Share

Chapter 2

Florence's POV

Lakad-takbo ang ginawa ko para makalayo sa humahabol kong tiyahin. Mabuti na lamang at hindi ako nakasuot ng sandals na mataas ang takong dahil ang pinili kong isuot na sapin sa paa ay ang tennis shoes ko na mura ko lamang nabili sa isang online shopping. Hindi ko naman naisip na bigla akong tatakas sa aking kasal ngunit nakatulong ang pagsusuot ko ng tennis na sapatos para makatakbo ako ng mabilis.

Isang kotse ang biglang huminto sa aking harapan ang binuksan ko ang pintuan at walang paalam na basta na lamang akong sumakay. Isang lalaking hula ko ay nasa mid thirties pa lamang ang edad ang aking nakita na nakaupo sa likurang bahagi ng upuan.

"Sorry pero puwede bang ilayo mo ako sa lugar na ito?" nakikiusap ang anyo na sabi ko sa lalaki. Hindi niya ako sinagot sa halip ay inutusan lamang nito ang driver na paandarin na ang sasakyan.

Nakahinga ako ng maluwag nang   makita kong huminto na si tiyang sa paghabol sa akin nang makita niyang sumakay ako sa isang kotse. Napasandal ako sa upuan habang nakapikit ang aking mga mata. Salamat sa pinsan ko na siyang gumising sa aking diwa. Pakiramdam ko ay nabunutan ako ng malaking tinik sa aking dibdib. Kung hindi ako tumakas ay tiyak na habambuhay akong magiging asawa ng matandang iyon. At baka makisali pa ang anak nitong binata na tila asong naglalaway sa tuwing nakikita ako.

Biglang naimulat ko ang aking mga mata nang maalala ko ang lalaking katabi ko sa upuan. Palihim ko siyang pinagmasdan. May itsura ito at hindi naman ito mukhang masamang tao. Sana ay nasa mabuting mga kamay ako. Muli kong ipinikit ang aking mga mata. Saka ko na iisipin kung saan ako pupunta kapag nakababa na ako sa sasakyang ito. At dahil ilang gabi na akong halos walang tulog sa kakaisip tungkol sa nalalapit kong kasal kay Ramon ay hindi ko namalayang nakatulog pala ako. Naalimpungatan na lamang ako nang maramdaman ko na huminto na sa pagtakbo ang kotse.

Iminulat ko ang aking mga mata at tumingin ako sa labas ng bintana. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang nakahinto kami sa tapat ng isang malaking simbahan.

"B-Bakit tayo nandito sa simbahan?" nanlalaki ang mga matang tanong ko sa lalaking katabi ko sa upuan. Huwag sabihing mga tauhan ni Ramon ang nakasakay sa kotse na sinakyan ko?

"Siyempre kasal mo ngayon kaya nandito tayo sa simbahan. Ano pa ba ang gagawin natin dito?" nakangising sagot sa akin ng lalaki.

Pakiramdam ko ay nagkulay suka ang mukha ko nang marinig ko ang sinabi niya. Kung ganoon ay wala pala akong takas. Magiging asawa pa rin pala ako ng amoy-lupa na matandang iyon. Bakit ba ang malas ko? Sa dinami-rami ng kotse na masasakyan ko ay sa tauhan pa ni Ramon ako napasakay. Kaya pala hindi na ako hinabol ni tiyang dahil alam niyang sa kotse ng tauhan ni Ramon ako sumakay. Alam niyang maibabalik pa rin ako sa simbahan ng mga tauhan ng matandang pakakasalan ko.

Nanghihina ang katawan na lumabas ako sa kotse at naglakad palapit sa nakasaradong pintuan ng simbahan. Tumakas na nga ako pero heto at sa simbahan pa rin ako bumagsak. Kailangan ko na sigurong tanggapin ang aking kapalaran.

Kasabay ng pagbukas ng malaking pintuan ng simbahan ay ang malakas na tugtog ng wedding march at palakpakan ng mga taong naroon sa loob ng simbahan at naghihintay sa akin. Lumapit sa akin ang isang lalaking maghahatid sa akin papunta sa tabi ng lalaking pakakasalan ko. Hindi ko magawang tingnan ang mukha ng taong nakuha ni tiyang para tumayong aking ama pati na rin ang mga bisitang nasa loob ng simbahan. Nag-uulap ang aking mga mata at para bang anumang  segundo ay babagsak ang aking mga luha. Ayokong makita ng mga bisita na umiiyak ako dahil ayokong makita rin nila kung gaano ka-miserable ang pakiramdam ko ngayon.

Nanginginig ang aking buong katawan habang naglalakad kami sa pulang tela na nasa gitna at siyang dinaraanan ko kasabay ang lalaking nagsisilbing ama-amahan ko. Nang makarating kami sa tapat ni Ramon ay hindi ko magawang  iangat ang aking mukha. Nanatili lamang akong nakayuko dahil siguradong babagsak na ang aking mga luha sa oras na mag-angat ako ng aking mukha.

"Raise your head and look at me, Feelin," mariing utos sa akin ng isang lalaki na hindi pamilyar sa akin ang boses.

Kasabay ng pag-angat ng aking mukha ay ang pagtulo ng aking mga luha. Biglang nanlaki ang aking mga mata nang makita kong ibang groom ang nasa harapan ko. Hindi ang mataba at matandang si Ramon Aguila kundi isang guwapong lalaki ns ang hula ko ay nasa mid thirties pa lamang. Kunot na kunot ang noo nito habang nakatingin sa akin ang matalim nitong mga mata na tila ba hindi nito nagustuhan na nakitang umiiyak ang bride niya sa araw ng aming kasal.

Pakiramdam ko ay bigla akong naging tuod. Hindi ko maigalaw ang aking buong katawan at parang nalunok ko rin ang aking dila. Hindi ko magawang magsalita kahit na gusto kong itanong sa kanya kung sino ba siya? Nasaan si Ramon? Bakit ito ang nasa harapan ko sa halip na ang matandang iyon?

"Feelin, are you okay?" tila nag-aalalang tanong sa akin ng lalaking naghatid sa akin sa harapan ng groom.

Feelin? ulit ko sa pangalang itinawag sa akin ng lalaki pati na rin ng groom. Labis akong nagtaka kung bakit nila ako tinatawag na Feelin.

Inilibot ko ang aking mga paningin sa aking paligid nang sa wakas ay makuha ko nang makagalaw. Lalong nanlaki ang aking mga mata nang makita kong walang kahit isa akong kakilala sa mga taong um-attend sa aking kasal. Wala sina Tiya Amparo at Carla. Maging ang matalik kong kaibigan na si Choi na naunang nagpunta sa simbahan para mag-asikaso ay hindi ko rin nakita. Lahat ng mga taong nasa loob ng simbahan ay hindi pamilyar sa akin ang mukha.

Ano ba ang nangyayari? Bakit nag-iba ang mga tao na dapat sana ay makikita ko sa aking kasal? Tumakas ba ako sa aking kasal para lamang magpakasal sa isang estrangherong lalaki? Pinaglalaruan ba ako ng tadhana? Totoo ba talaga ito o nananaginip lamang ako?

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status