Share

Chapter THREE

Dumaan pa ang ilang oras at gabing-gabi na. Nagugutom na rin ako. Nagsimula nang magtago ang buwan sa makapal na ulap na lalong nagpadilim sa gabing tahimik. Kanina pa ako pinapapak ng mga lamok. Noon ko lang naranasang umupo ai silong ng kahoy at inabot ng ganito kagabi. Natatakot ako sa tinaguan ko ngunit natatakot pa rin naman akong umuwi. Wala akong maisip pang ibang mapuntahan. Nagigimbal din ako dahil bigla kong naalala ang mga kuwento ng mga kalaro ko tungkol sa puno ng balite na tanaw lang sa kinauupuan kong puno ng akasya. Tumatayo ang mga balahibo ko sa nililikha ng utak kong mga haka-hakang may dambuhalang babae raw doon na may karga karagang bata na parehong namumula ang mga mata at lumilipad sa ere,  kabaong na humahabol sa gabi, may paring walang ulo at dahil hindi ko na makayanan pa ang takot na nilikha ng aking isipan ay bigla akong kumaripas ng takbo palayo roon. Ang tanging alam kong tanging mapupuntahan ay ang aming munting kubo. Huminto ako sa katatakbo ko nang malapit na ako sa aming kubo. Hindi ko magawang lumapit at umuwi. Nauuhaw na ako, nagugutom at pinapapak ng lamok ngunit natatakot pa rin akong umuwi o pwede rin dahil sa aking pride. Alam kong malalim na ang gabi. Matagal na kasi ang paglatag ng dilim at halos lahat ng mga ilaw ng mga kapit-bahay namin ay nakapatay na rin. Ngunit bukas pa ang gasera sa aming bahay. Narinig kong parang may lumabas sa bahay. Nanginginig akong sumilip mula sa pinagtataguan ko. Nakita ko si Tatang. Kasabay ng pagsilip ko ang kayang paglabas sa aming sira-sirang pinto. Panaog paakyat si Tatang habang nasa loob lang si Nanang at nakaupo. Halatang para ring hindi mapakali si Nanang dahil panay ang pagsilip-silip nito sa bintana. Patayo-tayo at paikot-ikot sa aming kubo. Si Tatang naman ay umupo sa unang baitang ng aming hagdanan. Malayo ang kanyang mga tingin. Nang alam kong ako ang kanilang hinihintay ay lumabas na rin lang ako sa pinagtataguan ko.

“Tang…” garalgal ang boses kong tumawag sa kanya. Hanggang sa tuluyan na akong naiyak ngunit nangangatog din ako sa takot sa kanya.

“Nadine anak!” mabilis itong lumapit sa akin. “Ano bang pumasok sa isip mong bata ka! Saan ka ba nagpunta?” mabigat ngunit may lambing ang pagkakabigkas niya doon.

“Pumasok ka nga rito? Nag-alala kami sa’yo. Hindi ka mahanap ng tatang mo? Anak, ano bang nangyayari sa’yo? Bakit mo ginawa ito?”

“Sorry po.” Walang tigil ang pagdaloy ng mga luha ko.

“Pinag-aalala mo kami. Hindi maganda ang ginagawa mong ‘yan. Babae ka. Dalagita na. Paano kung may nangyari sa’yo? Sa tingin mo ba, hindi ka mapapahamak sa ginawa mong ‘yan?” mataas ang boses ni Tatang nang sinabi niya iyon ngunit ramdam kong dala lang iyon ng pag-aalala at pagmamahal sa akin.

“Kumain ka na ba?” tanong ni Nanang.

“Anong tanong naman ‘yan, Nelly. Saan naman kakain ‘yan? Ipaghain mo na lang at baka nagugutom na.”

Kumuha si Tatang ng tubig sa tapayan. Inabot niya sa akin. “Uminom ka na muna.”

Mabilis kong inabot ang plastic na basong inabot ni Tatang sa akin. Inubos ko ang laman no’n sa uhaw.

“Saan ka ba nagtago?”

“Sa gubat. Doon sa malaking puno ng akasya.”

“Ano? Paano kung kagatin ka ng ahas o kung may mangyari sa’yo roon?”

“Natatakot po kasi akong umuwi, Tang.”

“Ano ba kasi ang gusto mo? Anak sinabi ko ba na hindi kita susuportahan? Sinabi ko bang hindi ka mag-aaral?”

Hindi ako sumagot.

“Ang sa akin lang, mag-aral ka pero sana hindi mabago ng talino o diploma  mo ang ugali mo sa amin at sa mga kapatid mo. Huwag ka sanang makakalimot.”

“Opo Tang. Hindi ho ako gagaya sa mga kapatid po ninyo.”

               “Mabuti naman kung ganoon. Sige na. Pumasok ka na sa loob at nang makakain ka na muna.”

“Hindi na ho ba kayo galit sa akin, Tang.”

               “Hindi ko lang gusto ang inasal mo kanina, hindi ako galit sa’yo. Sige na, kumain ka na ro’n at pag-uusapan natin ang pag-aaral mo habang kumakain.”

               “Talaga ho?” akmang yayakapin ko si Tatang pero siya na ang yumakap sa akin.

               “Anak, noong nagtapos ka, pumunta ako. Pinanood kita,” garalgal ang boses ni Tatang na para bang naiiyak. “Nakita ko kung paano ka sabitan ng Mayor ng medalya. Kung paano ka sinabitan ng Nanay mo ng ribbon mo. Anak, nahihiya ako sa mga tao. Alam mong hindi ako marunong magbasa at magsulat kaya wala akong lakas ng loob na humarap sa mga nakapag-aral. Nanliliit kasi ako sa sarili ko dahil sa ipinamukha sa aking ng mga kapatid ko na ganito na lang ako. Hanggang ito lang ang kaya ko at alam kong gawin sa buhay. Kaya, patawarin mo ako, anak. Alam ng Nanang mo na nanood ako. Pumapalakpak sa malayo. Sinasabi sa mga katabi kong “anak ko ‘yan… anak ko ‘yang pinakamatalinong ‘yan.” Nakita ko ang pagkislap ng gilid ng mga mata ni Tatang. Unang pagkakataon na nakita kong umiyak siya kaya naiyak na rin ako. Mahigpit kong niyakap si Tatang.

               Mali pala ako ng hinala. Maling-mali ako sa tingin ko sa aking ama.

               Sardinas lang ang ulam ngunit iyon na ang pinakamarasap na hapunan ko. Nakaupo sina Nanang at Tatang sa harap ko. Parang nakapatagal nang panahong hindi nila ako nakita.

               “Malapit lang sa paaralan ang bahay ng Tiya Cynthia mo. Nakiusap ako na doon ka na muna tumira para hindi ka na mapagod mag-uwian. Ang sabi ng Tita mo, tutulong ka raw sa kanilang karinderya at sila na lang ang bahalang magpaaral sa’yo.”

               “Talaga ho? Ibig sabihin Tang, mag-aaral ako?”

               “Oo anak. Mag-aaral ka. Sana anak, maintindihan mo dahil marami kayong magkakapatid at hindi ko alam kung paano ko kayo igagapang lahat.”

               “Okey na ho ako do’n, Tang. Magsisipag ako. Mag-aaral ho akong mabuti para sa ating lahat.”

               “Sige anak. Kung hindi mo kaya roon, kung hindi maganda ang trato sa’yo ng kapatid ko at mga pinsan mo, uuwi ka rito. May pamilya kang uuwian. Kahit mahirap, igagapang ka namin ng Nanang mo kahit high school lang ang matapos mo.”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status