Share

Kabanata 8- Arguments

"Wow mars, you look so gorgeous! Nababagay talaga sa iyo yang damit na suot mo! Para ka ng si Cinderella sa makabagong panahon!", bulalas ni Faye nang lumabas siya mula sa dressing room ng beauty salon na kanilang pinuntahan. Dito kasi siya pinapunta ni Lester para sa kanyang makeover. Kaibigan nito ang isa sa mga makeup artist dito lalo na itong baklang si Georgia. Hindi naman malayo ang salon mula sa kanilang apartment kaya nilakad lang nila ito ni Faye kanina.

 Hindi komportable si Valerie sa kanyang suot na maxi dress. Bagama't paborito niya ang kulay maroon, pero hindi niya type ang style at disenyo. Fitted off-shoulder kasi ito at may slit pa sa gilid, nakikita tuloy ang hita niya kapag naglalakad siya. Sa dinami-dami ba naman ng damit na sinubukan niyang i-fit in kahapon sa mall, ay ito pa ang napili ni Lester.

"Hindi ko type 'tong damit na 'to mars, kung alam mo lang", nakasimangot na wika niya kay Faye habang nakaupo siya sa harap ng malaking salamin para sa kanyang makeover.

"Maganda kaya mars, at lutang na lutang ang kaseksihan mo dito kaya, keribels lang yan", nakangiting tugon nito.

Hindi na lamang siya nagkomento pa dahil baka magsumbong itong baklang makeup artist kay Lester at magkakagulo na naman. 

"Naku ma'am, bagay na bagay naman sa inyo ang damit niyo! Basta't si sir Lester ang pumili lagi talagang pasok iyan! Siyempre pipiliin talaga ni sir ang pinakamagandang damit para sa fiancée niya", nakangiting sambit ng bakla. Nagkatinginan lang silang dalawa ni Faye dahil kung alam lang ng baklang ito na palabas lang ang lahat, ay tiyak na hindi ito makapagsalita ng ganu'n.

"Alam niyo po ba ma'am ang swerte niyo kay sir. Mayaman na, gwapo pa, saka sweet at gentle", dagdag na sabi nito at halatang kinikilig.

Sadyang nabilaukan siya sa kanyang narinig. Oo nga't gwapo at mayaman si Lester ngunit ang sabihin ng Georgiang ito na sweet at gentle, aba'y imposible yata. Palagi nga itong nagagalit sa kanya at lagi siya nitong binubulyawan, paano naging sweet iyon? Oo nga't lagi siya nitong pinagbubuksan ng pintuan ng kotse, pero sapat na ba iyon para tawaging gentle ang isang lalaki? Palihim siyang umismid at mas pinili na tumahimik na lang. Ngunit may sinabi ang bakla na nakakapagpabigla sa kanya.

"Sa wakas after five years, nagkaroon na ulit ng lovelife si sir Lester!"

"Bakit gurl, ano pala ang love story niya?", naintrigang tanong ni Faye.

Patuloy lang siya sa pakikinig dahil medyo naintriga din siya kaya gusto niyang malaman ang mga personal na bagay tungkol dito.

"Nagkaroon ng fiancee si sir Lester nu'n. Ngunit isang linggo bago ang kanilang kasal, biglang umatras si ma'am Scarlet dahil mas pinili niya ang kanyang modeling career sa France. Sobrang nasaktan si sir Lester dahil mahal na mahal niya talaga si ma'am Scarlet. At nang malaman niyang ikakasal na ito sa isang French na may-ari ng modeling agency, nagiging broken-hearted si sir, at pinabayaan ang kanyang sarili. Lagi nalang siya sa bars at nightclubs, nakikipag hang out sa mga kaibigan niya. Ngunit ngayon, alam kong magiging masaya na siya ulit dahil dumating kayo sa buhay niya ma'am!", nakangiting wika ng bakla.

Sa isip niya, mukhang hindi pa rin nakapag move-on si Lester sa ex niya, dahil hindi naman talaga totoo na may relasyon sila. Pinagpapanggap lang siya nitong girlfriend para mapagbigyan ang lola nitong maysakit. Mahirap din naman ang pinagdaanan ng lalaki  kaya siguro laging mainitin ang ulo nito. Well, pareho lang naman sila, kagaya nito, broken hearted din siya, nagkakaiba nga lang sila ng sitwasyon dahil niloko siya ng kanyang boyfriend at kitang-kita pa niya sa sarili niyang mga mata ang pakikipagniig nito sa ibang babae. 

