NAPAHALAKHAK ng malakas si Mia dahil sa mga naririnig mula kay Nicholas.
"Nagpapatawa ka ba? Baka nakakalimutan mo na ang lalaking mahal ko ay kasama ng fiancée mo at kung pakakasalan kita sa tingin mo ba ay magiging okay ang lahat? Do you think everything will turn out romantic?” ano niya kay Nicholas. Hindi maipaliwanag ni Mia kung ano ang nararamdaman niya sa mga oras na ‘yon… Hindi pa rin siya makapaniwala sa kanyang naririnig mula sa lalaki.
"Ang kailangan mo lang sabihin sa akin kung pakakasalan mo ba ako o hindi?" seryoso pa ring sagot sa kanya ng lalaki.
"Hindi ako papayag… Hindi kita mahal, kaya bakit kita pakakasalan?" mariing sagot niya. “Hindi ako papayag sa gusto mo.”
"Hindi mo ba siya mahal? Kung pakakasalan mo ako ay makikita mo si Alonzo araw-araw. Nakikita mo naman siguro na paralisado ang aking mga binti kaya kahit magpakasal tayo, ay hindi kita mahahawakan. Magiging mag-asawa lang tayo sa pangalan, Mia. Ginagawa ko ang lahat ng ito dahil hindi ko matanggap ang nangyari… Ikaw? Natanggap mo na ba na wala na si Alonzo sayo at ganun ka na lamang niya ipinagpalit?” wika pa sa kanya ni Nicholas.
Hindi siya nakasagot sa sinabi ni Nicholas. Bahagya siyang natigilan.
Isa lang siyang normal na tao, may damdamin at puso. Pinagtaksilan siya ng lalaking pinakamahalaga sa kanya—paano siya basta-basta makakapagpatawad? Kung hindi siya naapektuhan sa mga nangyayari bakit siya iiyak ng ganito? Ano ‘to… trip niya lang?
"Gusto kong magpakasal tayo dahil pareho tayong nasa parehong sitwasyon. Pareho tayong niloko. Wala nang ibang tao ang makakaunawa sa sakit na nararamdaman mo ngayon kundi ako. Hindi ka ba nagseselos habang nakikita silang masaya? Kapag pinakasalan mo ako, magiging hipag ka ni Alonzo at sa tingin ko hindi siya magiging komportable kapag nakikita ka niya. Makikita mo rin kung nahihirapan siya---na baka mahal ka pa rin niya. Isa pa, makalipas ang tatlong buwan ng kasal natin ay maaari kang humiling ng annulment anumang oras sa akin. Mayroon akong bahay rito sa Maynila at kapag naghiwalay na tayo, ibibigay ko sayo ‘yun.”
“Paano kung kabaliktaran ang nangyari? Sa tingin mo ba ay hindi tayo masasaktan kapag nakikita natin silang magkasama? Nakalimutan mo yata na nagawa nila tayong lokohin? Ipinagpalit tayo mahal nila ang isat-isa. Narinig mo ‘yun? Mahal nila ang isat-isa,” ulit niya pang wika sa kausap.
Huminga ng malalim si Nicholas dahil sa kanyang sinabi.
“Nasabi ko na ang lahat ng dapat kong sabihin. Sabi ko nga sayo kanina…. Ang gusto ko lang marinig ay oo at hindi. Ngayon, pwede ka ng bumaba ng sasakyan."
Napahawak siya sa kanyang mga kamay. Naguguluhan siya. Dapat lang na tanggihan niya ito pero ang sinabi ni Nicholas sa kanya ay nagpagulo sa kanyang isipin. May point din naman ito. Niloko silang dalawa at hindi ‘yun katanggap-tanggap.
"Sandali,” ani niya at baka ibaba siya nito. “Pwede ba talaga akong mag-file annulment kahit kailan?"
"Pagkalipas ng tatlong buwan. Basta gusto mo ay papayag ako. Kung ang iniisip mo naman ay ang gastusin. Don’t worry. Ako na ang bahala dun. "
Napatingin siya sa mga binti ni Nicholas.
"Sa pangalan lang tayo mag-asawa. Wala na akong kakayahang maging tunay na lalaki. Hindi kita kayang bigyan ng kaligayahan pero maaari kang humiling ng ibang bagay," diretsong sagot ni Nicholas habang nakatitig sa kanya. Hindi niya mapigilan ang hindi maawa sa lalaki. Hindi niya alam kung paano na umabot sa ganito ang sitwasyon nito. Baka kaya siguro naghanap ng iba si Gemma dahil hindi na maibigay ni Nicholas ang gusto nito. Lalo lamang siyang namuhi kay Gemma. Masyado itong makasarili. Naniniwala pa rin siya na kapag mahal mo ay handa kang ipaglaban ito kahit pa ano ang kondisyon nito.
"Sorry," namula ang mukha ni Mia at hindi niya alam kung ano ang sasabihin pa.
“Hindi mo kailangang humingi ng tawad…Sanay na ako," sagot ni Nicholas na walang emosyon. "Kailan mo ako bibigyan ang sagot sa tanong ko?" ulit pa nitong tanong sa kanya.
"Hindi ko alam," sagot niya.
Magulo ang kanyang isipan at hindi niya alam kung ano ang gagawin at kung tama ba na pakasalan niya si Nicholas.
"Sa villa tayo," ani ni Nicholas kay Martinez.
Ang hinihintay niya ay ang pababain siya nito ng sasakyan.
"Opo, Major!" sagot ni Martinez.
"Sa bahay mo?" tanong niyang naguguluhan kay Nicholas. “Akala ako ba----
"Sa tingin mo ba makakauwi ka sa kalagayan mo ngayon?" tanong sa kanya nito. “Naisip ko lang na baka magtaka ang kasama mo sa bahay kapag nakitang may benda yang ulo mo,” ani pa nito sa kanya.
“Pero kanina lang ay gusto mo akong bumaba ng sasakyan mo.”
“Kanina ‘yun.”
Hindi na sumagot pa si Mia sa sinabi ni Nicholas. Ayaw niya rin na magtaka ang kanyang ina kapag nakita siya.
Mula nang pumanaw ang kanyang ama siyam na taon na ang nakalipas ay siya na lang ang naging tanging pag-asa ng kanyang ina sa buhay. Pinangarap ng kanyang ina na mapangasawa niya si Alonzo Madrigal. Kung uuwi siya ngayon at sasabihin ang lahat ng nangyari, tiyak na mas matinding dagok iyon sa kanyang ina kaysa sa sakit na nararamdaman niya ngayon.
Hindi siya maaaring umuwi. Hindi niya kayang makitang masasaktan ang ina.
Mahigpit na hinawakan ni Mia ang kanyang bag, pakiramdam niya ay may malaking butas sa kanyang puso dahil sa sakit. Akala niya ay ito ang pinakamasayang araw niya sa tanang buhay niya. Kaninang umaga lang iniisip pa niya na baka mag propose sa kanya si Alonzo sa kanya ngayong araw. Kung malapit na kaya niyang maisuot ang pinapangarap niyang wedding gown? Magiging pinakamasaya at pinakamagandang nobya sa mundo?
Ngunit ngayon, lahat ay naglaho. Galit ang kanyang nararamdaman ngayon.