Share

Chapter 1

Adelaide's POV

"Table 14." Inabot sa akin ang dalawang tray ng mga order na kaagad ko namang hinatid na nasabing table. 

Ilang beses ko nang nalibot ang restaurant para maghatid ng order. Ganoon ang trabaho ko sa loob ng walong oras. Pagkatapos dito ay diretso naman ako sa susunod kong trabaho kung saan tindera ako ng burger. 

Araw-araw ganito ang ginagawa ko mula nang maka-graduate ako ng high school. Trabaho mula umaga hanggang gabi. Halos walang paghinga, tapos trabaho naman kinabukasan.

Wala akong choice, wala kaming kakainin kung hindi ako kakayod. Kahit noong nabubuhay pa si nanay ay ako na ang nagta-trabaho at nagpapa-aral sa dalawa kong kapatid. 

Sugal, inom, lalaki, 'yan lang ang mga bagay na alam gawin ni nanay. Dati nagtataka ako kung saan siya kumukuha ng perang pansugal, puro utang pala. 

Ginigipit niya na nga ako sa pera noon, hanggang ngayong wala na siya ginigipit niya pa rin ako. 

Ngayong wala na siya, ako na ang sinisingil ng mga pinagka-utangan niya dati. At saan naman ako kukuha ng ganoong klaseng halaga kung hindi ko nga kayang kitain 'yon sa loob ng isang taon?

Imagine, umabot ng higit na isang milyon kung susumahin ang utang niya, hindi pa kasali diyan ang iba pang posibleng inutangan ni nanay na hindi pa ako sinisingil. Parang kailangan ko pang ibenta ang kululuwa ko para lang mabayaran lahat. 

Akala ko noong nawala siya mawawala na rin ang problema ko, akala ko lang pala. 

Napatigil ako sa paglalakad at napalingon sa kaliwa kung nasaan ang malaki at kilalang unibersidad. Hindi ko maiwasang makaramdam ng inggit habang nakatingin sa mga estudyanteng nagtatawanan habang naglalakad palabas ng unibersidad. 

Ang saya siguro sa pakiramdam na ang tanging pino-problema lang ay ang recitation kinabukasan. 

Malakas kong sinipa ang maliit na batong nadaanan ko. Mas pinipili kong maglakad na lang sa trabaho para makatipid, malaki din ang mababawas sa kinikita ko kung idadagdag ko pa ang gastos sa pamasahe. 

"Aray!"

Mabilis akong nag-angat ng tingin nang marinig ang d***g ng isang lalaki. Hindi ko napansin na lumipad pala pataas ang batong sinipa ko.

Nakatalikod ang lalaki kaya't umikot siya para harapin ako. Sinalubong ko ang mga titig niya. Asul at bilugan ang kaniyang mga mata, matangos ang ilong, at maputi ang kaniyang balat. May lahi 'to sigurado. 

"Football player ka ba?" 

Kumunot ang noo ko.

Ang akala ko ay sisinghalan niya ako sa galit kasi natamaan ko siya. Mukha pa naman siyang mayamang spoiled na walang ibang ginawa kundi mambabae. Pero imbes na pagalit, ay parang nagbibiro siyang nagsalita. 

"Goal eh." Hinimas ng lalaki ang batok niya kung saan ko siya natamaan. Matangkad ang lalaki kaya di ko akalain na ganoon pala kataas ang inabot ng batong sinipa ko. 

"Hindi ka galit?" taka kong tanong. Gusto ko sanang sabihin na abnormal siya kasi hindi siya nagalit pero baka ma-offend at magalit tuloy. Ayoko ng gulo. 

"Masyado na maraming galit ang pumapalibot sa mundo, ayoko nang dagdagan," kibit-balikat ng lalaki. "Besides hindi naman masakit, na-goal-lat lang ako." Tumawa siya nang malakas sa sarili niyang sinabi. Hindi ko alam kung bakit. 

Kumunot ulit ang noo ko. "Huh?"

Hindi makapaniwalang tiningnan ako ng lalaki. 

"Na-goal-lat, nagulat. 'Di ba tinanong kita kanina kung football player ka? Kasi naka-goal ka. Tapos nagulat ako. Kaya 'yon."

Gets ko na, nag-joke pala siya. Siguro nababasa niya sa mukha ko na naguguluhan pa rin ako kaya nagsalita ulit siya. 

"Di mo pa rin gets?"

I internally rolled my eyes. "Gets ko na."

"Alam mo bang nakakasira ng delivery at authenticity ng joke kapag kailangan pang i-explain?"

"Alam mo din bang corny ang joke mo?" Shocks, I didn't mean to say that! Baka magalit. 

"Ang hirap mo namang pasayahin, Ms. Green."

"Hindi Green ang pangalan ko."