"Sana magiging happy na talaga forever si sir Lester. At sana ho ma'am mahalin niyo po siya, deserve talaga ni sir ang makatagpo ng babaeng totoong magmamahal sa kanya", wika ng baklang si Georgia. 

Hindi na nagsalita si Valerie. Of course, hindi niya kayang sabihin na binabayaran lang siya ng lalaki. Walang ibang nakakaalam sa kanilang kasunduan kundi siya, si Lester, ang abogado at si Faye. Nakasaad din sa kontrata na wala siyang ibang dapat pagsabihan tungkol sa kanilang kasunduan. Pero hindi naman maaaring hindi niya sabihin kay Faye, eh matalik na kaibigan niya ito. At saka may tiwala naman siya dito kaya alam niyang hindi ito magsasalita.

Pasado alas singko na ng hapon nang matapos ang makeover niya. Buong paghanga siyang tiningnan ni Faye at sadyang kinurap kurap pa ang mga mata nito.

"Wow, mars ikaw ba yan? Hindi ba isang dyosa ang aking nakita na bumaba sa lupa na nagtataglay ng kagandahan at kariktan?", wika nito.

"Hoy mars, ang OA mo! Lumabas na rin ang pagiging makata mo ha!", nakangiting wika niya.

'Yes ma'am totoo naman ang sinabi ng kaibigan niyo! Ang ganda-ganda niyo po talaga. I'm sure mas lalo pong maiinlove si sir Lester sa inyo!", wika ni Georgia.

Ngumiti na lamang siya dahil kahit na nga siya ay hindi rin makapaniwala sa kanyang hitsura sa harap ng salamin. Ngayon lang niya naranasang makapag-makeover. Hindi naman kasi siya sanay sa mga partyhan at kahit na inanyayahan siya noon ni Ivan ayaw pa rin niyang sumama dito dahil feeling niya naa-out of place siya. Halos mga mayayaman ang mga kaibigan nito at hindi niya kayang sumabay sa lifestyle nila.

"Sige ho ma'am at isukat niyo po itong sandal. I think ito ang mas nababagay sa suot niyo", wika ng bakla sabay yumuko ito at isinuot sa mga paa niya ang three inches na sandal. Kulay maroon ang nasa itaas na bahagi ng sandal pati na rin ang strap, ngunit crystal ang mga takong. Napakaganda itong tingnan dahil parang kumikislap-kislap ito kapag natatamaan ng ilaw.

"Wow perfect sa paa niyo ma'am!", sambit ng baklang si Georgia.

Sinubukan niyang tumayo at maglakad-lakad. Hindi naman masyadong mahaba ang takong kaya kering-keri lang niyang suotin. Mas lalo siyang tumangkad tingnan dahil sa kanyang 5'5 na height plus three inches na sandal. Tama lang naman ang kanyang pangangatawan at seksi naman ang pigura niya. Maliit ang kanyang beywang at katamtaman lang ang laki ng kanyang bust at hips. 

Makinis ang kanyang kutis, para nga siyang mayaman kung tingnan lalo na kapag naayusan siya. Mapupungay ang kanyang mga mata at matangos ang kanyang ilong. Hugis-puso ang kanyang mukha at may malalambot na mga labi. Sa kabuuan, isa si Valerie sa mga babaeng nabiyayaan ng natatanging alindog nang maghagis ng kariktan ang diyosa ng kagandahan.

"Mars, super-duper ganda mo talaga!", masayang sambit ni Faye sabay yakap nito sa kanya.

"Salamat mars, sorry hindi muna kita maisama ha, kasi exclusive lang daw kasi sa pamilya at malapit na mga kaibigan ng lola ni Lester", nalulungkot na wika niya.

"Oy, okay lang iyon mars, basta't mag-iingat ka at mag-enjoy ka lang doon ha!"

Binalingan ng tingin ni Valerie ang baklang nag-ayos sa kanya. Nakangiti lang ito habang tinitingnan siya.

"Thank you gurl, for making me beautiful", wika niya.

"My pleasure ho ma'am. At sana ako pa rin ang mag-aayos sa inyo kapag ikakasal na kayo ni sir", masayang tugon ng bakla.

Tumango lamang siya at hindi na nagsalita pa dahil nakikita na niya sa labas na paparating na si Lester. Nakasuot ito ng puting tshirt na pinailaliman ng dark na blazer at well-tailored na black slacks na pinarisan ng loafer na sapatos. 

