Share

Chapter Five

TUMATAMA sa kaniyang mukha ang sinag ng araw na tumatagos mula sa puting kurtina ng balkonahe ng kuwarto niya. Sa sandaling minulat niya ang mga mata, langhap agad ni Hannah ang pinaghalong amoy ng piniritong isda at sinangag.

Napangiti siya nang bahagya nang maisip na dumating na si Aling Myrna at nagluluto na ng agahan. Naramdaman niya naman ang pagkalam ng kaniyang sikmura. Ilang araw na kasi siyang hindi nakakakain nang maayos. Kagabi nga'y natulog lang siya na tanging tubig ang laman ng sikmura. 

Ang nakatatawa lang... hindi siya nakararamdam ng gutom kahit ilang araw na siyang walang matinong kain. Mas higit kasi ang sakit na nararamdaman niya sa puso kaysa sa sakit ng tiyan.

Pero lahat ng pait at pighati, mabilis na naglaho nang masilayan niya ang larawang nasa ibabaw ng mahabang drawer sa harap ng kaniyang kama. Kuha iyon noong nabubuhay pa ang kaniyang mga magulang. Noong family day nila sa school isang taon na ang nakararaan. Nakangiti silang tatlo habang nakaharap sa camera.

Sa gitna ng masayang paggunita sa isa sa masasayang alaala kasama ang kaniyang mga magulang, biglang nagbalik sa isipan niya ang nangyari kagabi. Malungkot siyang umiling. Grabe, sinusuhulan na siya ni Rafael, pumayag lang siyang makipaghiwalay rito. Ganoon ito kadesperadong mawala siya.

Tumayo si Hannah at humarap sa malaking salamin sa kanan ng kuwarto niya. Pinagmasdan niya ang sarili habang pinag-iisipang mabuti ang binabalak na gawin. May namumuo nang itim na bilog sa ilalim ng mga mata niya, idagdag pa ang pamumutla ng balat niya.

Bakas na bakas sa kaniyang buong katawan ang madalas na pagpapabaya sa kaniya sa kusina. Tila siya siopao na nasobrahan sa harina. Nalungkot siya nang walang makitang magandang bagay sa kahit na saang parte ng katawan niya. 

Nagpakawala siya nang malalim na hangin bago kinuha ang wallet sa loob ng school bag niya kung nasaan ang calling card na ibinigay sa kaniya ni Attorney Santiago. Mataman niya itong tinitigan bago kinuha ang cell phone na hiniram niya kay Athena.

Sinubukan niyang tawagan ang numero sa calling card, makalipas lamang ang dalawang ring, sinagot din agad ng attorney ang kaniyang tawag. 

"Hello. This is Attorney Santiago. How can I—"

Hindi na niya ito pinatapos na magsalita. "Attorney, pasensiya na po sa abala. Si Hannah po ito," pagsisimula niya habang nakapikit nang mariin.

"Oh, Hannah. Ikaw pala. How are you doing? Is there anything I can help you?"

Humugot ako nang malalim na hangin bago muling nagsalita, "S-si Rafael po... gusto po niyang maghiwalay na kami."

Hindi niya mapigilang hindi sisihin ang sarili. Napakatanga niya kasi. Bakit kailangan niyang umasa sa lalaking katulad ni Rafael? Kung bakit kasi sa dinami-rami ng lalaking puwedeng magustuhan noong bata pa lang siya, si Rafael Alejandro Fernando pa ang minahal niya? Naging madali siguro ang pagdedesisyon niya ngayon sa gusto niyang gawin, kung hindi niya lang ito minahal noon. 

"A-ano pong gagawin ko, attorney?" tila nawawalan ng pag-asang tanong niya sa babaeng abogado.

Ito ang maalam sa batas, kaya naniniwala siya na mas magandang ito ang kausapin. Masiyado siyang natataranta sa mga nangyayari. Hindi niya kayang magdesisyon nang mag-isa.

"I suggest, hija, na pumayag ka na lang sa gustong mangyari ni Rafael," malumanay nitong sagot na ikinatigil niya.

Hindi siya nakapagsalita sa pinaghalong pagtataka at pagkabigla. Hindi niya tuloy alam kung tama pa bang ito ang kinausap niya.

"Kumuha ka na lang ng malaking halaga bilang kapalit, Hannah."

Hindi siya umimik sa mga narinig. Baliktad sa sagot nito ang inaasahan niya at gusto niyang makuha. Nabibili na pala ngayon ng pera ang kasal?

"P-paano po kung hindi ako pumayag? Ano po ba ang magagawa ni Rafael? Ano ba ang mangyayari?" Kahit na katiting lang na pag-asa, gusto niyang kapitan. Ayaw niyang makipaghiwalay kay Rafael dahil natatakot siyang maiwan mag-isa. 

Kahit hindi pag-ibig ang dahilan ng pagsasama nila, ikinasal pa rin silang dalawa. Nakatali na siya rito, sa batas ng mga tao at sa mata ng Diyos. Hindi niya magagawang baliin ang sinumpaan niya sa harap ng altar.

