Share

Fields of Pleasure 1

Taong 2019:

"Binang! Binang!"

Malayo pa lamang ay naririnig ko na ang boses ni Ate Sandy na sumisigaw. Alas singko pa lamang naman ng madaling araw pero parang wala man lang itong pakealam kung makadistorbo ba ito sa mga natutulog pa naming  kapitbahay. 

Kaagad naman itong sinalubong ng tatlo pa naming nakababatang mga kapatid. At humahangos pa itong pumasok sa pintuan ng aming munting tahanan.

"Oh 'nak, bakit ka napasugod ng kay aga?" 

May himig pag-aalala ang boses ni nanay habang tinatanong si ate Sandy. Imbes na sagutin ang katanungan ni nanay ay nagtanong din ito pabalik, " Nasaan po si Binang, 'nay?"

Mahahalata sa boses nito na puno ng kasabikan. Ano kaya ang kailangan nito sa'kin at napasugod pa ito ng ganito kaaga. Mukhang importante ang pakay ni Ate sa'kin dahil dumayo pa talaga  ito kahit na madaling araw pa lamang upang puntahan ako dito sa aming munting tahanan. Nasa kabilang dulo pa naman ito ng sakahan nakatira.

"Bina, may magandang balita ako para sa'yo!" Napakalawak ng mga ngiti ni Ate Sandy na humarap sa akin.

Pansamantala muna akong tumigil sa pag-aayos ng mga nilulutong biko ni nanay para ilalako namin mam'ya at bahagyang humarap sa kan'ya.

Hindi pa ako tapos magpunas ng aking mga kamay ay kaagad naman  ako nitong hinila papunta sa aming mumunting sala, kung saan nakaabang na rin sa'min ang mga nakababata naming kapatid.

"Ano po ba ang kailangan mo sa'kin, ate Sandy?"

Ngumiti muna ito nang pagkalapad-lapad bago magsalita.

"Darating dito bukas ang ninang Marites mo! "

Nasasabik na saad pa nito. Napangiti na rin ako dahil alam ko na ang nais ipahiwatig ni Ate Sandy sa'kin. 

"H'wag ka na  munang magtinda ng mga kakanin bukas dahil isasama kita sa bayan. Gusto kang makita ng ninang Marites mo. " Masiglang saad pa nito.

Masaya ako na uuwi ang aking ninang  bukas. Tiyak na marami na naman itong mga dalang pasalubong. Syempre, hindi ako mawawalan dahil malakas ang kapit ko, bestfriend lang naman si ninang, ni Ate Sandy.

"Kung gan'on pala ay agahan mo nalang ang pag-uwi galing sa bukid, "nak!" Singit na pagkasabi ni nanay sa aming usapan. 

"Nay naman. Bigyan mo naman ng kahit isang araw na pahinga itong si Binang o kahit kayo nay, magpahinga muna kayo bukas," paglalambing na pakiusap ni ate kay nanay.

"Sayang 'yong kikitain kapag pumalya kami ng lako," seryosong saad ni nanay habang tinatapos ang pagsalansan ng mga kakanin sa lagayan.

Nilapitan ni ate si nanay at niyakap mula sa likuran,"nay, mas importante sa amin ang kalusugan niyo po. 'tsaka byernes  naman ho bukas! Alam ko na matumal ang bentahan kapag ganyang araw. "

Pangungulit pa rin ni ate kay nanay. Mukhang napapayag naman niya ito.

"Oo na. Pupuntahan ko nalang ang tiyuhin niyo bukas. Muntik ko nang makalimutan na bukas ang ani ng mga makapuno at niyog. Bibigyan niya raw ako. Sayang din 'yon may pang bukhayo na kaming malalako sa sabado."

"Pasasamahan nalang kita kay Benjie, nay," alok pa ni ate kay nanay na ang tinutukoy ay ang asawa nito.

Kaagad namang sumang-ayon si nanay sa sinabi ni ate sa kan'ya.

"Pakisabihan mo na rin ang kuya Solomon at kuya Tiago mo. Para isang lakaran nalang. " 

Nilingon ko ang kapatid kong si Stella," pagkauwi niyo galing sa school bukas. Dumiretso kayo kay tatay ha. Kasi parehas kaming wala ni nanay rito bukas." Malumanay na pakiusap ko rito. Mas bata ito sa akin ng dalawang taon. 

"Opo, ate, " masunuring wika pa nito.

Kinabukasan...

Alas diyes pa lang ng umaga ay mat'yaga na kaming nag-aabang ni Ate Sandy sa may terminal ng bus.

