Share

Chapter Four

SIMULA nang sabihin ni Hannah kay Rafael na hindi siya papayag sa pakikipaghiwalay nito, mas lalo pa itong dumistansya sa kaniya. Sa loob ng isang linggo, maaga siya kung umalis ng bahay at late na kung umuwi.

Kung sakali mang magtagpo ang mga landas nila sa kalagitnaan ng gabi, para itong walang kasamang tao sa paligid. Para bang hangin lang siya para sa lalaki. Ganoon siya kung ituring ni Rafael. Kaya nagdesisiyon siyang ibaling na lang sa pag-aaral ang buo niyang atensiyon.

Malapit na ang finals nila kaya sinubsob na lamang niya ang sarili sa pagre-review. Kung walang klase, lagi siyang nasa loob ng library at abalang nag-aaral. Naisip na rin niya, kung iintindihin pa niya ang nangyayari sa buhay niya, mapapabayaan niya lalo ang pag-aaral niya. Ito na lang ang tanging bagay na mayroon siya sa ngayon. Hindi puwedeng mapabayaan niya ito.

"Hey, kanina ka pa nandito?"

Mula sa librong binabasa niya, nag-angat si Hannah ng paningin nang marinig ang boses ni Athena. Hinila nito ang upusan sa tapat niya at naupo roon.

"Ni hindi ka man lang nag-lunch." Makikita ang pag-aalala sa mukha ng babae.

Banayad siyang ngumiti at nagkibit ng balikat. "Hindi ako nagugutom, e."

"Girl, condolence pala, ha?" Nahinto siya sa pagbabasa ng libro nang marinig iyon mula kay Athena.

Binigyan niya ito ng malungkot na ngiti bago tumango.  "Salamat," maikli niyang tugon.

Hindi pa man sila nakapagsisimulang mag-usap, dumating naman si Cassandra. Itinaas nito ang isang kamay nang makalapit sa kanila.

"Hey, girls. I've been looking everywhere for the two of you." As usual, masigla ito. Sa kanilang tatlo, ito ang pinaka-jolly.

Si Cassandra kasi ang pinakamaganda at pinakamasayahin sa kanila. While Athena's the most sexy, smart, and the luckiest. Masuwerte sa magulang, sa pamilya, sa pag-aaral, at may boyfriend itong ubod ng guwapo at bait. 

Sila ang mga best friends ni Hannah simula pa noong elementary niya. Kahit papaano ay thankful siya dahil may mga kaibigan siyang katulad nila. Maliban kasi sa mga magulang niya at sa mga librong kinukolekta niya noon, ang dalawa rin ang dahilan kung bakit siya sumasaya. Hindi sila katulad ng ibang babae na mapili sa mga kinakaibigan.

"Hannah, do you want to eat? Let's go. Kumain tayo sa canteen," pag-aaya ni Cassandra nang senyasan ito ni Athena.

Lahat ng bagay, nasasabi niya sa dalawa, iyon nga lang, hindi alam ng mga kaibigan ito ang tungkol sa sitwasyon niya ngayon. Wala silang nalalaman tungkol sa pagpapakasal niya. Ang tanging alam lang ng mga ito ay nag-absent siya ng halos isang buwan dahil sa pagkamatay ng mga magulang niya.

Hindi niya nasabi sa mga ito na nagpakasal siya sa lalaking walang pakialam sa kaniya.

"Hindi ako gutom. Isa pa, kailangan ko mag-review. Almost one month akong nag-absent. Dapat akong bumawi."

Muli na naman niyang naalala ang kaniyang mga magulang. Kung nasa tabi niya lang sana ang mga ito, hindi magiging ganoon kasakit at kahirap ang lahat.

Pinili niyang manatiling tahimik kahit na sunod-sunod ang tanong at pangungumusta sa kaniya nina Cassandra at Athena. Nakokonsensiya nga siya dahil halatang nag-aalala talaga ang mga ito.