"I don't think you know your husband very well, hija. He's capable of doing things na hindi aakalain ng ibang tao sa paligid niya na magagawa niya. But don't hate him. Mabait na tao si Rafael. Pili nga lang ang mga taong pinapakitaan niya ng kabaitan."

"At hindi ako kabilang sa mga piling taong iyon, ganoon ba? Iyon ba ang gusto nitong sabihin sa akin?" Pinigilan niya ang sarili na isatinig ang nilalaman ng isip.

Hindi pa man siya nakapagsasalita, bigla siyang nakarinig ng paghinto ng isang kotse sa labas ng bahay. Nang maisip na si Rafael iyon ay halos tumalon sa labas ang puso niya.

"Hiwalayan mo na lang siya, hija." Muli niyang narinig ang boses ni Attorney sa kabilang linya.

Ilan sandali pa ay rinig na niya ang pagbukas at pagsara ng pintuan ng kuwarto ni Rafael.

Nalungkot siya sa isiping galing ito kay Samantha. God knows kung ano ang ginawa nilang dalawa.

"Kahit po ano ang piliin ko, pakiramdam ko, talo pa rin ako."

"Kung gano'n, at least, piliin mo ang desisiyon kung saan makikinabang ka."

Iyon ang huli niyang narinig mula sa attorney bago siya tuluyang nagpaalam dito. Ibig bang sabihin, kailangan niya talagang hiwalayan si Rafael?

TANGHALI na nang lumabas siya ng kuwarto. Nakahanda na ang pagkain sa mesa pero ni hindi lumalabas mula sa kuwarto nito si Rafael. Wala rin naman siyang ganang kumain. At saka, nahihiya siya na baka abutan siya nitong lumalamon matapos ng nangyari kagabi. Kung mangyayari iyon, wala na talaga siyang mukha na ihaharap dito.

"Ano'ng pangalan mo, ineng?" tanong ni Aling Myrna sa kaniya habang tinatapos niyang inumin ang malamig na tubig sa basong hawak niya.

"Hannah po, manang," sagot niya rito at nginitian ito.

"Hannah, huwag mo sanang mamasamain itong sasabihin ko."

Bahagya siyang natigilan nang maisip na pagsasabihan na naman yata siya tungkol sa timbang niya o kahit na anong bagay na may kinalaman sa taba niya.

Nagbigay nang mabining ngiti ang matanda. Hindi niya maiwasang hindi ngumiti pabalik dito dahil sa init na nararamdaman niya dahil sa ngiti nito. Iyong ngiting sincere, iyong ngiti ng mga nanay. Ganoon ang ngiti ngayon ng babae.

"Sana sa halip na layuan mo si Rafael, ipakita mo sa kaniya na asawa ka niya. Hindi iyong pareho kayong nagkukulong sa kuwarto ninyo," saglit siyang natigilan sa sinabi nito. "Ang mga lalaki, kapag ipinakita mo sa kanila na mahalaga sila sa 'yo at inaalagaan mo sila, madaling mahuhulog ang loob nila sa 'yo."

Bigla siyang napaisip, sabagay. Ngayon niya lamang napagtanto, reklamo siya nang reklamo, nagde-demand sa isip na ituring siya ni Rafael na parang asawa pero wala naman siyang ginagawa para bigyan ito ng dahilan na tingnan siyang ganoon. 

"Ilang taon kong inalagaan ang batang iyan. Mabait naman iyan, ineng. Bigyan mo lang ng oras," dagdag ng matanda. Kung titingnan ay nasa animnapu na ang edad nito, yaya kaya ito ni Rafael?

Lumakas ang tibok ng puso niya nang biglang bumaba si Rafael mula sa itaas at halata pa sa mukha nito ang pagkaaburido. Dahil sa takot at gulat, nang lumapit ito sa refrigerator ay mabilis siyang napaatras. Kumuha ito ng isang miniral bottle sa loob ng ref. May problema kaya ito? Hindi kasi maipinta ang mukha nito. 

"Get dress. May pupuntahan tayo," malamig nitong wika nang hindi man lang siya tinatapunan ng tingin.

Natigilan siya nang maisip na baka pupunta sila sa judge, o sa mga may kapangyarihan para pilitin siyang pumirma ng kontrata.

Kahit na kinakabahan ay mabilis siyang sumunod sa utos nito. Ilang oras lang ang lumipas ay nasa daan na sila, lulan ng mamahalin nitong kotse at patungo na sa kung saan ito lang ang nakakaalam. Luminga-linga pa siya sa labas ng bintana nang mapansin na ang daan papunta sa bahay ng mga Fernando ang tinatahak nila.

"Ano'ng gagawin natin dito, Rafael?" Halata sa tinig niya ang kaba.

