Share

Kabanata 10

KABANATA 10

MAHIGIT isang linggo nang hindi umuuwi si Miana simula nang magkaharap kami sa parke. Nag-alala na sina Mama at Papa. Sinubukan siyang hanapin ng mga ito, ngunit hindi alam kung saan magsisimula. Hindi namin siya matawagan. Pati sa eskuwelahan ay hindi na rin siya pumapasok. Hindi na nga natutulog si Papa. Halos araw-araw na hinahanap si Miana. Humingi na rin kami ng tulong sa mga pulis.

“Hindi pa rin ba tumatawag si Miana?” tanong ni Papa na bakas ang matinding pag-aalala sa mukha. Isang malungkot na iling ang naging tugon ni Mama. “Nasa’n na kaya siya? Bakit hanggang ngayon hindi pa rin siya umuuwi?”

Lumabas ako ng bahay. Naisip kong maglakad-lakad muna. Sa totoo lang, dapat wala akong pakialam sa problema nila. Labas na ako roon. Pero kahit ano ang pangongontra ng isip ko, sa puso ko ay hindi ko maiwasang mag-alala. Kung nasaan man ngayon si Miana, sana ay ligtas siya. At malakas ang kutob kong magkasama sila ng nobyo niya.

Umupo ako sa isang sementadong upuan sa parke kung saan ko sila huling nakita. Bigla kong naalala kung paano ko natuklasan na may nobyo siya. Inis na inis ako kay Miana noon. Nakakabuwisit ang pagiging perpekto niya sa paningin ng mga magulang namin. 

Nang pumunta siya sa isang kainan, wala siyang kaalam-alam na palihim ko siyang sinundan nang mga sandaling iyon. Naghahanap ako ng butas upang masira siya. Naghahanap ako ng puwedeng ipanlaban para masira ang magandang imahe niya.

Natatandaan ko na isang lalaki ang agad na lumapit kay Miana at hinalikan siya sa pisngi. Patago ko iyong kinuhanan ng litrato at hindi nag-alinlangan na lapitan sila. “Sino ‘yan, Miana? Nobyo mo? Isusumbong kita kay Papa.” 

Gulat na gulat si Miana. Napansin ko ang pagkatakot sa mukha niya. “Lahat ng gusto mo, susundin ko. Huwag mo lang akong isumbong kay Papa. Paghihiwalayin niya kami.” Halos lumuhod siya sa harap ko. Handa niyang gawin ang lahat para sa lalaking iyon. Pumayag naman ako dahil gusto ko siyang paglaruan sa mga palad ko. Iyon ang dahilan kung bakit ang lahat ng utos ko ay sinusunod niya.

Bumalik ako sa reyalidad nang tumunog ang selpon ko sa bulsa. Kinuha ko iyon at sinagot kahit na hindi nakarehistro ang numero nang tumatawag. 

“Sino ‘to?” pagalit na tanong ko, ngunit natigilan ako nang marinig ang isang pamilyar na hikbi mula sa kabilang linya.

“Ate Elyne, ako ‘to.” May kung anong humaplos sa puso ko nang muli akong tawaging ate ni Miana.

“Miana? Nasa’n ka? Bakit hindi ka umuuwi sa bahay? Maayos ba ang kalagayan ninyo ng anak mo?” sunod-sunod na tanong ko. “Miana! Bakit hindi ka sumasagot? Ayos ka lang ba? Kamusta ang pinagbubuntis mo?”

“Ate...” Halos huminto sa pagtibok ang puso ko nang marinig ang paghikbi ni Miana. Nangilid ang luha mula sa mga mata ko. “Alam mo ba, ang saya ko ngayon? Dahil sa unang pagkakataon, naramdaman ko na nag-aalala ka sa ‘kin.”

Natulala ako. Hindi ko namalayan ang mabilis na pagpatak ng aking luha. Napapikit ako at mariing kinagat ang ibabang labi upang pigilan ang pagtakas ng hikbi mula sa bibig ko. Parang tinutusok ng milyun-milyong karayom ang puso. 

“Ano ba’ng pinagsasabi mo riyan? Umuwi ka na nga. Hinahanap ka ni Mama at Papa. Nag-aalala na sila sa ‘yo.” 

“Pasensya na pero hindi pa ako puwedeng umuwi dahil sa makalawa ay may pupuntahan kami ni Juner,” sabi ni Miana sa kabilang linya.

Kumunot ang noo ko. “May pupuntahan kayo? Saan?” 

“Hindi ko alam. Hindi niya sinabi sa ‘kin. Basta aayusin namin ‘to. Babalik din ang lahat sa dati.”  

Mariin akong napapikit. Gusto ko siyang tulungan pero wala akong magawa. Alam kong nahihirapan na si Miana. 

“Pero kung hindi man ako makabalik kaagad, alagaan mo sina Mama at Papa, ha? Huwag mo silang iiwan, Ate.” Narinig ko na parang pinipigilan niyang humikbi. “Alam kong masasaktan ko sila kapag nalaman nila ‘to. Pero mas doble ang sakit na mararamdaman nila kung pareho tayong mawawala.”

“Buwisit. Gagawin mo pa akong tagapag-alaga,” pabirong wika ko.  “Basta kahit ano pa’ng mangyari, bumalik ka, Miana. Ingatan mo ang sarili mo.”

“Babalik ako. Pakisabi na lang na mahal ko sila. Mahal na mahal ko kayong lahat, Ate.” 

Hindi pa man ako nakakasagot, naputol na ang tawag sa kabilang linya.

Mabilis na lumipas ang ilang araw, hindi ko na ulit matawagan si Miana. Wala kaming balita sa kan’ya. Maging sa malalapit niyang kaibigan, walang may alam kung nasaan na siya ngayon. Mas dumoble ang kabang nararamdaman ko pero umaasa pa rin ako sa sinabi niya na babalik siya.

Naisipan kong bumaba upang ilagay sa kusina ang baso na pinag-inuman ko ng tubig, ngunit tatlong unipormadong pulis ang nabungaran kong kausap nila Mama at Papa at sala. 

“May balita na ba kayo sa anak ko?” tanong ni Papa.

“Oho. Nais naming ipagbigay alam sa inyo na natagpuan na namin si Miana Devera,” sabi ng isang pulis. 

Nagliwanag ang mukha ni Papa. “Nasa’n siya? Kasama niyo ba siya? Gusto kong makita ang anak ko.” 

Kumunot ang noo ko nang biglang magkatinginan ang tatlong pulis. Hindi ko alam kung bakit bigla na lang bumilis ang tibok ng puso ko sa kaba. 

“Pero—”

“Pero?” Mababakas ang matinding pag-aalala sa tinig ni Papa. “Bakit may pero? Gusto ko nang makita ‘yong anak ko!” 

Muling nagkatinginan ang tatlong pulis. Huminga ako nang malalim. May kung anong bumara sa daluyan ng hininga ko. Mas lalong bumilis ang pagtibok ng puso ko at sa bawattibok niyon ay kakaibang sakit ang naramdaman ko. 

“Mr. Devera, pasensya na ho pero... ikinalulungkot naming ibalita na patay ang anak ninyo. Patay na si Miana Devera.”

Nalaglag ang basong hawak ko at nabasag iyon sa sahig. Parang gumuho bigla ang mundo ko nang marinig ang sumunod na sinabi ng pulis. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status