Share

Chapter 5

NALAGLAG ang panga ni Yumi sa ganda ng bakuran ng mansyon. Hangang-hanga siya sa iba't-ibang uri ng bulaklak na bawat daanan nila'y naroon ang mga iyon. Humahalimuyak sa bango. Halata sa ayos na hindi pinababayaan. 

"Si Mama ang nagpatanim ng mga bulaklak na nakikita mo. At siya rin ang nagdesinyo ng harden na ito. Kaya hindi ko pinababayaan. Kapag may nasira, ipinapaayos ko kaagad."

"Sobrang mahal mo ang ina mo, 'no?"

"Oo naman. Lahat naman yata tayo, mahal natin ang ating mga ina. Siyempre, mahal ko rin si Papa pero iba ang ina. Iba kasi silang mag-alaga."

"Tama ka."

Nagpatuloy ang maliliit nilang hakbang hanggang sa mapatapat sila sa pinaka-sentro ng harden na iyon. May isang bukal roon na may dalawang bebe na yari sa semento sa tabi. Umaagos ang tubig niyon patungo sa isang maliit na lawa. 

"Wow! Ang ganda!"

"Kaya sinasabi nila na pinamumugaran ito ng iba't-ibang engkanto dahil sa lugar na ito. Dito raw malimit tumira ang mga iyon at alam mo ba, bihira lang akong magpunta rito. Pinagbabawalan kasi ako."

"Sinong nagbabawal sa iyo? 

"Si Auntie Victoria-stepmother ko."

"Ah! Bakit naman daw?"

"Bukod daw sa delikado ang lugar na ito, bawal kasi sa akin ang sobrang masikatan ng araw."

"Ha? Papaano naging bawal iyon?" Sinulyapan niya ang binata at naghintay sa itutugon nito. 

"Mayroon kasi akong hindi maipaliwanag na karamdaman."

"May sakit ka?" Hindi malaman ni Yumi kung bakit nag-iba ang pakiramdam niya matapos marinig iyon mula sa binata. Kanina lamang naman ay masiglang-masigla ang katawan niya lalo nang makita ang magandang bakuran ng mansyon. Marahil ay sa dinaramdam ng binata. Nakiki-isa ang kanyang damdamin dito. Naisip din niya, kaya siguro ganoon ka-payat ang binata dahil sa sakit nito. Bawal pang magpainit kaya nama'y sobra ang pamumutla ang katawan. Pero, may tao ba talagang bawal masikatan ng araw? 

Naagaw ang kanilang pansin nang may humahangos na dumating. Naka-uniporme rin ito tulad nang dalawa pang maid.

"Sir Vincent, oras na po para pumasok kayo sa loob. Masyado na pong mainit ang sikat ng araw." 

"Sige," tumango ito rito. "Si Dalia nga pala, siya ang nag-aalaga sa akin." Hayag nito na nakatingin sa dalaga. 

Ngumiti si Yumi rito, gumanti rin naman ito ng ngiti sa kanya. 'Pagdaka ay magkasabay sila ng binata na bumalik sa loob ng mansyon. Nasa huli si Dalia na nakikinig lang sa kanilang pinag-uusapan. Pagkapasok ay dumiretso sila sa dining room at tulad nang nagdaang gabi, puno na naman ng pagkain ang mesa.

"Uhm, Vincent, bakit maraming pagkain ang mesa rito? Eh, tayo-tayo lang naman ang kakain. May darating bang bisita?" 

Napangiti si Vincent, "Ganito kasi rito. At ito ang gusto ni Auntie Victoria. Kapag kumakain, dapat daw palaging puno ang mesa."

"Ah! Ganoon ba!" Muli ay sinulyapan niya ang mga pagkaing nakahain sa harap ng mesa at halos kuminang ang mata niya roon. Parang kaysarap kainin lahat. Magaganda pa ang pagkakahanay niyon sa lalagyan. 

"Kumain ka na. Masarap iyan." Inginuso nito ang isang uri ng pagkaing nasa harapan niya at iyon ang kanyang nilantakan. 