Nang sumapit ang hapon ay umuwi siya na laglag ang mga balikat. Pakiramdam niya sa tuwing nasa loob siya ng bahay ni Rafael ay nauupos siya. Nauupos na parang kandilang nakasindi sa buong magdamag, nasa gitna ng dilim habang unti-unting natutunaw.

Mula sa school, kalahating oras ang ginugugol niya sa paglalakad bago makarating sa bahay. Alas-sais na siya kung umalis sa eskuwelahan dahil mas gusto niyang naaabutan ng dilim sa daan. Hindi maliwanag, hindi rin masiyadong marami ang mga tao sa kalye. Walang masiyadong huhusga sa kaniya.

Nang makarating siya sa bahay ay dire-diretso siyang nagtungo sa kusina para uminom ng tubig. Ilang minuto rin siyang nakatanga roon at nag-iisip ng kung ano-ano nang marinig ang pagbukas ng pintuan ng bahay.

Nagulat na lang siya nang makita ang nakangiting mukha ni Samantha. Umaalingawngaw sa katahimikan ng paligid ang tunog ng takong ng suot nitong sapatos. Nakasuot pa ito ng maiksing dress na kulay itim, yumayakap iyon sa magandang hubog ng katawan nito. Kulay itim din ang sandal na suot ng babae na tinernohan ng mga alahas na kulay gold silver. Ang mga labi naman ng babae ay pulang-pula habang punong-puno ng makapal na kolorete ang mukha.

Nakita niya ang paglaho ng ngiti sa mga labi ni Samantha nang makita siya. Agad na umasim ang mukha nito at umikot pa ang mga matang may mapipilantik na pilikmata.

"Ano'ng ginagawa mo rito?" nakamaang niyang tanong. Naisip niya na baka si Rafael ang sadya nito kaya parang kinurot ang puso niya. 

Pero ganoon na lang ang pagkadismaya niya nang makita ang pagpasok ni Rafael mula sa pintuan ng bahay. Nakasuot ito ng suit na may dark blue na blazer. Matikas ang tindig at napakaguwapong pagmasdan. Kung ganoon, magkasamang dumating ang dalawa—magkasama sina Rafael at Samantha.

Napalunok siya nang ilang beses nang makita ang pag-smirk ni Samantha. Waring nang-iinsulto ang bawat tinging ibinibigay nito. Si Rafael naman, malamig ang mga matang nakapukol sa kaniya.

"Baby, hurry up. Nababagot na ako," malanding wika ni Samantha kay Rafael.

Natigilan siya at bahagyang umawang ang bibig nang bigla nitong halikan si Rafael sa labi, sa mismong harap pa niya. Pakiramdam niya ay parang huminto nang ilang segundo ang kaniyang puso. Dampi lang iyon pero hindi man lang nito inisip na nandoon siya?

Napalunok siya nang makita ang pagtapon ng tingin sa kaniya ni Rafael na para bang tinitingnan nito ang reaksyon niya, dahilan upang mag-iwas siya ng mukha. Hindi niya kayang salubungin ang mga mata nito.

"Ano ba, Hannah? Ano naman ngayon kung m********n sila? Ano ka ba ni Rafael? Asawa! Asawa sa papel. In short, kontrabida sa love story nila!" Mariin niyang kinagat ang ibabang labi habang iniisip ang mga bagay na iyon.

Sunod-sunod siyang napalunok matapos marinig ang mga yabag nina Rafael at Samantha patungo sa itaas ng hagdan. Tuluyan nang pumatak ang isang luha sa kaniyang pisngi nang makapasok ang mga ito sa kanilang kuwarto.

Wala sa sariling naibaba niya ang basong hawak na naglalaman ng malamig na tubig. Kung ganoon, hindi ex ni Rafael si Samantha, dahil sila pa rin hanggang ngayon. Hindi naghiwalay ang dalawa kahit nang ikasal na sila ni Rafael.

"Hindi. Hindi ako puwedeng umiyak. Ano bang karapatan ko? Wala!" Pilit niya na lang nilunok ang lahat ng sakit.