"Pero 'yon ang kulay ng mga mata mo."

"At kailan pa naging basehan ang kulay ng mata para itawag sa taong hindi mo kilala?" Kusang tumaas ang mga kilay ko. 

Kailangan ko nang umalis. Baka kung ano pa ang masabi ko na magdala sa'kin sa kapahamakan. 

"Ngayon lang."

"Okay." Nagsimula na akong maglakad paalis. Ayoko nang pahabain ang usapan. 

Pero sinundan ako ng lalaki. 

"Saan ka pupunta, Ms. Green?" masigla niyang sabi. 

"None of your business. At hindi nga Green ang pangalan ko." Binilisan ko ang paglalakad.

"What's your name then?" Sumabay siya sa bilis ko. 

Hindi ko siya sinagot. Nagsisimula na akong mainis sa kaniya. 

"I'm Veigo. Veigo Marsh, 25. Half Filipino, half greek God," pakilala niya. "Ikaw, half ano ka?"

"Half tao, half makakapatay na ng tao kung hindi mo pa ako lulubayan." Wala na akong pakialam kung magalit siya. 

"Mababawasan ang mga gwapo sa mundo kung papatayin mo ako, Ms. Green. Sayang lahi."

Halos nababangga na ako sa mga nakakasalubong ko dahil sa mabilis na paglalakad. Mahigpit kong hinawakan ang strap ng backpack ko. 

Malakas akong napabuntong-hininga at tumigil sa paglalakad. Nilingon ko si Veigo na tumigil din at malawak ang mga ngiti sa akin. 

"Veigo."

"Yep, that's my name."

"'Wag mo na akong sundan, nagsisimula na akong mainis sa'yo."

GOOD NEWS, HINDI na ako sinundan ni Veigo. Bad news, nag-o-overthink na ako at baka nagalit pala siya at bigla akong ipapatay. 

Siguro mukhang sobra naman yata 'yon. Pero why not? 

"Ate sabi ko po dagdagan ang cheese, hindi lagyan ng itlog." 

Bumalik ako sa reyalidad nang malakas na magsalita ang babae. 

"Huh?"

Tinapat niya sa akin ang burger at ibinuka niya ang dalawang bun. 

"Tingnan mo, may patty na may itlog pa, pero walang ketsup. Tapos 'yong cheese na sabi ko damihan mo, wala din. Ano 'to? Hindi ko order 'to."

Kaagad kong kinuha ang burger at pinalitan ng bago, iyong order niya.  

"Pasensya na po." Alam kong kasalanan ko. Masyadong mataas ang lipad ng utak ko doon sa lalaki kanina. Hindi dahil sa kaniya mismo, kundi sa maaari niyang gawin sa akin. 

Matalim kasi ang titig niya sa akin bago kami naghiwalay ng landas. Tinutok niya ang dalawang daliri sa akin bago itinutok sa mga mata niya na para bang sinasabing "I'll keep an eye on you so watch out".

Pero kung iisipin, wala naman akong ginawang masama sa kaniya para saktan niya ako sa kahit anong paraan. Ay, natamaan ko pala siya ng bato sa batok. Pero hindi naman siya nagalit do'n.

Hayst, ewan ko ba! Basta hindi ko na iisipin! Pinisil ko ang pagitan ng aking dalawang mata. 

"Ayos ka lang? Magpahinga ka nalang kaya muna?" nag-aalalang sabi ni Kathleen, katrabaho ko sa Burger Blast. 

"Ayos lang."

"Kaya ko na 'to, mas mabuti pa umuwi ka na lang muna. 'Wag kang mag-alala hindi ko sasabihin kay boss." Nakaka-engganyo ang alok niya, pero alam kong hindi tama. 

Siya na gagawa ng lahat tapos pagtatakpan niya pa ako. 

"Hindi na, marami costumer lalo na mamaya kaya dito lang ako." Naglakad ako sa sulok kung nasaan may upuan. 

"Sige pahinga ka na lang muna diyan."

Wala pa namang bumibili kaya't ayos lang na maupo muna ako. Paano kung balikan talaga ako ng lalaki? Hindi naman siguro. Hindi ba?

PAG-UWI KO SA BAHAY ay tanging si Andler na lang ang nadatnan kong gising.

"Oh, ba't di ka pa tulog?" Inilapag ko sa mesa ang plastic na dala. 

Umangat ang tingin niya sandali pero kaagad ding ibinalik sa ginagawa. "Kailangan ko 'tong tapusin."

"Si Amber kumain na?" 

"Tapos na," simple niyang sabi. 

"Ikaw, kumain ka na?"

"Tapos na," sagot niya nang hindi pa rin umaangat ang tingin sa akin. 

