Share

Behind The Mafia's Mask
Behind The Mafia's Mask
Author: Gael Aragon

CHAPTER 1

Author: Gael Aragon
last update Huling Na-update: 2025-09-08 19:55:24

“Habulin mo ako!” anang batang lalaki na walang mukha na kumakaway sa batang babae pagkatapos ay mabilis na tumakbo. “Bilis! Habulin mo ako!” sigaw nito habang papalayo nang papalayo sa batang babae, hanggang sa bigla na lang naglaho ito.

Maya-maya’y biglang nagdilim ang paligid at nakarinig ang batang babae ng malakas na pag-iyak. Nagtaka pa ito nang makita ang sarili habang buhat-buhat ng armadong lalaki. Iyak ito nang iyak pero muli ring naglaho at napalitan ng napakadilim at napakalalim na tubig.

Hindi ito makahinga. Para itong sinasakal nang mga sandaling iyon.

Saklolo! sigaw nito ngunit tila walang salitang lumalabas sa bibig.

Sak—

Unti-unting lumubog ang ulo nito. Hinihigop ito ng tubig pailalim— pailalim nang pailalim. Hindi ito makagalaw hanggang sa tuluyan itong hindi makahinga.

“Hah! Hah! Hah!” Humihingal na kaagad na bumangon si Lucianna. Hindi maipaliwanag ang nadarama niyang takot sa didbib habang hawak ang kaniyang leeg at mahigpit iyong hinahagod. Halos lumabas din ang mga ugat sa kamay niyang nakakapit doon. Pakiramdam niya, nalulunod siya— nauubusan ng hangin.

Umubo siya, magkakasunod. Pagkatapos, mabilis niyang iginala ang mga namumulang mga mata sa paligid. May gaserang ilawan na aandap-andap sa kaniyang tabi. Ang liwanag niyon ang tanging tanglay sa silid na kaniyang kinaroroonan.

Pinilit niyang ikalma ang sarili. Ilang beses siyang huminga nang malalim habang pinapahiran ang mga pawis na gumiti sa kaniyang noo. Hindi niya alam ang ibig sabihin ng panaginip niyang iyon. Hindi niya alam kung bakit sa tuwina na lamang ay ganoon ang napapanaginipan niya. Para kasing totoo— para talaga siyang nasa tubig.

Bahagyang nabawasan ang kaba sa kaniyang dibdib makaraan ang ilang sandali. Napatingin siya sa labas ng kanilang barong-barong nang umingit iyon dala ng malakas na hangin.

Nang tuluyan ng kumalma ang isip at katawan ni Lucianna, mabilis siyang tumayo at kinuha ang ilawan, sabay labas ng kaniyang silid. Nagtungo siya sa kwarto ng kaniyang mga magulang na biglang nagising dahil sa pagpasok niya.

“Bakit anak?” masuyong tanong ng nag-aalala niyang ina na si Salve, nang ipatong niya ang ilawan sa maliit na lamesang kawayan na naroon. Agad siyang lumapit dito at yumakap nang mahigpit. Bahagya naman nitong tinapik-tapik ang kaniyang likod.

“Nanaginip ka na naman ba?” tanong pang muli nito.

Marahan lang siyang tumango.

“Napapadalas na yata ang mga panaginip mong iyan, ah,” anang kaniyang ama na si Mariano, na napabangon na rin.

Bahagya niyang inilayo ang sarili sa ina at tinitigan ang mga ito. “Bakit sa tuwing mananaginip ho ako, palagi hong para akong nalulunod? May nangyari ho ba sa akin dati, ’Nang, ’Tang?” nalilitong tanong niya sa mga magulang.

Nagkatinginan naman ang mga ito at sabay na umiling.

“Wala naman, anak. Baka talagang nananaginip ka lang nang ganoon,” mabilis na sagot ng kaniyang inang.

Bahagya siyang tumango. “Siguro nga ho,” sang-ayon niya rito.

“O, eh, bueno . . . narito ka na rin lang, dito ka na lang matulog sa tabi namin. Matagal-tagal na rin nating hindi nagagawa iyon,” wika naman ng kaniyang itang.

Napangiti naman siya sa sinabi nito. “Sigurado ho ba kayo, ’Tang? Baka naman lalo lang akong hindi masundan niyan,” nagbibirong wika niya sa mga ito.

“Kuh! Ikaw na bata ka, oo! Ke-tatanda na namin paano ka pa masusundan, aber?” palatak ng kaniyang ina na ikinalapad ng mga ngiti niya.

“Gusto ko naman hong magkaroon ng kapatid para may makalaro ako. Promise po, magiging mabuting ate ako sa kaniya.”

