Share

Chapter Eight

ILANG araw na ang lumipas, ilang araw na rin silang nag-iiwasan ni Rafael. Hindi pa man sumasapit ang alas-sais ng madaling araw, umaalis na siya ng bahay para pumasok sa trabaho. Kahit ang totoo nama'y ayaw niya lang talagang mag-abot sila ni Rafael sa bahay.

At isa pa, ayaw niya rin na makita ang dalawa na maglandian. Panigurado, hindi niya kakayanin iyon.

Noong gabing iyon, matapos nitong ipaalam na sa bahay nito patitirahin si Samantha, wala na siyang ibang nagawa kundi tumango at pagkatapos ay umiyak sa silid niya. Sino ba siya para humindi? Hindi kaniya ang bahay, hindi rin kaniya si Rafael. Wala siyang karapatan sa mga ito.

Sinisiguro niya lang na hindi talaga sila magkikita ng lalaki. Bago ito magising o si Samantha ay nakaalis na siya ng bahay. Sa gabi naman, late na rin siya umuuwi. Minsan ay alas-siyete na, madalas, alas-otso y medya. Sa mga oras na iyon, panigurado busy na sa panghimagas ng mga ito ang dalawa kaya hindi na siya mapapansin pa.

Ganoon lagi ang routine niya araw-araw. Halos isang buwan na nga . . . maliban na lamang kanina.

Wala pang alas-sais ay nag-aayos na siya ng sarili sa harap ng salamin. Palabas na siya ng kaniyang silid nang biglang bumukas ang pintuan malapit sa kuwarto niya, at lumabas mula sa silid nito si Rafael.

Nagulat pa siya at namilog ang mga mata nang matitigan ang mukha ng lalaki. Sigurado kasi siyang alas-siyete talaga ito lumalabas ng kuwarto. Naging maingay kaya siya kaya nagising ito? 

Sa loob ng ilang minuto, nagkatitigan lamang silang dalawa. Walang gustong magsalita sa kanila. Siya ma'y parang pinako sa kinatatayuan. Ni hindi magawang makapagsalita, maski ang huminga habang nakatitig dito ay nahihirapan siya. 

Mariin siyang lumunok at bahagyang napaatras nang humakbang ito papalapit sa kaniya, hindi pinuputol ang titigan ng mga mata nila.

"Lagi kang maaga kung umalis, kung umuwi ka naman, gabi na. Ano bang nangyayari?" Halata ang pagtataka sa tinig nitong pilit nitong pinabababa. Iniiwasan sigurong magising ang babae nito. 

"M-may dinadaanan kasi ako, kaya maaga akong umaalis," uutal-utal niyang sagot. Nakatuon ang mga mata niya sa sahig dahil hindi niya magawang tumingin nang diretso rito. 

Hindi nagsalita si Rafael. Tahimik lang itong nakatitig sa kaniya. "Hannah, are you avoiding me?" 

Sunod-sunod siyang napailing sa naging tanong nito. Narinig naman niya itong bumuntong-hininga.

Nag-angat siya ng mukha at nakita itong mataman na nakatitig sa kaniya. Para siyang napapaso sa mga tingin nito kaya manaka-naka siyang nagbababa ng mukha. 

Maya-maya ay tuluyan na itong nagbigay ng daan sa kaniya. Para siyang tanga na tumango-tango bago nag-umpisang humakbang. Nang lalagpasan na niya ito ay narinig pa niya ang bulong nito. 

"Mag-iingat ka."

Malakas na kumabog ang puso niya sa narinig, pero hindi siya nagpahalata at ipinagpatuloy lang ang paglalakad. Kahit na tila bibigay na ang mga tuhod niya sa panlalambot. May kung anong kiliti siyang naramdaman sa kaniyang puso dahil sa narinig.

Maaring simpleng mga salita lamang iyon, pero masaya pa rin siya. At saka, iyon ang unang pagkakataon na nangyari iyon—na nagpakita ito ng pagmamalasakit para sa kaniya, kaya labis siyang naninibago.

"HOY! Tulala ka?"

Nagising siya mula sa malalim na pag-iisip nang marinig ang tanong ni Cassandra. Nakaupo sila pareho sa isa sa mga table sa loob ng coffee shop at nag-aayos ng bulaklak at tissue na idi-display sa mga lamesa.

"May iniisip lang," sagot niya naman habang abala pa rin sa ginagawa.

"At ano naman? Let me guess, boys?" Tinaasan pa siya ng babae ng kilay habang unti-unting naniningkit ang mga mata nitong nakatitig sa kaniya. 

Natawa naman siya rito. "Hindi, ano!"

Umismid ang dalaga. "Hindi raw pero pangiti-ngiti."