18 years old pa lang si Andler pero mas mature siya mag-isip kaysa sa mga kaedaran niya. Siguro kasi mas mataas ang IQ niya kahit sa mga mas matanda sa kaniya. 

Magandang bagay kung iisipin, pero hindi sa lahat ng pagkakataon. Minsan nakakalimutan niyang mas bata siya sa kausap, minsan hindi niya namamalayan na nakakasakit na pala siya. Matalino siya at mas gustong ginagawa ang mga bagay-bagay nang mag-isa. Sa sobrang talino niya minsan nakakalimutan niyang kailangan niya pa ring makisalamuha sa ibang tao. 

Kabaliktaran sila ni Amber. Ang bunso namin ang siyang literal na nagbibigay buhay sa bahay na 'to. Kung sakaling kami lang ni Andler ang nakatira, mahihiya ang kuliglig sa sobrang tahimik namin. Nag-uusap lang kami kapag kailangan. 

Isa sa pinagchi-chismisan ng mga marites dito sa amin ang pagkakaiba-iba naming tatlo ng lahi. Kung paano nagpabuntis si nanay sa tatlong lalaking magkakaiba ang lahi. 

Sabi ni nanay ay Italyano daw ang ama ko, sa kaniya ko din nakuha ang berde kong mga mata, pati ang ilong sa kaniya ko din nakuha. Halos lahat daw ng katangian ko nakuha ko sa ama ko. Kaya din galit sa'kin si nanay kasi naaalala niya sa akin ang ama ko.

Hindi ko alam ang pangalan niya o itsura niya, kahit picture walang naitabi si nanay. 

Maraming nagsasabi na mukha daw akong anak-mayaman. Pero hindi nila alam na kabaliktaran nu'n ang buhay ko. 

Si Andler naman ay half-british. Retiradong militar ang amang Briton ni Andler. Maliban sa puting balat, wala nang ibang minana si Andler sa ama niya, maliban siguro sa pagiging matalino. Bilugan at tsokolate ang mga mata ni Andler na nakuha niya kay nanay. Nasa lahi na talaga nila nanay ang pagiging matangkad kaya hindi ko alam kung sa ama niyang Briton, o sa lahi ni nanay nakuha ni Andler ang pagiging matangkad. O baka pareho. 

Japanese naman ang ama ni Amber. Pumunta ng Pilipinas para mag-bakasyon, sa hindi inaasahan ay nakabuo sila ni nanay ng supling, at 'yon ay si Amber. Hindi kagaya ng morena kong balat, mapuputi ang dalawa kong kapatid. 

Ang mga mata ni Amber ay maihahalintulad sa mata ng pusa. Hindi gaanong singkit pero nagmumukha siyang laging galit. Pero sa totoo ay hindi madalas magalit si Amber. Lagi siyang nakatawa at laging may sinasabi. 

Ang apelyidong ginagamit namin ay ang apelyido ni nanay, Federico.

"Hindi ka kakain?" tanong ni Andler nang makitang paakyat na ako sa taas. Not exactly nakita, kasi paglingon ko sa kaniya ay nakatuon pa rin ang pansin sa sinusulat. 

"Tapos na ako kumain. Matulog ka na agad." Umakyat ako ng hagdan at pumasok sa kwarto namin ni Amber. 

Inayos ko ang kumot ni Amber saka hinalikan siya sa noo. 

I sighed. 

Ngayon lang 'to. Ngayon lang tayo maghihirap. Pangako, gagawin ko ang lahat para maalis tayo sa kahirapan. Aalis tayo dito. 

Kinabukasan maaga pa akong nagising para maghanda ng pagkain. Maaga rin akong kinatok ng my-ari ng bahay. Pumasok siya sa loob at pinatong sa mesa ang dala niyang mangkok ng ulam. 

Ngayon ko lang naalalang limang buwan na pala kaming hindi nakakapagbayad ng renta. Nahihiya na ako kay Nanay Selia kahit pa hindi niya kami sinisingil. 

Ako na ang naunang magsabi ng tungkol dito. "Gagawan ko po ng paraan ang pambayad sa renta. Pero ko-kumpletuhin ko pong bayaran ngayong buwan."

"Sus, ano ka ba? Kahit paunti-unti mo na munang bayaran. Alam mo naman na para na din kitang anak."

"Pero kailangan ko pa rin iyong kumpletuhin."

"Saka na kapag may pera ka na."

Marahan akong tumango. Siya ang taong nagsilbi ko na ring nanay noong mga panahong wala lagi ang totoo kong nanay. Kaya laking pagpapasalamat ko na ni minsan hindi niya kami ginipit, bagkus siya pa ang laging tumutulong sa amin. 

Umalis na din si Nanay Selia pagkabigay ng pagkain. "Salamat ho."

"Walang anuman, hija. Basta kapag may kailangan ka, 'wag kang mahihiyang magsabi."

