Share

THE MAFIA'S MISTAKEN WIFE
THE MAFIA'S MISTAKEN WIFE
Author: MATECA

Chapter 1

Florence's POV

Hindi ako mapakali habang nalalapit ang oras ng aking kasal. Ikakasal kasi ako sa lalaking hindi ko mahal kaya pakiramdam ko ay para akong sinasakal ng suot kong wedding dress. 

Hindi ko kagustuhan ang  maikasal kay Ramon Aguila na isang sixty years old na biyudo at may anak na isang lalaking manyakis. Kapag nagpupunta rito sa bahay ang mag-ama para dumalaw ay walang ginawa ang anak nitong si Rio kundi ang manantsing sa akin. Kung hindi ko lamang inaalala na baka magalit sa akin si Tiyang Amparo ay pinatikim ko na ng malakas na suntok ang manyakis  na iyon. 

Hindi ko alam kung ano ang nagustuhan ni Tiyang Amparo sa Ramon na iyon para pilitin niya akong maipakasal sa matandang iyon. Ay pera nga pala ang dahilan kung bakit ako pinilit ni tiyang na magpakasal kay Ramon dahil may kaya pala ito. Ito kasi ang may-ari ng ilang paupahang apartment sa lugar namin kasama na ang inuupahan naming apartment. Kapag nagpakasal daw ako sa matandang iyon ay hindi na raw kami magbabayad ng upa at sasagutin pa raw ni Ramon ang pag-aaral ng dalawa kong nakababatang pinsan. May anak namang dalaga si Tiyang ngunit hindi ito ang ipinagtulakan nitong ipakasal kay Ramon.

Napahugot ako ng malalim na buntong-hininga habang tinitingnan ko ang bawat paggalaw ng mga kamay ng orasan. Hinihiling ko na sana ay tumigil ang oras na para hindi na sumapit ang oras ng pagpapakasal ko sa lalaking iyon na halos lolo ko na. Naputol ang aking pag-iisip nang biglang bumukas ang pintuan ng maliit kong kuwarto at pumasok ang nakangising mukha ng pinsan ko.

"Napakaganda mo naman, Florence. Sayang nga lang at sa isang matandang hukluban ka pa ikakasal," nang-iinis na kausap sa akin ng m*****a kong pinsan na si Carla. Ito ang panganay na anak ni Tiya Amparo.

Tinapunan ko siya ng masamang tingin. "Sa halip na inisin mo ako ay bakit hindi ka na lang magpasalamat sa akin? Dahil sa gagawin kong pagsasakripisyo sa sarili kong kaligayahan ay ang kapalit ang maalwan ninyong buhay. Lalo ka na, Carla. Dahil umaasta kang mayaman tayo kahit naman hindi."

"So sinasabi mo ba na pinipilit ka ni Mama na pakasalan ang matandang iyon para sa aming kapakanan?" galit na tanong niya sa akin. Ang kapal naman nitong magtanong pa sa akin gayong alam naman niya kung ano ang totoo.

"Hindi ba't iyon naman talaga ang totoo? Na ginagamit lamang ako ni tiyang para makaahon kayo sa kahirapan. Habang kayo ay nagpapakasaya sa bunga ng aking pagsasakrispisyo ay nagdurusa naman ako sa piling ng mag-amang iyon," hindi napigilang sumbat ko sa kanya. Ewan nga ba kung bakit ako nakumbinsi ni tiyang na magpakasal sa matandang iyon kahit alam ko nang ginagamit lamang niya ako para sa kabutihan ng mga anak niya. Siguro dahil sa utang-na-loob na tinatanaw ko sa kanya. Siya kasi ang kumupkop sa akin matapos mamatay ang aking ina limang taon na ang nakararaan. Ngunit kahit siya ang nagpakain sa akin at sa kanila ako tumira ay ginantihan ko naman ng kasipagan ang mga ibinigay nila sa akin. Dahil ako ang gumagawa ng mga gawaing bahay at nagtuturo sa mga pinsan ko sa mga aralin nila sa school. Tumutulong din ako kay tiyang na tumao sa kanyang maliit na sari-sari store. Kaya kung tutuusin ay nabayaran ko na ang pagpapakain sa akin ni tiyang. Ngunit sila na lamang ang natitirang kamag-anakan ko sa mundo kaya hindi ko magawang suwayin ang kagustuhan niya.

"Pasalamat ka at ikakasal ka ngayon kung hindi ay makakarating kay mama ang sinabi mo. Tingnan ko lang kung hindi ka niya sampalin dahil sa mga sinabi mong iyan," matalim ang tingin na sabi ni sa akin ni Carla. "Bilisan mo na raw at aalis na tayo dahil naghihintay na sa simbahan ang matandang mapapangasawa mo," pagkatapos akong tapunan ng nang-iinis na ngisi ay tinalikuran na niya ako at lumabas sa aking silid.

