Nang makauwi sa bahay matapos pagkatapos ng mahabang araw, nakita ko ang mga magulang ko na naghihintay sa akin sa sala. Pansin ko ang pagkabalisa sa kanilang mga mukha.
“Belle, maupo ka. May kailangan tayong pag-usapan,” saad ni Papa sa problemadong boses.
“Ano po’ng problama, Pa?" tanong ko sa pagod na boses.
Buong araw akong nagtrabaho at pumasok pa sa university para mag-aral. Ang gusto ko sana’y makaligo at mahiga na sa kama pagkauwi, pero mukhang hindi ‘yon mangyayari.
“Dumating na ang wedding invitation galing sa pinsan mo, hija,” wika naman ni Mama.
Biglang umusbong ang galit sa puso ko. “Hindi ko pinsan ang babaeng ‘yon, Ma!”
“Belle, pinsan mo pa rin siya,” giit ni Mama. “Huwag kang ugaling spoiled brat. Naaalala mo ba kung paanong nag-eskandalo ang bestfriend mong si Diane at kung paano niya inatake si Selena? Tapos na dapat ang gulo ninyo! Anak pa rin siya ng kapatid ko kaya ituring mo siyang pinsan!”
“I’m sorry, Ma, pero hindi ko na siya matatanggap pa sa buhay ko,” saad ko at pilit na kinalma ang sarili. “Nakipagtalik siya sa boyfriend ko sa sarili kong kama. Hindi ‘yon tama.”
Apat na taon na kaming magkasintahan ni Vince noon. Siya ang una kong boyfriend, at nahuli ko siyang nakikipagtalik kay Selena—sa pinagkatiwalaan kong pinsan—sa kwarto ko pa mismo!
Nagulat ako sa nasaksihan ko. Si Diane, ang bestfriend ko, ang unang nagalit at ginantihan sila. Pagkatapos ng nangyaring ‘yon, naging tensiyonado na ang bahay. Palaging pinipilit ng mga magulang ko na wala lang ang nangyaring ‘yon at dapat ko na raw kalimutan ang lahat at pakitunguhan nang maayos si Selena.
“Kung tutuusin ay kasalanan naman talaga ni Vince ang nangyari, anak. He was your boyfriend,” pangangatwiran pa ni Mama at umiling. “Si Selena, biktima lamang siya ng lalaking ‘yon. Inuto ni Vince si Selena at dinungisan ang puri nito. Dapat lang na panagutan niya ang ginawa niya kay Selena para hindi masira ang pangalan ng pinsan mo.”
“Mama naman, please lang. Huwag mo nang ipilit sa akin ‘yan. Alam ng buong lalawigan natin na malandi talaga si Selena!” irita kong wika, nawalan na ng pasensya sa usapang ito.
“Belle, ang bibig mo!” sigaw sa akin ni Papa. “Kung talagang ayaw mong pakipagbati kay Selena, ay ‘di sige, pero pupunta ka sa kasal niya kahit na anong mangyari! At tigilan mo ang pagiging bastos sa harap namin!”
“Ano?” Tila ba ay nabingi ako sa sinabing ‘to ni Papa.
“Ang sabi ko ay pupunta ka sa kasal ng pinsan mo sa ayaw mo man o sa gusto. ‘Yan ay utos namin! Susundin mo kami dahil magulang mo kami!” galit na segunda ni Mama na kung tingnan at pagsalitaan ako ay ako ang may kasalanan ng sitwasyong ito.
Napailing ako, dismayadong tiningnan ang aking mga magulang.
“I’m sorry, Ma, pero hindi ako pupunta! Alam niyong sinusunod ko ang lahat ng mga gusto ninyo. Naging mabuti akong anak sa inyo pero sa pagkakataong ito, hindi ko kayo susundin. Ako ang naagrabyado dito, Mama at Papa! Karapatan kong hindi na maging katatawanan ng pamilya,” sabi ko sa kanila habang lumuluha.