Halos hindi na marinig ang kaniyang boses sa takot na baka bigla itong magalit. Nakakunot ang noo at matalim ang mga titig nito habang nagmamaneho. Ramdam niya ang init ng ulo ni Rafael, para nga itong nag-aapoy sa galit. 

"Nagsumbong ka ba?" pigil ang inis na anas nito.

Agad naman siyang napatingin dito dahil doon. "H-huh?"

"Forget it." Galit na ipinarada nito ang kotse sa labas ng mansiyon ng mga Fernando.

Hindi pa man nakabababa ay nakita na niya si Andrea habang nakatayo ito sa bungad ng malaking pintuan ng mansiyon. Mabilis siyang sumunod kay Rafael.

"Hijo!" baling ng babae sa anak nito. Hinalikan ito ni Rafael sa pisngi at ngumiti naman ito sa kaniya bago lumapit at nakipagbeso. 

"Where is he?" malamig na tanong ni Rafael sa ina. 

"He's in the study room. Kanina niya pa kayo hinihintay ni Hannah." Mabilis na naglakad patungong study room si Rafael.

Malakas naman ang kabog ng dibdib na sumunod siya rito. Ano ba kasing nangyayari? Bakit ba parang may digmaan na magaganap? Pakiramdam niya, anumang oras ay aatakihin siya sa puso dahil sa tensiyon sa paligid.

Huminto sa harap ng malaking pinto ng study room si Rafael. Matapos nitong kumatok nang ilang beses ay binuksan na nito ang pintuan at pumasok. 

"Grandpa," bungad ni Rafael nang tuluyan silang makapasok sa loob ng silid.

Nanuot naman agad sa kaniyang balat ang lamig na dala ng aircon sa loob. Mula sa librong hawak, nakita niyang nalipat ang atensiyon ng chairman sa kanila. 

"Kumusta ka, hija?" 

Baling nito sa kaniya na agad niya naman sinagot. "O-okay l-lang po..." nauutal niyang tugon.

Halos ayaw lumabas ng boses mula sa loob ng bibig niya dahil sa labis na kaba. Tinanguan siya nito at pagkatapos ay saka binalingan si Rafael. Wala naman ka-emo-emosiyon sa mukha ang lalaki.

"Are you treating her right, Rafael?"

Mula sa sahig, mabilis siyang nag-angat ng mukha sa naging tanong ng matanda. Mga ilang minuto rin ang lumipas bago nakasagot si Rafael dito. 

"Yes, grandpa."

Nagyuko na lang muli siya ng ulo at pumikit nang mariin. Gusto niya sanang magsalita at sabihin sa matanda ang tungkol sa planong pagkuha ng divorce ni Rafael para hindi na iyon matuloy, pero laking gulat niya sa mga sumunod na nangyari.

Ang libro na hawak ng matandang chairman kanina ay bigla na lamang lumipad sa ere. Marahas nito iyong ibinato kay Rafael. Mabuti na lamang at mabilis na nakailag sa libro ang lalaki. 

"You're a married man, Rafael! What on earth are you doing with that woman! At hindi ka pa raw umuwi kagabi? You stayed in your mistress' house! Are you out of your mind!" singhal nito kay Rafael, ngunit hindi man lang natinag ang huli sa kinatatayuan. Ni wala itong reaksiyon sa nangyayari. Poker face pa rin ito.

Palakas nang palakas naman ang kabog ng dibdib niya. Sunod-sunod na kirot sa puso ang naramdaman niya dahil sa mga narinig.

Alam na alam niya kung saan natulog kagabi si Rafael. Pero ang marinig ito mula sa ibang tao at makumpirma, masakit pa rin pala.

"How can I leave my company with someone so irresponsible! Kung ganiyan ang istilo mo, puwes!" galit nitong wika at sunod-sunod na napailing, "Hindi na kita mapagkakatiwalaan! Ayusin mo iyan, Rafael!" dagdag pa nito.

Naramdaman niya na lang ang mahigpit na paghawak ni Rafael sa kamay niya. Hinila siya nito paalis nang hindi man lang nagpapaalam sa chairman.

Buong biyahe pabalik ay tahimik lamang sila. Hindi niya rin magawang magsalita dahil alam niyang mas magagalit lang ito sa kaniya. Ang tingin niya ngayon, parang nagliliyab na apoy si Rafael at siya ang gasolina. Alam niyang mas lalo itong magliliyab sa galit kapag nagsalita siya.

Huminto ang sasakyan sa harap ng bahay nila, tahimik siyang bumaba mula sa kotse nito. Pagkababa na pagkababa pa lang ay pinaharurot na nito ang kotse palayo.

Nang gabing iyon, hindi na naman umuwi si Rafael. Marahil ay kasama na naman nito si Samantha. Nang gabi ring iyon, muli niyang nakatulugan ang pagluha nang nag-iisa.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Anna Fegi Caluttong
hay naku Rafael Tama Ang grandfather mo na may Asawa ka na tapos malalaman nila na natulog ka sa kabit mo, dapat itrato mo si Hannah bilang Asawa
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status