“Ikaw nga, Lucianna, ay tumigil-tigil d’yan sa sinasabi mo. Sa edad kong ito pagbubuntisin mo pa ako?” litanya ng kaniyang inang.

Napailing na lang siya at muling niyakap ang ina. “Kayo naman hindi na mabiro.” Nakangiting nilingon niya ang ama bago ito kinindatan.

Napangiti rin ito at sumali rin sa yakapan nila ng kaniyang ina.

“Sige na . . . Sige na . . . Matulog na tayo at maaga pa ang itang mo bukas,” anito.

Mabilis naman silang tumalimang mag-ama. Pinagitnaan siya ng mga ito. Pipikit na sana si Lucianna nang makarinig ng sunod-sunod na putok sa labas ng kanilang bahay.

“’T-Tang, ano po ’yon?” nahihintakutang tanong niya sa ama.

Agad itong tumayo. “Magtago kayo, bilis!” paanas na utos nito habang palingon-lingon sa may pintuan nila.

Kaagad naman silang bumangon ng kaniyang ina.

“Doon sa aparador,” sabi pa ng kaniyang ama, na sinunod naman nila. Ngunit, isang tao lang ang kasiya roon. Nag-aalalang napatingin siya sa ina.

“Ano’ng pang ginagawa mo? Pumasok ka na! Dali!” nanginginig ang tinig na utos nito sabay tulak sa kaniya papasok.

Naluluhang umiling lang si Lucianna at mahigpit na kumapit sa pintuan noon. Tuluyan nang nilukob ng takot ang kaniyang puso sa nakikitang anyo ng mga magulang habang nakatingin sa kaniya.

“P-paano ho kayo?” tanong niya sa mga ito kasabay ng pagpatak ng mga luha.

“Hu—”

Naputol ang sasabihin ng kaniyang ina nang muli silang makarinig ng sunod-sunod na putok sa labas, kaya bigla silang napayuko. Mahigpit siyang napakapit sa braso ng ina.

“Pasok na, Lucianna!” galit na wika ng kaniyang ama.

Walang nagawa si Lucianna kundi ang mag-isang tumago sa aparador.

Eksaktong pagkapasok na pagkapasok niya roon ay biglang bumalandra ang kawayan nilang pintuan kasabay ng pagbagsak niyon sa lupa, at tuloy-tuloy na pumasok ang mga armadong lalaki. Hinalughog ng mga ito ang kanilang bahay at natagpuan ang kaniyang mga magulang sa silid na kinaroroonan nila.

“Itali ang dalawang ’yan!” utos ng tila pinakalider ng mga iyon.

Sa siwang ng aparador ay kitang-kita ni Lucianna na mabilis na itinali ang paa’t kamay ng kaniyang mga magulang at binusalan ang bibig. Paikot-ikot sa harap ng dalawa ang mataas na lalaki na nakaitim na sumbrero at maskara. Maya-maya’y tumigil ito sa tapat ng kaniyang ama at marahas na inalis ang pasak sa bibig.

“Saan mo itinago ang mga epektos?” nagngangalit ang mga bagang na tanong nito.

“W-wala ho akong alam sa sinasabi ninyo . . .” nanginginig ang tinig na tugon ng kaniyang ama.

“Sinungaling!” At isang malakas na tadyak ang pinakawalan nito.

Malakas na napasinghap si Luciana kasabay ng pagpatak ng kaniyang mga luha nang makitang napauklo ang kaniyang itang sa sobrang sakit na dulot ng pagkakatadyak dito. Mariin niyang itinakip ang kamay sa bibig upang hindi makalikha ng anumang ingay.

“Kung ako sa ’yo, tanda, magsasalita na ako bago ko pa pasabugin ang ulo nitong asawa mo!” anito at tinutukan ang kaniyang inang ng b**il sa ulo. Tila nawalan naman ng kulay ang mukha ng itang niya.

“P-parang awa n’yo na ho . . . Wala ho akong alam sa sinasa—” At isa pa uling malakas na tadyak ang natanggap ng kaniyang ama bago pa nito natapos ang sasabihin. Napahandusay na lang ito sa lupa habang namimilipit sa sakit.

“Matigas ka talaga, ha?” anang lider ng mga armadong lalaking iyon at itinutok nito ang b**il sa binti ng kaniyang ama, pagkuwa’y walang kaabog-abog na pinaputok iyon.

Kitang-kita ni Lucianna ang pagtalsik ng dugo nito sa kung saan na halos ikatili niya, kundi lang niya kaagad nakagat ang ibabang labi nang mariin.

