pamilyar sa lugar na ito kaya sana po alagaan niyo po ako ng mabuti.” mahinhing tugon naman sakaniya ni Euphie. Napangiti siya't naalala bigla ang mga nakatatandang kamag-anak niya na parehas lang din ang sinasabi gaya ng kay Manang Selya kapag nagmamano siya sa mga ito.

“Ay walang problema sakin iha! Wag kang mag-alala, Akong bahala sa iyo!” masayang sagot naman ni Manang Selya sakaniya. Napangiti lang si Isa at Euphie sa isa't isa saka nagpatuloy sa labas.

“Paano ba yan, Mukhang mamaya pa babalik si Ginoong Christopher. Nais mo pa rin bang umalis?” tanong ni Isa sakaniya.

“Kung ayos lang sayo. Gusto ko pa rin sana. Maganda ang panahon at mukhang maganda rin ang pagkakataon na ito upang makapamasyal.” sagot naman ni Euphie sakaniya habang iwinawasiwas niya ang kulay asul niyang bestida.

“Naku Binibini! Huwag niyo po masyadong iwasiwas ang iyong bestida!” gulat na sabi bigla ni Isa nang mapansin niyang medyo napapataas ang paglalaro ni Euphie sa kaniyang bestida.

“Ahh. Sorry..” mahinang bulong niya saka ayos ng palda ng bestida niya sabay ngiti ng bahagya kay Isa. Napa-iling saglit si Isa ngunit napangiti rin siya sa mapaglarong dalaga.

Sumakay sila ng kalesa hanggang sa makarating sila sa Carriedo kung saan matatagpuan ang magagandang uri ng tindahan. Pagkababa nila ay agad na namangha si Euphie sa kaniyang mga nakita. Bago pa ang mga gusali dito. Hindi masyadong matao kumpara sa totoo niyang panahon. Madalas ay puro lalakeng naka-pormal na suot ang makikita sa paligid kasama ang babaeng nakasuot ng bestida na masayang namamasyal sa paligid.

 

Madalas ay puro rin mga banyaga ang makikita sa paligid. Iilan lang ang mga pilipinong nakikisalamuha sakanila. Siguro nga sa panahon na ito ay nagkakaroon pa rin ng kaunting diskriminasyon sakanila kahit na sila naman dapat ang igalang at iprioridad.

“Wow.” rinig bigla nilang dalawa na naibulalas ng isang amerikano na nakasalubong nila.

Hindi ito pinansin ni Euphie samantalang labis naman ang kasiyahang nararamdaman ni Isa dahil hindi siya makapaniwalang kasama niyang naglalakad ngayon ang isang napakagandang dalaga.

Sino ba naman ang hindi mapapalingon sa mala-manika niyang kaanyuan na mukhang nasalo ata lahat ng magandang bagay nang naghuglog ng biyaya ang panginoon.

Matangkad siya. Balingkinitan at may maputi at makinis na balat. Bukod pa roon ay lubos na kahali-halina ang kaniyang mahaba at tuwid na kulay tsokolateng buhok na umaabot sa bewang. Ang kulay kastanyo niyang mata na wari mo'y kumikinang kapag iyong tinitigan, Ang kaniyang pisngi na kulay rosas at ang kaniyang labi na mapapatitig ka dahil sa natural nitong pagka-pula. At kahit hindi siya purong banyaga ay para bang sa lugar at panahon na napuntahan niya ngayon ay siya ang pinakamaganda.

Maging sa kaniyang departamento sa kanilang unibersidad ay kilala rin siya dahil sa kaniyang angking kagandahan. Bukod pa roon ay isa rin siyang huwarang estudyante na may matataas na grado. Ngunit ang lahat ng iyon ay hindi binibigyan ng pansin ni Euphie. Mababa lang kasi ang tingin niya sa sarili niya. Normal at hindi ganun kapansin pansin.

“Lahat sila ay napapatingin sa iyo, Binibini.” nakangising bulong ni Isa sakaniya habang binabagtas nila ang kalye ng Carriedo.

“Bakit? Masyado bang kakaiba ang itsura ko? Ayos naman ah?” nagtatakang tanong naman ni Euphie habang sinisilip ang mga lalakeng nakasulyap sakaniya. Hinaplos niya ang kaniyang mahabang buhok at napasilip sa ibang babaeng naglalakad. Kulot at naka-ayon ang buhok nila sa kung anong uso sa panahon nila ngayon. Ibang iba talaga sa walang kaisti-istilong buhok ni Euphie.

“Hindi po! Yun ay dahil sa iyong taglay na kagandahan binibini.” ipinagmamalaking sagot naman ni Isa sakaniya.

Napakunot lang ang noo ni Euphie sa sinabi ni Isa. Hindi niya maunawaan kung ano ba ang pamantayan nila sa pagiging maganda. Kung kagandahan lang din ang paguusapan ay mas nagagandahan pa siya kay Isa kaysa sa sarili niya.

Si Isa ay sa tingin niyang may totoong angking ganda ng isang Pilipina. Makinis at kayumanggi ang kaniyang balat. Maliit ang kaniyang mukha at may magagandang mata na may mahahabang pilik mata. Itim ang kaniyang buhok na nakaayos ayon sa uso ngayon. At kahit na hindi siya ganun katangkad ay mukha naman siyang isang inosente at hindi makabasag pinggang dilag. Kaya hindi talaga maunawaan ni Euphie kung bakit nasa kaniya ang mga mata ng mga lalakeng ito at hindi sa kasama niya ngayon.