Naging pino ang galaw niya sa harapan ni Vincent. Nakaramdam siya ng pagkaasiwa, marahil ay sa maya't-mayang pagkakatitig nito sa kanya. Lalo na't inalok siya nito na magpakasal sa kanya. Kahit pa nga sabihin na fake lang ang kasal na iyon ay hindi pa rin niya maiwasang isipin na magsasama sila sa iisang silid. Hindi tuloy niya mapigilang mag-isip nang kung anu-ano.

"Tapos ka na?" tanong nito nang makita siyang hindi na muli pang kumuha ng pagkain, inilapag na niya rin ang kutsara sa gilid ng pinggan. 

"O-oo, busog na ako eh!"

"Lets go upstair, may ipapakita ako sa iyo." 

Habang ina-akyat nila ang hagdan patungo sa ikatlong palapag ay panay kuwento si Vincent. At ayon din sa binata, kapag nagpakasal siya rito'y isasama siya sa England upang makilala ang iba pang kamag-anak nito. Biglang nakaramdam si Yumi ng excitement dahil sa sinabing iyon nito. Isa sa pangarap niya'y makasakay eroplano at makarating sa ibang bansa. Nagtatalo tuloy ang isipan niya kung tatanggapin ba ang alok nito o hindi. Hindi na niya naunawaan pa ang iba pang sinasabi ng binata dahil sa isiping iyon.

"Narito na tayo." Nangingiting binuksan ni Vincent ang pinakang-itaas ng mansyon. 

Isang malaking silid iyon na halos ikalula ni Yumi. Pinasadahan niya bawat naroon. Magmula sa carpet na kanilang tinutuntungan na para bang kaysarap gulongan. Ang mga nakahanay na kabinet ay punong-puno ng samu't-saring libro. May mesa at mga upoan din sa gitna at karamihan doon ay yari rin sa ginto.  Ngunit ang isa sa nakatawag-pansin sa kanya ay ang naka-display na tila isang pigurin sa sentro ng silid na iyon.

Nangonot ang noo niya habang nakatitig doon, "Hindi ba't ito ang mansyon na ito?" Sabay turo sa roon. 

Tumango si Vincent, "Oo." Lumapit ito roon. "Pinagawa ito ni Papa sa England. Kalahati ng sangkap sa paggawa nito'y ginto." Unti-unti ay pinasadahan ito ng kamay ng binata. "At alam mo bang bilyon ang halaga nito!" 

Bahagyang natigilan si Yumi. Napahugis bilog ang bibig niya. Binilang niya sa mga daliri kung gaano ba kalaki ang sinasabi ng binata. Pero, "Teka, bakit mo sa akin ipinapakita ito?"

Napatitig muna si Vincent sa dalaga, "Sabi kasi ng Papa, kapag ang nakatira raw dito sa bahay ay puno ng sigla, labis itong kumikinang at gusto kong subukan kung totoo nga ang sinasabi ni Papa."

"Bakit? Hindi ka ba masaya?"

Umiling si Vincent, "Sabi pa ni Papa bago siya pumanaw, babalik lang ang tunay na kinang ng pigurin na 'to kapag nahanap ko na ang tunay na magpapasaya ng puso ko. At alam mo rin ba, na kahit ibenta mo iyan ngayo'y mawawalang saysay ang tunay na halaga niyan."

"Dahil sa sinasabi mong mga nakatira rito sa mansyon mo?"

Muling umiling ang binata, "Dahil hindi ito kikinang sa oras na mailabas mo na ng mansyon. Kumbaga, magiging isang pangkaraniwang pigurin na lang iyan. Unless, nahanap ko na ang tunay kong kaligayahan."

"Magic? Ganoon ba? May kalakip itong mahika!" Nanlaki ang mata ni Yumi at pakiramdam niya'y lahat ng kanyang balahibo ay nagsitayuan. Hindi siya naniniwala sa mga magic lalo na kung galing sa perya pero ngayon, ewan ba niya. May takot din siyang nararamdaman. 

"Hindi ko alam kung magic nga ba ang dapat itawag d'on. Pero--"

"Mahiwaga pala ang pigurin na 'yan. Pero, bakit mo ipinakita sa akin iyan?"