Malakas na napasigaw ang kaniyang itang dahil sa sakit na idinulot niyon. Ang kaniya namang inang ay halos panawalan ng ulirat dahil sa duguang binti ng asawa. Nagpupumiglas ito kasabay ng sunod-sunod na pagdaloy ng mga luha, kaya ito naman ang nilapitan ng lalaki at binaril sa may braso. Doon na tuluyang nawalan ng malay ang kaniyang ina. Bumagsak ang duguang katawan nito sa lupa. Ang kaniyang ama na walang magawa ay napahagulhol na lang ng iyak.

“Ano? Hindi mo ba talaga sasabihin sa akin kung nasaan ang mga epektos?” untag muli rito ng lalaki.

Mariing umiling ang kaniyang ama. Hindi na ito makapagsalita sa tindi ng takot na nadarama.

Hahampasin na sana ng lalaki ng b**il nito ang mukha ng kaniyang ama, nang pumasok doon ang isang pang lalaki at lumapit dito. May ibinulong ito sandali sa lider.

“Ano?! P*ny*t*! Bakit hindi nila sinabi kaagad?” nanggagalaiti sa galit na tanong nito.

“Hindi ko alam. Basta iyon ang sabi ni Hugo,” anang kausap nito.

Galit na naihilamos nito ang mga kamay sa mukha pagkakuwa’y tiningnan ang kaniyang mga magulang.

“Paano daw ang gagawin ko sa mga ito?” inis na tanong pa ng lider.

Nagkibit-balikat naman ang lalaking kausap. “Tuluyan mo na lang,” tugon nito.

Walang emosyong tiningnan muli ng pinakalider ang duguan niyang mga magulang. Tumalungko ito at pilit iniupong muli ang kaniyang itang.

“Pasensya na, trabaho lang,” wika nito sabay putok muli ng b**il sa ulo mismo ng kaniyang ama. Ganoon din ang ginawa nito sa kaniyang inang. Pagkatapos noon ay inalis nito ang maskara at sumbrero, at iginalang muli ang mga mata sa paligid, bago tuluyang tumayo saka iniwan doon ang wala ng buhay na mag-asawa.

Para namang binuhusan ng malamig na yelo ang buong katawan ni Lucianna. Tulalang nakatitig lang siya sa nakahandusay na katawan ng kaniyang mga magulang sa siwang ng aparador, habang umaagos ang sariwang dugo ng mga ito sa lupa. Pakiramdam niya, nawalan din siya ng buhay habang pinagmamasdan ang mga ito.

Mahigit tatlumpong minuto rin siyang nakatulala bago naisipang gumalaw na parang isang robot. Pinakiramdaman niya pa ang paligid sa pag-aalalang baka naroon pa rin ang pumatay sa mga magulang niya. Baka biglang bumalik ang mga ito at siya naman ang p**ayin. At kapag nangyari iyon, hindi niya mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mga ito dahil iyon lang ang salitang tumatakbo sa isipan niya sa mga sandaling iyon— hustisya.

Nang masigurong ligtas na ang paligid, marahang binuksan ni Lucianna ang pintuan ng aparador. Tumambad sa kaniyang paningin ang duguang katawan mh mga magulang kasabay ng panlalabo ng kaniyang mga mata. Ilang sandali rin niyang pinigilan ang sarili hanggang sa unti-unti pumatak ang mga luhang naging malakas na palahaw sa kalaunan. At tila nakikiayon ang panahon sa pagluluksa niya dahil biglang bumuhos ang malakas na ulan sa labas.

Patakbong niyakap niya ang kaniyang mga magulang. Sa isip, nahiling na lang niyang sana ay may malapit silang kapitbahay upang nakahingi sila agad ng tulong. Ngunit dahil malayong-malayo sa sibilisasyon ang islang iyon, wala halos nakatira doon. Ang iba ay sadyang nililisan ang isla upang magkaroon ng maayos na pamumuhay sa ibang lugar. Mahirap kasing manirahan doon sapagkat walang maayos na tubig, kuryente at pati na hanap-buhay.

Sa patuloy na pag-agos ng kaniyang mga luha, patuloy rin ang malakas na pagbuhos ng ulan. Kaalinsabay niyon ay ang mabilis na pagkalat ng pulang likido sa kinaroroonan niya.

Paano na siya ngayon? Paano na siya kung wala ang kaniyang mga magulang? Ang mga ito na lang ang mayroon siya, ngunit walang kalaban-labang pinatay ng mga lalaking iyon!