“Hindi sila marunong tumingin ng tunay na maganda.” mahinang sagot lang ni Euphie habang umiiling iling sakanila.

Naglakad lakad sila at nang mapagod na sila ay umupo sila saglit sa ilalim ng isang puno. Tahimik lang na pinagmamasdan ni Euphie ang bawat taong dumaraan sa harapan nila habang nag-iisip ng malalim.

Kung titira siya dito ay tiyak na hindi talaga pwede na wala siyang pera kahit na isang sentimos. Kailangan niyang maghanap ng trabaho. Pero ang tanong, Saan? At bukod pa dun, isang syang estudyanteng kumukuha ng arkitektura. Wala siyang alam gawin kundi ang gumuhit at magplano. Hindi siya sa sanay sa gawaing bahay. Wala rin siyang alam sa pagluluto maliban sa pagbi-bake.

Mukhang tama nga si Leonard, Hindi niya nga talaga kakayanin ang makipagsapalaran sa malupit na bayang ito nang mag-isa. Pero gaya ng sagot niya ay wala siyang magagawa kundi ang magtiis at kayanin lahat ng dadating sakaniya.

“Mukha po atang malalim ang iyong iniisip. Mayroon ho ba kayong problema binibini?” tanong bigla ni Isa sa nakatulalang si Euphie. Napa-iling lang at napangiti si Euphie sakaniya.

“Iniisip ko lang yung mga dapat kong gawin ngayon na nandito na ako.” Sagot naman niya habang nakatingala sa bughaw na kalangitan.

“Mga dapat na gawin?” naguguluhang tanong pa ni Isa sakaniya.

“Wala. Basta..” at umiling lang muli si Euphie sakaniya.

Napangiti siya bigla ng maisip niyang para bang normal na lang sakaniya ang makisama at makipag-usap sa mga tao dito. Galing siya sa makabagong panahon na may panibagong paraan ng pagsasalita at pagkilos. Kung ganto lang pala kadali ang pag-akting na maging isang mahinhin at kagalang galang na dalaga ay sana noon niya pa 'to ginawa. Mas hinangaan pa siguro siya ng iba.

“Hindi pa ba tayo uuwi binibini?” tanong ni Isa sakaniya sabay tingin sa relong nakalagay sa pulso niya.

“Oo nga pala. Anong oras na ba?” tanong naman niya.

“Pasado alas dos na po, Binibini.”

Sumilip muli si Euphie sa maaliwalas na kalangitan. Mataas ang araw at lubos itong nakakasilaw. At hindi katulad sa totoo niyang panahon ay hindi ito mahapdi sa balat. Tumayo na siya sa pagkakaupo niya sa damuhan. Agad naman siyang sinundan ni Isa.

“Tara?” aya niya kay Isa nang nakangiti. Ngumiti lang si Isa sakaniya't tumango saka sila naglakad pabalik sa kalsada kung saan maraming kalesa at sasakyan ang nakaabang.

“Muntik ko nang makalimutan! Nais nga palang makatikim ni Manang Selya ng empanada rito. Sandali lamang binibini at bibili lang ako.” sabi bigla ni Isa saka ito kumaripas ng takbo.

Tahimik lang na naghihintay si Euphie sa tabi ng isang gusali. Lumilinga linga siya sa paligid at pinagmamasdan ang mga taong abala sa kanilang ginagawa. Batid rin niya na napapalingon at napapatingin ang ilang lalakeng dumaraan sa harap niya ngunit gaya ng dati ay hindi naman niya ito binibigyan ng pansin. Nagulat lang siya nang biglang may isang babaeng tumigil at lumapit sa harap niya.

“Sabi ko na nga ba at ikaw yan!” sabik na ika nung babae sakaniya. Nakasuot ito ng itim ng Cartwheel hat kaya hindi niya agad ito namukaan.

“Euphie.. tama? Ako ito. Si Esperanza!” Pakilala ng babae sakaniya sabay taas ng kaniyang sumbrero.

Nanlaki ang mata ni Euphie nang bigla niyang maalala si Esperanza. Paano, Siya kasi ang unang taong nakausap niya simula noong dumating siya rito.

“Naalala mo ako?” nagtatakang tanong agad ni Euphie sakaniya.

“Hindi ka ganun kadaling kalimutan lalo pa't napakaganda ng iyong boses at ang iyong taglay na kagandahan.” Nakangising sagot agad ni Esperanza sabay haplos ng buhok ni Euphie.

Mabilis na napaatras at namula ang pisngi ni Euphie dahil sa kahihiyan. Napa-ubo siya saglit saka tumayo at humarap sakaniya ng maayos.

“Oo Naalala na kita. Pero anong ginagawa mo rito ngayon?” tanong naman ni Euphie sakaniya.

“Namimili lang. Ikaw? Hindi ba't sinabi ko sayo na huwag kang aalis nung gabing yun? Bakit bigla ka na lang nawala?” tanong naman sakaniya ni Esperanza.

“Ahh..Pasensya na ngunit sadyang kailangan ko lang talagang umalis nung mga panahon na iyun.” Nahihiyang sagot naman sakaniya ni Euphie.

“Hindi na bale. Mabuti na lamang at nakita kitang muli. Alam mo ba na hinanap ka namin nung gabing yun? Gusto sana ni Madam Nadia na magtrabaho ka samin bilang isang mang-aawit. Sobra kasing nagustuhan ng mga bisita ang boses mo.” ani Esperanza sakaniya.

“Ho? Trabaho?” at napakagat labi lang si Euphie sa sinabi ng babae sakaniya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status