Hindi siya puwedeng maging mahina ngayon. Wala na ang mga magulang niya para umalo at umalalay sa kaniya, mag-isa na lang siya. Kaya hindi siya dapat maging mahina na lang lalo na kung sina Rafael at Samantha lang din ang magiging dahilan. 

Nanatili siya sa kusina. Ayaw niyang umakyat sa itaas dahil pader lang ang pagitan ng kuwarto niya at ng silid ni Rafael. Ayaw niyang marining ang kung ano mang milagrong gagawin ng mga ito.

Makalipas ang halos isang oras, habang nakaupo sa harap ng mesa, narinig niya na rin ang muling pagbukas ng pintuan sa kuwarto ni Rafael, at ang pagbaba ng mga ito. Nag-angat siya ng mukha nang makitang tuloy-tuloy lang si Samantha sa paglalakad hanggang sa makalabas ito ng bahay. Samantalang tumigil naman sa bungad ng kitchen si Rafael.

Bumuntong-hininga ito bago nagsalita, "If you change your mind, the contract is inside the drawer beside the bed. Puwede mong ilagay roon ang kondisyon mo, a hundred or half a million, even higher if you want, ibibigay ko ang halagang kailangan mo. Hiwalayan mo lang—" 

"Sinabi ko na, ayokong makipag-hiwalay!" mariin niyang putol sa sinasabi nito habang pinipilit ang sarili na hindi iyakan ang lalaking ito. "Kung para sa 'yo, laro lang ang pagpapakasal, well, para sa akin, hindi!"

Rafael is her first in everything. First kiss, first man to touch her hand, first man to love besides her father. Nawala man ang nararamdaman niya para dito noon, unti-unti na iyon bumabalik ngayon. But she doesn't want him to be just her first, she wants him to be her last. Imposible man pero hindi niya mapigilan ang sarili na umasa. 

Masakit ang pagkawala ng mga magulang niya, pero kahit papaano ay nakatulong sa kaniya ang isiping may makakasama na siya sa pagtanda. Pero hindi ganito, malayo ito sa inaasam niyang happy ending.

Hindi ba puwedeng huwag na lang itong makipag-divorce sa kaniya? Na kahit hindi na siya mahalin ni Rafael, basta pumayag lang itong manatili siya sa buhay nito?

Nakita niya ang pagpakawala nito ng malalim na hangin bago mariing pumikit. Magkasalubong ang mga kilay nito, waring nagtitimpi ng galit. Makalipas lang ang ilang segundo, muli itong nagmulat ng mga mata at tinitigan siya. 

"Fine, you ask for this. Kumain ka na dahil kay Samantha ako matutulog ngayon gabi," matapos sabihin ang mga bagay na iyon na puno ng panlalamig, tuluyan na siya nitong iniwan.

Nakarinig siya ng ingay ng pagbukas ng makina ng sasakyan sa labas, na alam niyang kay Rafael, saka pinaharurot palayo.

Matapos masigurong wala na ang mga ito ay saka niya lang hinayaan na tumulo ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan.

Sino ba kasing niloloko niya? Umaasa pa siya na kahit na kaunti ay magkakaroon ito ng pagmamalasakit sa kaniya. Ni hindi niya nga magawang mahalin ang sarili niya, pagkatapos, mag-e-expect pa siyang may magmamahal sa kaniyang ibang tao.

Nang gabing iyon, natulog siyang umiiyak at nag-iisa sa kuwarto. Magdamag siyang lumuha kaya kinaumagahan, ramdam niya ang pananakit ng namamaga niyang mga mata.

Mga Comments (5)
goodnovel comment avatar
Anna Fegi Caluttong
Ang sakit naman ............ pakawalan mo na Siya Hannah kesa naman lagi Kang nasasaktan ng dahil sa kanya
goodnovel comment avatar
Alyssa Tenorio
Asian na ang karugtong
goodnovel comment avatar
Glecilda San Juan Tagong
update pls
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status