Biglang tumigas ang kaniyang anyo. Hindi niya alintana kung napupuno na rin ng dugo ang katawan niya. Namukhaan niya ang lider ng mga iyon nang magtanggal ito ng sumbrero at maskara. Kaya sisiguraduhin niyang pagbabayaran nito ang ginawa sa mga magulang niya, kesehodang ibenta niya ang sarili kay Satanas.

“Isinusumpa ko, ’Nang, ’Tang . . . mabubulok sa bilangguan ang mga walang-pusong iyon!” Napuno ng puot ang kaniyang dibdib. Nawala rin ang matitinong dahilan sa kaniyang isip, at ang tanging nais na lamang ay gumanti sa pumatay sa dalawang taong mahal na mahal niya. “Lalabanan ko kayo hanggang sa impyerno. Isinusumpa ko iyan! Isinusumpa ko!” sigaw niya na nilamon lang ng lakas ng ulan.

At dahil wala naman ngang gasinong tao sa islang iyon; kaya halos magkakakilala ang lahat, nagulat na lang ang mga ito nang malamang nilusob ang bahay nila at pinatay ang kaniyang mga magulang. Kaya’t sa tulong ng ilang taga-isla, nailibing nang maayos ang kaniyang inang at itang. Hindi na niya pinatagal ang burol sapagkat wala namang hihintayin pang kamag-anak. Isa pa, buo na ang pasya niya— luluwas siya sa syudad sa lalong madaling panahon.

Patuloy na basahin ang aklat na ito nang libre
I-scan ang code upang i-download ang App

Pinakabagong kabanata

  • Behind The Mafia's Mask   CHAPTER 6

    Iika-ikang lumabas ng silid si Lucifer nang magising siya kinabukasan. Hinahanap niya si Lucianna pero wala ito roon.Iniikot niya ang mga mata sa kabuuan ng bahay. Magkasama na ang kusina at sala niyon. May upuan lang na pahabang kawayan sa sala at lamesang yari din sa kawayan na may nakapatong na halaman, kaya niya nalamang sala nga iyon. Ang kusina naman, may kahoy na lamesa at tatlong upuang kahoy rin. May maliit na lababo kung saan naroon na ang lahat: mga plato, gamit sa pagluluto at mga condiment kagaya ng mantika, toyo, asin, suka, sibuyas at bawang na nakalagay sa isang maliit na basket at kung ano-ano pa. Katabi ng lababo ang isang tungkuan na yari naman sa lupa. Napakaliit ng bahay na iyon, ngunit napakalinis. Wala ring masiyadong gamit kaya maaliwalas tingnan.Ngunit, kahit dalawa ang silid ng bahay ni Lucianna, mas malaki pa rin na di-hamak ang kabuuan ng kwarto niya roon. Pero nagtataka pa rin siya kung mag-isa nga ba roon ang

  • Behind The Mafia's Mask   CHAPTER 5

    Maghapong muling nakatulog si Lucifer sa isang maliit na silid, kung silid nga bang matatawag iyon. Halos kasing laki lang kasi iyon ng banyo niya sa mansyon nila. Ang papag na kaniyang kinahihigaan ay yari sa kawayan na ni wala man lang kutson at banig lang ang sapin. May maliit iyong bintana na may kurtinang halatang lumang-luma na. Walang kuryente at ilaw na de-gas ang gamit. Ang dingding ng buong kabahayan ay yari sa sa pinagdikit-dikit na kawayan, habang pawid naman ang bubungan. May isa roong maliit na aparador na alam niyang lagayan ng damit. At sa tabi nang hinihigaan niya, isang lamesang yari din sa kawayan ang naroon kung saan may nakalagay na kung ano-ano.He breathed, in and out. Mabagal lang niya iyong ginawa dahil bukod sa masakit pa ang buong katawan niya, kumikirot din ang kaniyang mga sugat. Hindi pa talaga siya magaling, nagpilit lang siyang bumangon kanina para alamin kung nasaan siya. Akala nga niya hindi na siya makaliligtas pa. Mabuti na lang at may isla siyang p

  • Behind The Mafia's Mask   CHAPTER 4

    Hindi pa rin gumagalaw si Lucianna sa kaniyang kinatatayuan. Pabali-balik ang tingin niya sa barong-barong nila, pagkatapos ay sa taong nakalutang sa dagat. Dahil sa nangyari sa ama’t ina niya, nagkaroon na siya ng takot sa mga ganitong bagay. Baka kung sino na lang ang taong ito at mapahamak pa siya. Maaari ring isa ito sa mga lumusob noon sa kanila.O baka naman isang simpleng mangingisda lang na dinaanan ng masamang panahon sa pamamalakaya at nangangailangan ng tulong, bulong ng kabilang bahagi ng kaniyang isip.Sa naisip, mabilis siyang lumusong sa tubig. Pero ilang hakbang pa lang ang nagagawa niya nang mapatigil muli. Hindi nga pala siya marunong lumangoy! May ilang dipa pa ang layo nito sa kaniya at medyo may kalaliman pa ang parteng iyon na kinaroroonan nito.Ilang sandali rin siyang nag-alinlangan kung sasagipin pa ba niya ito o hindi, dahil baka siya naman ang mapahamak. Hindi niya alam kung bakit, pero kahit tagaroon sila sa tabing dagat, hindi niya nakuhang mag-aral na lum