Nagbaba ng paningin si Vincent at muli ay pinasadahan ng daliri ang bagay na nasa harapan. "Umaasa kasi ako na balang-araw makita at mahanap ko ang sinasabi ni Papa na tunay kong kaligayahan," malungkot nitong tugon. 

Nakaramdam ng awa si Yumi sa binata. Kahit siya man ang nasa kalagayan nito'y malulungkot din siya. Lalo na't may karamdaman pa ito. Nag-iisa at walang sino mang pamilya. Bigla tuloy niyang na-miss ang tiyahi't pinsan niyang si Althea. Kahit matatalas ang bunganga ng mga ito at panay utos, masaya naman siya sa araw-araw. Sila na lang kasi ang natitira niyang pamilya. Kung mayroon ma'y malayo at hindi pa n'ya kilala.

"Anong maitutulong ko para mapasaya ka?" Kahit hindi niya nais na magsalita ay kusang lumabas ang salitang iyon sa bibig niya. 

"Hindi ko rin alam." Naglakad ito patungo sa nakapinid na bintana. Binuksan iyon at saka'y sumilip. "Sa ngayo'y iisa lang naman ang gusto ko..." Nahinto at muling tumingin sa dalaga. 

"Sige. Pumapayag na ako sa gusto mong magpakasal tayo." Hindi pa siya nakatitiyak na iyon nga ang isusunod na sasabihin nito'y bigla na lamang niyang nasabi iyon. Huli na para bawiin pa.

"Talaga? Pero, baka'y hanggang sa una lang 'yan, ha?"

"Subukan natin. Hindi naman totoo, 'di ba? Kung umurong man ako, ibig sabihin may hindi ako nagustuhan o kaya nama'y nagalit ako sa 'yo." 

Sumilay sa labi ni Vincent ang kakaibang ngiti. At may kung anong nadama ito sa kaibutoran ng puso. Hindi maipaliwanag na bagay. Maya-maya pa ay lumapit si Yumi at dumungaw rin sa binata. Sabay nilang tinanaw mula roon ang kalupaan ng mansyon. Siyang-siya ang dalaga sa mga nakikita at ang ngiting iyon ang nagdulot din ng ngiti sa binata. 

Sinamahan siya nito sa silid niya, naiinip daw ito kaya inubos nila ang oras sa pagkukuwentuhan. Nagkuwento rin siya tungkol sa buhay niya. Wala siyang pinalampas na kahit maliit na detalye. Hindi niya malaman kung bakit tila kampante siya sa presinsiya nito na kung tutuosi'y dapat matakot siya. Una, sa panlabas na anyo nito. Oo nga't guwapo ito pero...haller, sino ang maniniwala na bawal itong masikatan ng araw. Vampire lang ang peg. Ikalawa, ayon dito ay pinamumugaran daw ang mansiyon ng iba't ibang uri ng engkanto at ang ikatlo, ang gintong pigutin. May ganoon ba talaga? Hindi kaya may lahi talaga itong bampira? Bahagya siyang napailing sa naiisip. 

Ilang oras pa ang lumipas ay bumaba na sila para maghapunan at gaya nang mga nauna, marami na naman ang nakahaing pagkain. Sila lang ang nakaupo roon. Habang nginunguya ang pagkain ay naisip niya ang tiyahin at Althea. Kumusta na kaya ang dalawa? 

"Is there something wrong?"

Napapitlag siya sa narinig. "Uhm..."

"May gumugulo ba sa isipan mo?"

"Ha? W-wala. Naisip ko lang ang tiyahin ko." Ngumiti siya at minadali na ang pagkain. 

Sabay na silang umakyat. Inihatid pa siya nito sa silid niya. "Good night! Be ready for tomorrow," anito.

Nanatili siya sa harap ng pinto, "Be ready for tomorrow?" patanong niyang ulit kahit wala na ito sa harapan niya. Kahit hindi siya nakatapos sa pag-aaral ay nakauunawa naman siya ng mga basic na english. "Ano kayang ibig niyang sabihin?" Nahulog siya sa malalim na pag-iisip hanggang sa nakatulogan na niya iyon. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status