Muli akong napahugot ng malalim na buntong-hininga para paluwagin ang nagsisikip kong dibdib. Pagkuwa'y tinitigan ko ang aking repleksiyon sa harapan ng salamin. Masasabi kong mas lalo akong gumanda sa simpleng make up ko na gawa ng  baklang kapitbahay namin. Wala raw kasing pagbayad si Tiyang para kumuha ng isang propesyunal na beautician kaya ang kapitbahay naming bakla na lamang ang pinakiusapan niyang  mag-ayos sa akin. Ang suot kong wedding dress naman ay binili ni Ramon dahil gusto nito na magandang-maganda raw ako sa araw ng aming kasal.

Nakaramdam ako ng galit sa matandang iyon. Kung hindi dahil sa pakiusap niya kay tiyang at pagbibigay ng kung anu-anong suhol ay hindi sana ako ikakasal sa kanya ngayon. Bakit hindi na lang ito humanap ng babaeng kasing edad nito para pakasalan at hindi ang katulad ko na halos ay apo na lamang niya? Ang tanda-tanda na ay mahilig pa rin sa bata. 

Dahil hindi pa rin ako lumalabas sa aking silid ay si tiyang na ang kumatok sa aking silid. Napangiti ito ng maluwag nang makita ang aking hitsura.

"Ang ganda-ganda naman ng pamangkin ko. Tiyak na mas lalong mai-in love sa'yo ang matandang iyon," nakangising wika ni tiyang na halatadong tuwang-tuwa ang anyo.

"Alam niyo naman pala na matanda na ang pakakasalan ko pero bakit ninyo pa rin ako pinipilit na pakasalan siya?" hindi napigilang wika ko kay Tiyang. Hindi ko talaga matanggap na nais niya akong magpakasal sa lalaking hindi ko mahal at sa mas matanda pa sa kanya.

"Nag-usap na tayo tungkol dito, Florence," anang tiya ko na biglang tumalim ang tingin sa akin. "Umalis na tayo at baka naiinip na sa simbahan ang mapapangasawa mo."

Wala akong nagawa kundi ang tumayo sa kinauupuan ko at lumabas sa aking silid dahil talagang hindi lumabas si tiyang hangga't hindi ako lumalabas ng silid ko.

"Ang ganda mo naman, Ate Florence," humahangang puri sa akin ng pinsan kong si Jeff na labinlimang taong gulang pa lamang. Mayamaya ay biglang lumungkot ang mukha nito. "Kaso sa isang matandang lalaki ka pa nais na ipakasal ni Mama. Bakit hindi na lang siya naghanap ng mas bata para hindi ka naman lugi?"

"Tumigil ka nga diyan, Jeff. Ang isipin mo ay makakapag-aral ka sa kolehiyo kapag naging asawa na ni Florence ang matandang iyon," sikmat ni Carla sa nakababatang kapatid.

"Bakit hindi na lang ikawng magpakasal kay Ramon, Ate Carla? Tutal, mukhang ikaw naman ang mas gustong yumaman tayo," inis na sagot ni Jeff sa nakatatandang kapatid.

"Tumigil nga kayong dalawa. Bilisan niyo na lang at baka ma-late na tayo," saway ni tiyang sa dalawang anak bago ito nagpatiunang lumabas ng bahay at pumasok sa naghihintay na kotse ni Ramon na siyang sasakyan namin papuntang simbahan.

Hindi nagsalita si Carla sa halip ay iningusan lamang ako bago sumunod sa ina nito at pumasok sa kotse. 

"Sorry, Ate Florence. Dahil sa amin ay mapipilitan kang magpakasal sa taong hindi mo mahal," malungkot ang mukha na paumanhin sa akin ni Jeff. 

Binigyan ko siya ng mapait na ngiti. Mabuti pa ang bata at may konsiderasyon. Hindi katulad ng ina at kapatid nito na tanging mga sarili lamang nila ang kanilang iniisip.

"Wala na tayong magagawa, Jeff. Nandito na ito kaya hindi na ako makakaatras pa."

"Puwede ka pang umatras, Ate Florence. Tumakas ka sa kasal mo at magpakalayo-layo," tila matanda na nagpapayo sa akin na payo ng pinsan ko.

Umiling ako kay Jeff at bahagyang ngumiti. "Lumabas na tayo at baka mapagalitan pa tayo."

Mabigat ang loob na lumabas ako ng bahay at sumakay sa tabi ng driver's seat. At habang papalapit ng papalapit ang kotse sa simbahan ay mas lalo lamang tila nagsisikip ang aking dibdib. Umuukilkil sa aking isipan ang sinabi ng pinsan ko. Puwede pa akong umatras sa kasal ko. Kapag hindi ako umatras at magpakasal sa matandang si Ramon ay habambuhay kong pagsisisihan na hindi ko sinubukang gumawa ng paraan para hindi matuloy ang kasal. Sa isiping ito ay bigla ko na lamang binuksan ang pintuan ng kotse na eksaktong huminto dahil sa traffic lights. Nagmamadaling lumabas ako sa kotse at nagtatakbo palayo ng walang lingon-likod.

"Bumalik ka rito, Florence! Florence!" narinig ko ang nanggagalaiting sigaw ni Tiyang Amparo na humahabol sa akin ngunit hindi ako lumingon at sige pa rin ako sa pagtakbo kahit na pinagtitinginan ako ng maraming tao dahil sa suot kong wedding dress.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status