Nag-angat siya ng tingin sa babae. Nakatuon na ang mga mata nito sa mga tissue. Pakiramdam niya tuloy, nag-init bigla ang mukha niya. Ngumingiti ba siya? Hindi niya napapansin.

Natigilan siya sa pag-iisip nang marinig ang tunog ng bell ng shop. Hudyat ang tunog na iyon na may bagong customer na dating. 

"Oh my gosh! Sis, look! Eng gewepe nemen," bulong ni Cassandra. Mahigpit pa siya nitong hinawakan sa braso habang para itong kiti-kiti na hindi mapakali.

Kumunot naman ang noo niya sa nakikitang hitsura ng kaibigan niya. Nag-angat na siya ng mukha upang makita ang bagong dating na customer. 

Isang matangkad na lalaki ang nabungaran niya, maputi ito, at oo, guwapo nga. Nakasuot ito ng isang kulay maroon na pang-opisinang damit. Naglalakad papunta sa counter habang nakatingin din sa kanila.

Mabilis naman na tumayo si Cassandra at w-in-elcome ang lalaki. "Magandang araw, sir!"

Napansin niyang walang tugon ang binata sa pagbati ng kaibigan niya. Kamuntikan pa siyang matawa, pero natigilan siya nang mapansin ang biglang paghinto ng binata at ang unti-unting pagkunot ng noo nito habang nakatitig sa kaniya. 

"Hannah?"

Sumilay ang matinding pagtataka sa buo niyang mukha nang tawagin siya nito sa kaniyang pangalan.

Pinakatitigan niyang mabuti ang mukha ng customer. Ilang segundo rin ang dumaan bago naproseso ng utak niya kung sino ang lalaking nasa harap niya.

"Hannah! Is that really you?" Sa pagkakataong iyon ay sumilay na ang malapad na ngiti sa mga labi nito.

Siya naman ay nakatulala pa rin, hindi makapaniwala sa nakikita. "Bullet!"

Biglang nag-flashedback sa isipan niya ang nangyari pitong taon na ang nakalilipas. 

"BABOY! BABOY!" sigaw ng mga kaklase niyang lalaki nang makita siya ng mga ito.

Grade 6 pa lamang siya noon habang si Rafael naman ay graduating na sa college. Walong taon itong mas matanda kaysa kay Hannah, ngunit hindi iyon naging hadlang para magustuhan niya ito. Hindi iyon naging hadlang para araw-araw siyang magpunta sa university nito at kumuha ng mga nakaw na litrato ng lalaki.

Noong araw na iyon, nagpunta siya sa photoshop para sana magpahugas ng picture ni Rafael na kuha niya kanina habang naglalakad ito sa kahabaan ng oval ng school nila. Sa kasamaang palad, nakita siya ng mga demonyo niyang kaklase.

Umiiyak siyang tumakbo palayo sa mga ito habang sila, pilit siyang hinahabol para tuksuhin. Noon pa man kasi, mataba na talaga siya. Sa tingin nga niya, wala talagang oras kung kailan hindi siya naging mataba. 

"Hoy, baboy! Huwag ka ngang tumakbo! Baka lumindol!" sigaw ng isa sa mga kaklase niya saka nagtawanan ang ilan sa mga kasama nito. 

Lumingon siya para makita kung sino sa mga ito ang sumigaw, na naging dahilan para hindi niya mapansin ang lalaki sa daan. Bumunggo siya sa matangkad na lalaki at nawalan ng balanse kaya nadapa. Nang mag-angat naman siya ng mukha upang mapagsino ito, isang lalaking hindi niya kilala ang tumambad sa kaniya.

"Ahh! Nadapa!" sigaw ulit ng mga kaklase niyang lalaki na humahabol sa kaniya at nagtawanan muli ang mga ito. Patuloy sa pagkutya sa kaniya na naging dahilan para mag-umpisa siyang lumuha. 

Natahimik naman ang mga ito nang titigan sila nang masama ng lalaking nabunggo niya.

"Gusto n'yo bang masaktan, huh?" sigaw ng lalaki sa kaniyang mga kaklase.

Nag-angat siya ng mukha at nakita itong unti-unti humakbang palapit sa mga kaklase niya kaya biglang napaatras ang mga ito. Nang kuwelyuhan ng lalaki ang isa sa mga ito, mabilis na nagsitakbo ang mga ito palayo.

Nang mawala sa paningin nila ang mga kaklase niya ay saka siya muling binalingan ng lalaki. "Okay ka lang?"

Lumuluha siyang tumango rito.

"Huwag ka nang umiyak," alo nito saka siya tuluyang nilapitan. Ngumiti pa ito nang bumaba para mapagpantay ang mukha nila.

Nang mga oras na iyon, ang tingin niya sa estrangherong lalaki ay isang hero. Hero na handang tumulong sa mga katulad niyang laging kinukutya ng iba. Para sa kaniya, maliban sa papa niya at kay Rafael, ito na ang pinakamabait at pinakanakahahangang lalaki sa mundo.