"Andito na pala si sir!!! Ang gwapo talaga niya ma'am!!! Oh my gedddd!!!!", kinikilig na bulalas ng baklang si Georgia. Titig na titig ito sa lalaking paparating hanggang sa makapasok ito ng salon.

"Good evening sir Lester, nandito na ho iyong fiancée niyo...taran!!!", bungad na bati ni Georgia.

Saglit na natigilan ang lalaki nang makita siya nito ngunit agad naman itong nagbawi ng tingin at sinabi nitong aalis na sila dahil naghihintay na sa kanila ang lola nito. Ngumiti ito ng bahagya kina Georgia at Faye at sinabi nitong hindi na sila magtatagal dahil medyo malayo-layo pa ang kanilang biyahe. Doon kasi gaganapin ang party sa ancestral house ng lola nito sa Batangas.

"Mars, aalis na kami", wika niya saka humalik sa kanyang kaibigan. Pagkatapos binalingan nito si Georgia at nagpaalam dito.

"Wala man lang bang kiss dyan sir Lester? Ang ganda-ganda kaya ng fiancée niyo!", pahabol na wika ni Georgia nang palabas na sina Lester at Valerie sa pintuan.

"Ah eh, saka na lang Georgia, ayaw ng girlfriend ko ang public display of affection. Mas higit pa riyan ang gagawin namin kapag kami lang dalawa", nakangiting tugon ng lalaki sabay hawak nito sa kamay niya.

Napatiling bigla ang bakla na halatang kilig na kilig dahil gets naman nito kung anong ibig sabihin ni Lester. At kahit nu'ng makalabas na sila ng salon ay nakatingin pa rin ito sa kanila hanggang sa makapasok sila sa pulang Ford raptor.

Sa loob ng sasakyan, hindi maiwasan ni Valerie na makaramdam ng kaba dahil sa ilang sandali ay makakaharap na niya ang pamilya ni Lester, lalong-lalo na ang lola nito. Paano kung hindi siya magugustuhan ng pamilya ng lalaki? Kasi kadalasan niyang napapanood sa pelikula, ang mga matapobreng mga magulang na tumututol na makakapangasawa ng mahihirap ang kanilang mga anak.

"Husayan mo ang pag-arte mamaya ha! Ayaw kong mabulilyaso ang plano ko. At saka remember hindi Mister ang itatawag mo sa akin kundi, 'babe'. Do you understand?", mariing bilin ng lalaki.

"Opo Mis--Babe... Yuck!", sambit niya. Napaka awkward talaga para sa kanya. Hindi siya sanay sa ganitong endearment, ni hindi nga niya tinatawag na 'babe' noon si Ivan. Ngunit heto ngayon siya at tinatawag na 'babe' ang lalaking hindi naman niya totoong boyfriend, ni hindi nga niya masasabing kaibigan niya. 

"Ayusin mo yang pa yuck yuck mong iyan, Miss Valerie. Gampanan mo ng maayos ang trabaho mo! Maliwanag ba?", naiinis na wika ng lalaki.

Nakita na naman niya ang pangungunot ng noo nito at pagtiim ng mga bagang, halatang napipikon na naman. Paano nga ba niya magugustuhan ang ganitong uri ng lalaki? Saglit na nag-isip siya at naalala niya ang sinabi ng baklang nag-ayos sa kanya. Sweet at gentle daw si Lester? Paanong naging sweet ang lalaking ito, pabagsak naman ang tono ng boses kung magsalita?

"Praktisin mo dyan sa isip mo ang tawagin akong 'babe'. Trabaho lang ito Miss Valerie at walang personalan. At nasa kontrata, walang dapat na mamagitan kaya,  don't dare fall in love with me. Am I clear?"

Tumaas ang kilay niya nang marinig ang sinabi ng lalaki.

"Hoy excuse me Mister Lester, hindi kaya ako ang magsabi niyan? Don't dare fall in love with me!", naiiritang tugon niya. 

"I will never fall in love with you Miss Valerie Sandoval. Ni ang magkagusto sa iyo ay malayong-malayo sa isip ko!"

"Mister Lester Montefalcon, kahit ikaw na lang ang lalaking natitira sa mundo, hinding-hindi ako magkakagusto sa iyo!"

Pareho silang natahimik at parehong nasaling ang mga pride nila. Sa isip ni Valerie, paano pa siya magmamahal kung sarado na ang puso niya dahil sa ginawa ni Ivan?

Sa isip din ni Lester, may lugar pa ba sa puso niya ang salitang 'pag-ibig' matapos siyang iwan ni Scarlet?

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status