Medyo naiinip na nga  ako dahil nakailang bus na rin ang huminto ngunit wala man lang kahit anino ni ninang ang nagpakita sa'min.

"Ate, umuwi na tayo!" Nababagot kung wika sa kan'ya.

"Mag-antay pa tayo, Bina! Baka sa susunod na bus ay siya na ang bababa!"

Masigla pa ring wika nito sa'kin. At dahil sa nakikita kung determinasyon nito ay hindi na lang ako umimik pa. Alam ko rin namang nasasabik na rin siyang makita si ninang. Magkababata kasi sila. Nagkahiwalay lang naman sila dahil sa syudad gustong mag-aral ng kolehiyo ni ninang. Samantalang si ate ay dito na nag-aral. Kaso sa kasamaang palad ay hindi na ito nakapagtapos. Maaga kasi itong nakapag-asawa.

Naagaw ang atensyon ko sa dalawang bus na huminto. Pagkakita ko rito na nagsipagbabaan na ang mga pasahero ay mabilis kung inangat ang dala-dala kong karton na may nakasulat na "Maligayang pagbabalik, Marites!"

Sobrang haba na ng leeg ni Ate kakamasid sa mga bumababa. Baka kasi may makaligtaan kami. Kaso, puro laylay ang mga balikat namin dahil wala man lang kahit  anino ni ninang ang nagpakita. Bakit kasi hindi bumili ng selpon itong si Ate. Para sa ganitong  sitwasyon  ay matawagan man lang siya kung tutuloy ba siya o hindi. ito.

Labis ang naramdaman kung pagsisisi dahil sa pagsama ko sa kaniya dito. Kung naglako na lang sana ako ng mga kakanin, eh 'di nagkapera pa sana ako.

"Halika na, Bina, umuwi na tayo," malungkot na aya ni ate sa akin na agad ko namang sinang-ayonan. Nagtataka rin talaga ako kung bakit hindi kami sinulpot ni ninang ngayon. 'Sana maayos lang siya ngayon.'

Papaalis na sana kami ng biglang may nagsalita sa likuran namin, " Excuse me!"

Kaagad namang napalingon si Ate sa nagsasalita. Kaagad din naman akong lumingon para alamin kung sino ito.

"Bakit ho, Sir? "

Nagtatakang tanong ni Ate sa gwapong mama na matikas na nakatayo mismo sa aking harapan.  Nakasuot ito ng isang simpleng bughaw na T-shirt at pinaresan ng maong na pantalon. Katamtaman lang ang pangangatawan nito at siguro nasa limang talampakan at labing-isang pulgada ang taas.

Hindi ko maintindihan kung bakit biglang bumilis ang pagpintig ng aking puso at ang kakaibang pakiramdam sa aking tiyan. Para kasing may maliliit na nilalang ang gumagalaw sa loob nito.

"Ikaw  ba si Sandra Villalon? "

 Magalang na tanong nito kay Ate Sandy. Mahina namang tumango si ate na nakakuno't ang noo. Biglang lumiwanag ang hitsura nito at naglahad ng palad kay Ate, "I'm Roger! Matalik  na kaibigan  ako ng kababata mong si Marites Dungca! "

Mas lalo akong nakaramdam ng kakaiba ng biglang ngumiti ito at lumantad sa akin ang mga ngipin nitong ubod ng puti. Animo'y isa itong modelo ng toothpaste na commercial sa telebisyon.

"And you are?" Lahad ng kamay nito sa aking harapan.

Parang nanunuot sa kalamnan ko ang paraan ng pagtitig nito sa'kin, "B-bina. . ." nahihiyang inabot ko ang aking kamay sa kanya at hindi ko napaghandaan ang mga sumusunod na pangyayari. Mabilis niyang hinawakan ang aking kamay at walang pasabi-sabing yumukod ito para halikan ang likod ng aking palad.

Narinig ko pa ang pagsinghap ni ate Sandy na nakatayo lang sa aking tabi.  Napapitlag naman ako sa kapangahasang ginawa niya. Parang. . . parang may mga maliliit na boltahe ang biglang sumiklab sa aking buong katawan.

"Ikinagagalak ko kayong makilala ng iyong kapatid, Bina. " Nakangiting wika nito na dahilan para lumantad na naman ang pantay at mapuputi nitong mga ngipin, sabay bitiw sa palad ko.

Hindi ko maintindihan kung bakit sa  dinami- rami ng lalaking nakapagdaupan ko ng palad. Bukod tanging siya lang ang lalaking nakagparamdam sa akin ng ganito.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status