"S-salamat." Mabilis niyang pinahid ang mga luha niya upang hindi magmukhang madungulis sa paningin nito.

Lumapad naman ang ngiti sa mga labi ng binata bago nilahad ang isang kamay. "Ako nga pala si Bullet. Ikaw, bata, ano'ng pangalan mo?"

"HANNAH, WOW! It's been years, right? Kumusta na?" 

Sunod-sunod siyang napakurap ng mga mata habang nakatitig sa nakangiti nitong mukha.

Totoo ba ito? Hindi siya makapaniwala na nakatitig siya ngayon sa mukha ni Bullet Verzosa.

Nilapitan naman siya ni Cassandra nang mapansin nitong nakatulala lang siya. "Hoy, inday, ngayon ka lang ba nakakita ng guwapo?" bulong nito na ikinairap niya. 

"B-Bullet, ikaw pala," awkward niyang wika bago tumayo.

Tama ito. Taon na mula noong huling pagkikita nila. Ilang taon na nga ba? 7 or 6 years na rin ang lumipas mula noong magpaalam sila sa isa't isa.

"I've been great. What are you doing here anyway?" Nilingon nito ang lamesa kung saan nakalatag ang mga tissue at bulaklak na inaayos nila.

Ngumiti naman siya rito bago napakamot sa likod ng ulo. Nagkumustahan sila ng lalaki at nagkuwentuhan. At dahil wala naman masiyadong customer sa coffee shop, nagkaroon talaga sila ng oras para makapag-usap.

"I still can't believe this. Nandito ka na sa harap ko, Hannah." Nakangiti itong pinagmasdan siya.

Nagbaba naman siya ng tingin nang hindi matagalan ang mariin nitong pagtitig. Siya rin naman ay hindi pa rin makapaniwala. Sa sobrang tagal na mula noong huling pagkikita nila, halos malimutan na niya ang lalaki.

"I missed you," pagkuwa'y sabi nito na bigla niyang ikinatigil. Halos buong oras ng pag-uusap nila ay hindi nawala ang ngiti sa mga labi nito. 

Hindi niya napigilan ang hindi mapangiti. Hindi pa rin ito nagbabago. Masiyado pa rin itong sweet. Napaisip tuloy siya kung kasal na ito ngayon?

Pagkatapos siya nitong ipagtanggol noon sa mga kaklase niyang bully, hindi na siya kinutya pa ulit ng mga lalaki niyang kaklase. Paano ba naman, lagi nang nakabantay sa kaniya si Bullet noon.

Nalaman niyang nasa iisang eskuwelahan pala sila at second year highschool na ito noon. Ang lalaki ang naging tagapagtanggol niya sa mga nambu-bully sa kaniya. Naging sobrang malapit sila sa isa't isa kaya kilala na rin ito ng mga magulang niya. Parang kuya na ang tingin niya rito.

Naalala pa nga niya kung gaano niya ito iniyakan noon nang magpaalam ito sa kanila. First year highschool na siya noon habang ito ay third year highschool na.

Nagpaalam itong aalis dahil titira na raw ang pamilya nito sa Canada. Hindi nito alam kung makababalik pa sila, kaya naman labis ang pag-iyak niya noon. 

May iniwan ito sa kaniyang kwintas bago umalis, na hanggang ngayo'y itinatago niya pa rin.

"Hey, natahimik ka na riyan," natatawang saad ni Bullet.

"Ay, s-sorry. May iniisip lang ako. I missed you too, kuya," sabi niya rito sabay ngiti nang tipid.

"Wow! I missed that. Kuya."

Napangiti siya sa sinabi nito. Patuloy niya itong pinagmasdan. Paanong hindi niya ito nakilala agad? Halos walang ipinagbago ang binata. Maliban na lang sa mas gumuwapo ito ngayon at bahagyang nag-matured ang hitsura. 

"Saan ka na nga pala nakatira ngayong . . . wala na sina Tita Anne at Tito Harry?"

Biglang naglaho ang ngiti sa mga labi niya nang marinig ang tanong na iyon. Hindi niya alam kung dahil naalala niyang bigla ang mga magulang niya, o dahil ipinaalala ng tanong nito ang kaniyang sitwasiyon. Subalit sa tingin niya ay pareho.

Pero paano niya kaya sasabihin dito na napasok siya sa isang arranged marriage? Na naikasal siya sa lalaking hinahangaan  niya noon, pero wala nang ibang ginawa kundi isuka siya.

Napalunok siya sa naisip. Napakapait naman talaga ng kapalaran niya.

"Ah, n-nagtatrabaho kasi ako. Stay-in iyon kaya doon na ako nakatira," pagsisinungaling niya sa lalaki.