Pagbalik ko sa kusina ay nandoon na si Andler at nakatitig sa akin. Buti na lang at sanay na ako sa batang 'to na biglang sumusulpot kung saan-saan kaya hindi na ako nagulat. 

"Si Amber ginising mo na?"

Imbes na sagutin ang tanong ko ay lumapit siya sa akin at kinuha ang kamay ko. Pinatong niya sa palad ko ang nakatuping tig-iisang libo. 

Gulat ko siyang tiningnan. 

"Don't even think of returning it. Mas kailangan mo 'yan." Inunahan niya na ako.

"Sa'n mo galing 'tong pera?"

"'Wag kang mag-alala, hindi ako nagnakaw para diyan. Big deal sa'kin ang dignidad ko at hindi ko kayang gumawa ng masamang bagay para lang sa pera," walang emosyon niyang sabi. 

"'Di ba sinabi ko na sa'yo na ako lang ang magta-trabaho sa bahay na 'to? Mag-focus lang kayo sa pag-aaral niyo–"

"At ano? Hayaan kang mahirapan kahit may magagawa naman ako? Hindi na ako bata, 'wag mo akong utusan."

"Ang sinasabi ko lang naman na ayokong mahati ang atensyon niyo sa ibang bagay."

"Saying that means you underestimate my multitasking skills. You know I can read and watch TV at the same time and understand both the show and the book," he smirked before heading upstairs. 

Napatingin ako sa perang hawak. Five thousand. Saan naman kaya siya nagta-trabaho?

Kahit pa hindi ako swerte sa nanay ko, sobrang swerte ko naman sa mga kapatid ko. 

"Ate!" malakas na sigaw ni Amber habang bumababa ng hagdan. "Good morning!"

Inaantok na lumapit siya sa akin at niyakap ako nang mahigpit. Niyakap ko din siya pabalik. 

"Good morning. Tara kain na." Hinanda ko ang mesa at hinintay si Andler na bumaba saka kami sabay-sabay na nag-almusal. 

"Ate, alam mo ba na top 3 ako sa klase," pagmamayabang ni Amber. 

"Wow, congrats!" nakangiting wika ko sa kaniya. 

"Kaso tatlo lang din kaming magkaklase," tumawa siya nang malakas. 

"As far as I can remember 40 ang estudyante sa kada section lalo pa't public school kayo. Kung totoong tatlo lang kayo sa klase, it's either nagbago na ang patakaran ng school niyo, o lumipat ka ng school, which is hindi naman kasi doon ka pa rin nag-aaral. Saka sabi mo anim kayong magbabarkada sa section niyo, doon pa lang nagko-contradict na sa sinabi mong tatlo lang kayo sa klase. Kung nagbago man ang patakaran ng school niyo, hindi naman 'yon magbabago kaagad. O baka naman–"

"Alam mo kuya ang hirap mong pasayahin," pigil ni Amber kay Andler. "Hindi na ako magtataka kung magiging oldie kang mag-isa forever."

"I'm just stating the possible reasons."

"I'm just stating the possible reasons," panggagaya ni Amber sa kuya niya. "Ang sabihin mo wala ka lang talagang sense of humor, sensory organs lang ang gumaganang sense sa'yo. Kahit common sense wala ka."

I'm smelling away kaya pumagitna na ako. 

"Bilisan niyo na't anong oras na."

"Sa bagay, may sense naman talaga ang sinabi mo, senseless nga lang," bawi ni Andler kay Amber. 

Hindi maingay si Andler, pero pag nagsama sila ni Amber paniguradong hindi ka magkakaroon ng payapang araw. 

Kumunot ang noo ni Amber at tumalim ang tingin kay Andler. Binuka niya ang bibig at balak magsalita pero inunahan ko na siya. 

"Hep hep! Nasa harap tayo ng pagkain tapos ganyan kayo."

Bumubulong-bulong si Amber habang masama ang tingin kay Andler, habang tinaasan lang siya ng kilay ng huli. 

Magkakaibang daan ang tinahak naming tatlo. Sabay na naglakad sila Andler at Amber since malapit lang din sa bahay ang pinapasukan nila. 

Naglalakad ako palabas sa lugar namin nang biglang may tumigil na puting van sa harap ko. Akala ko normal na sasakyan lang nang biglang may bumabang dalawang lalaki mula rito at pinagtulungan akong hawakan sa magkabilang braso. 

Bumilis ang tibok ng puso ko. Maraming hindi magagandang ideya ang kusang pumasok sa isip ko. Nagpumiglas ako para makawala pero walang laban ang lakas ko sa pinagsama nilang puwersa. Tinakpan ng isa ang bibig at ilong ko. May naamoy akong kakaibang amoy bago ako tuluyang nawalan ng malay.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status