Share

Chapter 3

Florence's POV

Tapos na ang seremonyas at nasa wedding venue na kami ay tila lutang pa rin ang aking pakiramdam. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na kasal na ako. Na may asawa na ako ngayon at sa isang estrangherong lalaki pa. Kung hindi lamang binanggit ng pari ang pangalan ko ng bride at groom sa part na nagtatanong kung tinatanggap ba namin ang isa't isa ay hindi ko malalaman ang pangalan ng bride at ng aking groom. Nalaman ko tuloy kung anong pangalan ang isusulat ko sa marriage contract na pinirmahan ko. 

Feelin Sarmiento at Joaquin El Greco ang pangalan ng bride at groom. Ang nakapagtataka ay bakit hindi nakikita ng mga bisita pati na rin ng groom na hindi ako si Feelin Sarmiento. Unless, kamukha ko ang bride niya. Pero imposible naman iyon. Wala naman akong kakambal dahil nag-iisang anak lamang ako ng nanay ko. Pero paano naman maipapaliwanag ang nangyaring ito sa akin?

"Congrats, Mrs. El Greco. Sa wakas ay natupad na rin ang kagustuhan mo na maging asawa ni Joaquin," bati sa akin ng isang babaeng maganda at mukhang sosyal. 

Nararamdaman kong hindi sinsero ang kanyang pagbati dahil nakikita ko sa gilid ng kanyang mga labi ang isang ismid at bahagya pang nakataas ang kilay nito.

"Sino ka? Pasensiya na pero hindi kita kilala," sagot ko sa kanya. Bahala na kung mabuko niya na hindi ako si Feelin. Mabuti nga iyon para makaalis ako rito. Tutal, hindi ko naman pangalan ang nakasulat sa marriage contract.

"Hindi mo naman talaga ako kilala dahil ngayon lang tayo nagkita pero ako matagal na kitang kilala," mahiwaga ang pagakangiti na sabi sa akin ng babae.

"Paano mo naman ako nakilala?"  curious kong tanong sa kanya. 

"Secret. Any way, congrats ulit," muli niyang bati sa akin pagkatapos ay mabilis na niya akong tinalikuran.

Wala akong kilala isa man sa mga bisitang naroon kaya pinili kong maupo sa isang sulok ng venue na hindi pansinin ng mga tao. Ngunit hindi man pansinin ang kinaroonan ko ay talagang hindi maiwasang mapansin pa rin ako dahil nakasuot ako ng wedding dress at mag-isa lamang ako sa sulok habang groom ay busy sa pakikipag-usap sa mga bisita.

"Ano ang ginagawa mo rito sa sulok, Feelin? Bakit hindi ka makihalubilo sa mga bisita ninyo?" tanong sa akin ng isang magandang babae na naman na nakapansin sa akin pag-iisa. Hindi ko rin siya kilala kaya tiningnan ko lamang siya at hindi sinagot ang tanong nito.

"Bakit naman siya makikihalubilo sa mga bisita gayong ako lang naman ang kilala niya rito? Puro mga bisita naman ni Joaquin ang lahat ng nandito," biglang sabat ng isang maganda ring babae na may dalang kopitang may alak.

"At sino ka naman?" nakataas ang kilay na tanong ng babae naunang lumapit sa akin sa pangalawang babae.

"Oh, I forgot to introduce myself to you. I am Nelie Lontan. I'm the bride's best friend. Ikaw? Ano ang relasyon mo sa groom? I'm sure naman kasi na wala kang relasyon sa bride kaya baka sa groom meron," nakangiting tanong ng babae Nelie ang pangalan at nagsasabing best friend ko este best friend pala ni Feelin at hindi akin.

Sa halip na sagutin ang tanong ni Nelie ay inirapan lamang ito ng babae at pagkatapos ay walang paalam na umalis.

"Natakot yata sa'yo ang babae kaya umalis," biro ko nang wala na ng babae.

Lalong tumaas ang kilay ni Nelie sa sinabi ko. "Nakakatakot ba ang kagandahan kong ito?"

"Diyan siya natakot sa ganda mo. Mas maganda ka kasi sa kanya," pagsakay ko sa sinabi niya. Sa tingin ko ay magkakasundo kami ni Nelie kahit na mukhang medyo may pagkamataray siya.

"Parang may nagbago sa'yo, Feelin. Dati-rati kapag mang-iinis sa'yo ay hindi puwedeng umalis ito ng hindi ka nakakaganti ng pang-iinis din. Pero bakit kanina ay tila natameme ka sa babaeng iyon? Nasaan na ang pagiging dragona ng best friend kong masama ang ugali?" puno ng pagtataka na tanong sa akin ni Nelie. Hindi naman ito nang-iinsulto kundi sadyang nagtatanong lang.