Pero kung iisipin naman talaga, kapag naghiwalay na sila ni Rafael ay babayaran siya nito. Kung ganoon ay parang nagtatrabaho na nga rin siya sa lalaki. 

"Stay-in? Really? Saan naman iyan?" tila interesadong-interesado nitong tanong sa kaniya.

Mariin siyang lumunok bago nag-isip ng puwedeng isagot. "Ah, sa isang compound malapit dito. Bakit mo ba itinatanong?"

Ngumiti ito sa kaniya. "Susunduin kita pagkatapos ng klase mo mamaya. Ihahatid kita."

Bahagyang namilog ang mga mata niya. "Ha?"

Tingin niya ay ilang minuto rin silang nagpilitan ni Bullet bago sila natapos. Pinaninindigan niya ang pagtanggi, pero in-i-insist pa rin nito ang gusto.

Okay lang naman na ihatid siya ni Bullet, pero nag-aalala siya na baka makita nito sina Rafael at Samantha, mabuko pa siya. Wala siyang balak sabihin o ipaalam dito ang sitwasiyon niya dahil panigurado, kaaawaan lang siya nito. Ayaw niyang may makaalam, tutal ay maghihiwalay na rin sila ni Rafael.

Sa bandang huli, natalo siya at walang nagawa sa katigasan ng ulo ni Bullet. Napakakulit nito katulad ng dati kaya napapayag siya nito.

Eksaktong alas-siete y medya ng gabi nang may kotseng pumarada sa harap ng eskuwelahan na pinapasukan nila. Papalabas pa lang siya noon ng campus gate kasama si Cassandra at si Athena na nagpalipat din ng klase sa gabi.

"Oh! Lover boy's here," bulong sa kaniya ni Cassandra nang makalabas sila ng gate.

"Besty, we'll go ahead, okay?" paalam naman ni Athena sa kaniya at kumindat pa. Napa-facepalm na lang tuloy siya dahil sa ikinikilos ng mga ito. 

"Naku, please lang, mag-boyfriend ka na. Malapit ka nang mag-20, oh, diligan mo na iyang pechay mo!" pang-aasar pa ni Cassandra at tumawa pa ang dalawa.

Nakaismid siyang umirap sa dalawa.

"Hey," nakangiting bati naman sa kaniya ni Bullet nang makalapit siya rito. Narinig nito ang mga sinabi ni Cassandra kaya hindi nito mapigilan ang ngumiti nang malapad.

"Hi," ganti niyang bati saka tumango.

Sumakay sila sa kotse nito at tinungo na ang daan patungo sa compound. Habang lulan ng sasakyan ni Bullet ay pareho silang walang imik. Ayaw niya rin naman magsalita dahil natatakot siyang may masabing hindi tama.

"Ano'ng trabaho mo ro'n?" basag nito sa katahimikan makalipas ang ilang minuto. Nanigas siya sa kinauupuan.

"H-huh?"

"Stay-in ka, hindi ba? Ano'ng trabaho mo? Bakit kailangan stay-in pa?" sunod-sunod na usisa ni Bullet habang paminsan-minsan siyang sinusulyapan.

"Asawa," sagot ng isip niya.

Huminga siya nang malalim. Hindi na talaga siya sasabay uli rito. Baka mamaya niyan, madulas siya at masabi rito ang tungkol sa sitwasiyon niya.

"Mga office work lang, ganiyan. Kakilala kasi nina Mama si—i-ibig kong sabihin, iyong pinagtatrabahuhan ko, kaya pinatira na lang nila ako sa kanila," pagsisinungaling niya.

Mariin siyang pumikit. Umuusal na siya ng panalangin at humingi na rin ng tawad sa itaas dahil sa pagsisinungaling niya.

"Ah." Iyon lang ang naging reaksiyon nito at namayani na muli ang katahimikan sa pagitan nila.

Nakarating sila ng compound nang tahimik. Matapos nitong ihinto ang kotse nito sa harap ng bahay ay mabilis na siyang nagpasalamat dito at bumaba na.

"Salamat, Bullet," muli niyang sabi at nginitian ito.

Ngumiti rin ito. Sumilay pa ang isang dimple sa kabila nitong pisngi. "Wala iyon. Gusto ko rin naman malaman kung saan ka nakatira."

Magsasalita pa sana siya para tumugon sa sinabi nito nang bigla siyang matigilan. Huminto sa tapat ng bahay ang isang itim na sasakyan—ang kotse ni Rafael.

Mga Comments (4)
goodnovel comment avatar
Anna Fegi Caluttong
naku may pagseselosan na si Rafael
goodnovel comment avatar
JEn Malabonga
thank you author ...
goodnovel comment avatar
Remy Tolentino
selos yarn na ba Rafael?
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status