  • Behind The Mafia's Mask   CHAPTER 3

    “What’s the matter?” kunot-noong tanong ni Lucifer kay Leonard nang bigla silang tumigil sa gitna ng ilang na lugar sa may bahagi ng Quezon province. May importante siyang nilakad doon kasama ang kanang kamay.“Sandali lang, boss. Check ko lang sa labas,” anito sabay baba ng kotse.Ngunit, hindi pa man nakaaapak ang mga paa nito sa lupa, bigla na silang pinaulanan ng bala. Mabilis na yumuko si Lucifer. Isinara naman agad ni Leonard ang pintuan ng kotse. Pagkatapos, sabay pa silang dumukot ng kani-kanilang b**il at nakipagpalitan ng putok sa mga nasa labas.“Ahh! Sh*t!” palatak ni Lucifer nang madaplisan ito ng bala sa may balikat.Binuksan niya ang kabilang bahagi ng kotse at doon payukong lumabas. Medyo madilim na rin ang paligid kaya hindi niya gasinong maaninaw ang mga bumab**il sa kanila.Maya-maya’y narinig niya ang bahagyang pag-ungol ni Leonard. Mabilis niya itong nilapitan at nakita niyang may tama ito ng bala sa tagiliran.“Sh*t! Sh*t!” sunod-sunod niyang pagmumura habang haw

  • Behind The Mafia's Mask   CHAPTER 2

    “Are you sure about this information?” seryoso ang mukhang tanong ni Lucifer sa kaniyang kanang kamay na si Leonard, habang binabasa ang laman ng envelope.Nasa opisina niya ito sa loob ng FGC Building o Fernandez Group of Companies Building. A multibillion company with the biggest textile factories and bevearages in the country. Their company also owned multiple malls and banks, inside and outside Metro Manila, and an IT and security agency based in Metro.Ngunit lahat ng ito ay front lang sa totoong business ng mga Fernandez. Dahil bukod sa mga nabanggit, ang angkan nila ang may pinakamalaki at pinakamalawak na underground organization sa bansa, ang Code of the Revenant Order, na matagal ng namamayagpag hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa mga karatig bansa sa Asya.“Yes, boss,” tugon nito kasabay ng pagtango.Tinitigang mabuti ni Lucifer ang isang larawan, pagkatapos ay ang mga batang paslit na nasa loob ng isang malaking container van. Pinaraanang muli ng kaniyang mga mata an

  • Behind The Mafia's Mask   CHAPTER 1

    “Habulin mo ako!” anang batang lalaki na walang mukha na kumakaway sa batang babae pagkatapos ay mabilis na tumakbo. “Bilis! Habulin mo ako!” sigaw nito habang papalayo nang papalayo sa batang babae, hanggang sa bigla na lang naglaho ito.Maya-maya’y biglang nagdilim ang paligid at nakarinig ang batang babae ng malakas na pag-iyak. Nagtaka pa ito nang makita ang sarili habang buhat-buhat ng armadong lalaki. Iyak ito nang iyak pero muli ring naglaho at napalitan ng napakadilim at napakalalim na tubig. Hindi ito makahinga. Para itong sinasakal nang mga sandaling iyon. Saklolo! sigaw nito ngunit tila walang salitang lumalabas sa bibig.Sak—Unti-unting lumubog ang ulo nito. Hinihigop ito ng tubig pailalim— pailalim nang pailalim. Hindi ito makagalaw hanggang sa tuluyan itong hindi makahinga.“Hah! Hah! Hah!” Humihingal na kaagad na bumangon si Lucianna. Hindi maipaliwanag ang nadarama niyang takot sa didbib habang hawak ang kaniyang leeg at mahigpit iyong hinahagod. Halos lumabas din a

Higit pang Kabanata
Galugarin at basahin ang magagandang nobela
Libreng basahin ang magagandang nobela sa GoodNovel app. I-download ang mga librong gusto mo at basahin kahit saan at anumang oras.
Libreng basahin ang mga aklat sa app
I-scan ang code para mabasa sa App
DMCA.com Protection Status