“TUMIGIL KA NA, ISABELLE!” singhal sa akin ni Papa, dahilan para umapaw ang takot sa dibdib ko. “Pupunta ka sa kasal nina Selena at Vince, tapos ang usapan!”
“Papa naman—”
“Wala akong pakialam sa kapritsuhan mo, Belle! Mahalaga sa amin ng Mama mo ang kapayapaan sa pamilya natin. Kaya pupunta tayo! Pupunta ka!” pinal na saad ni Papa kaya hindi na ako nakasagot pa.
Sa inis, tumakbo ako papuntang kwarto at doon umiyak buong gabi. Kinabukasan, kinuwento ko kay Diane ang lahat, at agad siyang gumawa ng paraan para tulungan ako. Nakakuha siya ng invitation para sa isang engrandeng Masquerade Gala Ball at sinabi sa mga magulang ko na importante ito para sa aking career dahil naroon ang mga pinakamaimpluwensiyang businessmen sa buong bansa. Sinabi rin ni Diane ang plano ng aming professor na ipapakilala kami sa mga ito na maaaring magbukas ng oportunidad sa aming career.
Sa una ay nagdududa pa ang mga magulang ko, pero magaling makipag-usap si Diane at kinumbinsi sila na makakatulong ang Gala na ito sa future ko. Sa huli ay pumayag na sila at napagtantong makakatulong nga ito nang lubos sa akin.
“Hoy, Belle, hindi ka na pwedeng umatras, ha! Bayad na ang invitation, pati ang mask na gagamitin mo! Nahirapan ako sa pagkumbinsi sa parents mo na importante ‘tong event na ‘to. Magiging napakaganda ng party na ito, kaya hindi ka na pwedeng tumanggi!” ani Diane at tiningnan ako na para bang nagmamakaawa, magkasalikop pa ang mga kamay.
Nakaupo ako sa aking desk, isang Huwebes ng hapon, habang abala sa pagtanggap ng mga text at tawag nang biglang dumating si Diane na may dalang kape, chocolate, at paulit-ulit akong pinipilit na pumunta sa Masquerade Gala Ball na ito—ang pinakamalaking event sa aming lalawigan na taon-taon ginaganap.
“Ano ka ba, Diane. Tinulungan mo na nga ako, ‘di ba? Hindi kita tatanggihan. Pupunta ako.”
Pumayag man ay hindi pa rin ako sigurado. Ang balak ko sana ay matulog sa apartment ni Diane sa araw ng kasal ng mga hayop, at hindi na sumama sa party. Pero makulit ang kaibigan ko at kinumbinsi ako na pumunta sa party kasama siya.
Nang mag-Sabado ay nag-ready kami sa apartment niya.
“Napakaganda mo naman, bestie!” Tili niya at inabot sa akin ang isang magandang kulay gintong maskara. Sinuot ko ito, tinatakpan ang kalahati ng aking mukha hanggang ilong.
Bumagay ang maskara sa suot-suot kong isang matingkad na pulang satin na evening dress.
“Ready ka na ba?”
“Oo, ready na ako,” sagot ko at kinuha ang aking purse. “Ay, nakalimutan ko ang perfume ko.”
“Don’t worry, ipapagamit ko na lang sa ‘yo ang bagong perfume ni Mommy!”
Ilang saglit pa ay nakita na kami ni Lucas, boyfriend ni Diane. Napangiti siya at hinalikan si Diane bago sabihing, “Ang gaganda niyo! Sa tingin ko ay hindi matatapos ang party nang walang bagong boyfriend si Isabelle.”
“Anong boyfriend ang sinasabi mo riyan?” Irap ko at humarap kay Diane. “Actually, sa tingin ko ay mas okay kung dito na lang ako sa apartment, bes. Wala talaga ako sa mood pumarty. Please, Diane, dito na lang ako…”
Comments