"Siyempre kasal ko ngayon kaya kailangan kong mag-behave para hindi mapahiya si Joaquin," mabilis kong sagot. Mabuti na lamang at nakaisip agad ako ng isasagot sa kanya kung hindi ay baka nabuko na niya ako. Akala ko ganoon lang kadali at okay lang na mabuko ng lahat na hindi ako si Feelin ngunit mahirap pala at nakakakaba ng dibdib. Pero bigla akong napaisip sa sinabi niya. Talaga bang masama ang ugali ni Feelin? Hindi naman kasi sasabihin ng kaibigan nito ang ganoong bagay kung hindi totoo

"Mabuti naman at naisip mo iyan," natutuwang wika ni Nelie na walang nahalata na hindi naman talaga ako ang kaibigan niya. "Magbago ka na ng tuluyan para hindi lahat ng tao ay hate ka. Mabuti nga at napagtitiyagaan kita kahit ganyan ka. Kaso mawawala na rin ako sa tabi dahil alam mo naman na flight na namin mamaya papunta Europe."

Sa mga sinabi ni Nelie ay napag-isip-isip ko na hindi talaga maganda ang ugali ni Feelin. At nakaramdam ako ng lungkot nang malaman kong aalis na pala siya kahit na hindi naman ako ang totoong kaibigan niya. Akala ko kasi kahit paano ay may kaibigan akong makakausap ko habang nagpapanggap akong si Feelin.

"Kailangan mo ba talagang umalis? Puwede bang huwag ka nang umalis?" pakiusap ko sa kanya. 

"Alam mong hindi puwede, Feelin. Hindi ko puwedeng hayaan ang parents ko na manirahan sa ibang bansa nang silang dalawa lamang sa bahay. Pareho na silang matanda at hindi ko alam kung kailan sila mawawala kaya sasamantalahin ko na ang pagkakataong makasama sila habang buhay pa sila," malungkot ang boses na wika nito. "Pero habang nandito pa ako at hindi pa nakakaalis ay maghahanap muna ako ng magiging jowa kahit sa loob lamang ng ilang oras," biglang dugyong nito na ngayon ay may pilyang ngiti sa mga labi habang nakatingin sa isang guwapong lalaki na kausap naman ni Joaquin. Mabilis siyang nagpaalam sa akin at naglakad palapit sa dalawang lalaking walang itulak-kabigin sa taglay na kakisigan. 

Napailing na lamang ako sinusundan ng tingin si Nelie. Kanina ay malungkot ito tapos bigla na lamang nagbago ang anyo at naging masaya. Ang bilis nitong makabawi sa nararamdaman nito. Kakaibang babae. 

Dahil hindi naman talaga ako si Feelin kaya kailangan kong umalis sa lugar na ito. Kahit hindi ko alam kung saan ako pupunta ay bahala na. Ang mahalaga ay makaalis ako sa lugar na ito bago pa man mahuli ang lahat. Pasimpleng nagpalinga-linga ako sa paligid para tingnan kung may mga bisita bang nakatingin sa akin. At nang masiguro ko na lahat sila ay busy sa kani-kanilang mga kausap ay mabilis akong tumalilis para makalabas sa bahay na ito. Biglang nagningning ang aking mga mata nang makita ko ang gate. Masuwerte ako dahil walang taong papasok at palabas. Bago ako maglakad papunta sa may gate ay muli akong lumingon sa aking likuran at siniguro kong walang nakasunod sa akin. Nang masiguro ko na wala ay pabigla akong humarap para tumakbo papunta sa gate ngunit pagharap ko ay bigla na lamang bumangga ang mukha sa isang malapad at matigas na dibdib.

"Where do you think you're going?" malamig ang boses na tanong sa akin ng isang boses-lalaki na kahit kanina ko lamang narinig sa simbahan ng boses ay tila naging pamilyar na sa akin. Nang mag-angat ako ng aking mukha ay napangiwi ako nang makita ko ang madilim na mukha ng lalaking pinakasalan ko.

"J-Joaquin. H-Hi," nauutal kong bati sa kanya na may napipilitang ngiti sa mga labi.

"Saan ka pupunta, Feelin? Tatakas ka? Sa tingin mo ay hahayaan kitang makatakas?" madilim ang mukha na tanong niya sa akin pagkatapos ay hinawakan niya ng mahigpit ang aking magkabilang braso. Hindi ko naiwasang mapakagat ng aking pang-ibabang labi sa higpit ng pagkakahawak niya sa akin. "Hindi ba't ito ang gusto mo? Ang pakasalan ako? Bakit ngayon ay tila nais mong tumakas?"

Napaawang na lamang ang aking mga labi sa kanyang mga sinabi. Sa aking pandinig ay tila si Feelin lamang ang may kagustuhan na mangyari ang kasal na ito. At nakikita kong hindi maganda ang pagtrato ni Joaquin sa akin na inaakala niyang si Feelin ngunit bakit ginusto pa rin ng huli na magpakasal ito sa lalaki? Ganoon ba kalaki ang pag-ibig niya kay Joaquin? Pero kung mahal na mahal ni Feelin ang lalaking ito ay bakit nagawa nitong hindi sumipot sa araw ng kanilang kasal? Naguguluhan ako. Maraming mga katanungan ang nagsasalimbayan sa aking utak at walang makakasagot nito kundi tanging si Feelin lamang. Ngunit saan ko naman siya hahanapin? Kailan ba siya magbabalik?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status