Share

Chapter Seventeen

NAPAPIKIT siya nang mariin habang nasa loob ng shower at hinahayaang dumaloy ang malamig na tubig sa buo niyang katawan.

Hindi mawaglit ni Hannah ang sinabi ni Rafael kanina. Is he serious? Ano na ba ang nangyayari sa lalaking iyon? Una, bigla na lang naging mabait ito sa kaniya. Pangalawa, dinala siya nito sa napakagandang lugar na iyon para daw mag-honeymoon. At pangatlo, ang mga sinabi nito.

Umiling siya bago pumikit at bahagyang tumingala sa shower. Aaminin niya, tumitibok nang malakas ang puso niya dahil sa mga bagay na sinabi nito. Lalo siyang naiinis sa sarili dahil kahit halata nang ginagago lang siya ni Rafael, natutuwa pa siya.

Pero can anyone blame her? May nararamdaman siya noon para sa lalaking pinakasalan niya. Hindi malayong bumalik ang feelings niya rito lalo pa't bumabait na ito.

Kahit na alam niya kung ano talaga ang mayroon sa kanila, kahit na alam niya kung ano talaga ang gusto nito—kung sino talaga ang gusto nito, hindi niya pa rin mapigilan ang hindi umasa.

Napabuga na lamang siya ng hangin bago lumabas ng shower at kumuha ng towel para ilagay sa h***d niyang katawan. Natigilan pa siya nang mapansing halos hindi magkasiya sa katawan niya ang tuwalya nang itapis niya ito.

"Kailangan ko na talagang magpapayat," buntong-hininga niya habang nakatitig sa sariling repleksiyon sa salamin.

5'5 ang height niya kaya kahit papaano, hindi siya nagmukhang gasul kahit mataba siya. Kaso mukhang kaunting kain pa, magmumukha na siyang drum.

Mariin niyang kinagat ang ibabang labi bago nagmadaling nagbihis para makalabas na at matingnan kung ano na ang ginagawa ni Rafael. Lumabas siyang nakasuot ng maong na pants at simpleng black shirt. Sa laki niya, laging extra sizes t-shirt ang sinusuot niya dahil wala namang blouse na magkakasiya sa kaniya.

Hinayaan naman niyang nakalugay ang mahaba at medyo basa pa niyang buhok. Inikot niya ang buong paningin sa loob ng kuwarto pero wala si Rafael sa paligid.

"Nasaan na naman kaya iyon?" tanong niya sa sarili bago nakarinig ng ingay mula sa labas ng silid. Kasabay niyon ang pagkaamoy niya ng nilulutong pagkain. Agad siyang tumungo sa labas ng kuwarto.

"Hey, this is almost ready." Sinalubong niya ni Rafael nang may malapad na ngiti sa mga labi. Kasalukuyan na nitong inaayos ang mga plato sa ibabaw ng lamesa.

Nagpakawala siya ng malalim na hangin. Pakiramdam niya, ilusiyon lang ang mga nakikita niya ngayon. Kumurap-kurap pa siya nang ilang ulit. Is this true? Hindi niya naisip na marunong palang magluto si Rafael. At mas lalong hindi sumagi sa isipan niya na darating ang araw na ipagluluto siya nito.

Hindi siya umimik. Sa halip, lumapit siya sa fridge para sana kumuha ng malamig na tubig. Pilit niyang hindi pinapahalata ang pagtataka niya sa ginagawa ni Rafael, nang bigla na lamang itong pumuwesto sa kaniyang likuran.

Mahina siyang napasinghap. Sa sobrang lapit nito sa kaniya, ramdam niya ang init ng hiningang ibinubuga nito. Mabilis na kumabog ang dibdib niya at para bang anumang oras, aatakihin siya sa puso.

Inabot nito ang coke-in-can sa loob ng fridge. Biglang nanginig ang kamay niya, lalo pa nang lalo nitong ilapit ang mainit nitong katawan sa kaniya.

Mariin siyang pumikit at kulang na lang ay umusal ng dasal, bago mabilis na dumistansya mula kay Rafael. Nagmamadali siyang tumungo sa kabilang parte ng table at naupo sa isang silya roon. Ni hindi niya man lang nakuha ang tubig sa fridge dahil sa matinding panginginig ng katawan.

"Are you okay, Hannah?" Bumaling sa kaniya ang lalaki at pilyong ngumiti. Mariin itong nakatitig sa kaniya.

Sinamaan niya ito ng tingin. Pinaglalaruan siya ng lalaki! Puwes, hindi siya papayag na matapos ang araw na ito, nang hindi nalalaman ang totoong pakay nito.

Nang kumain naman sila, hindi rin siya makapag-concentrate sa kinakain dahil ramdam niya ang mga titig ni Rafael. Para itong apoy at siya ang yelo. Sa bawat paglipas ng oras na kasama niya ito, mabilis siyang natutunaw.

"Bakit kaunti lang ang kinakain mo?" basag nito sa katahimikan.

Nag-angat siya ng mukha at nakita itong mariin na nakatitig sa kaniya. "W-wala lang..."

Alangan naman kasi lumamon siya sa harap nito? Kung hindi ba naman nakahihiya ang tawag sa ganoon, ewan na lang niya kung ano.

"After eating, let's take a quick walk outside. Maganda ang panahon." Ngumiti ito bago bumalik sa pagkain.

Tinitigan niya ito nang ilang segundo. Ano ba talagang balak nito? Hindi talaga siya naniniwala na gusto lang nitong makipag-ayos sa kaniya. Oo, umaasa siya, pero hindi naman siya tanga. Alam niyang may ibang dahilan ang lahat ng ginagawa ni Rafael. Ngayon ang tanong, paano niya ito mapapaamin?

Matapos nilang kumain, lumabas nga talaga sila ng cottage para mamasyal. Nasa tabing-dagat sila naglalakad at patungo na sa mga restaurants at bar ng beach resort. Naghahalo ang kaba at excitement na nararamdaman niya. Ito ang unang pagkakataon na makakasama niya si Rafael na mamasyal, kaya excited siya. Pero kinakabahan din, hindi naman kasi siya sanay sa maraming tao.

"Saan mo gustong pumunta?"

Malalim ang iniisip niya kaya kamuntikan pa siyany mapaigtad nang bigla itong magsalita. Nilingon niya ito. Hindi sila magkasabay na naglalakad dahil medyo dumidistansya siya rito kaya nahuhuli siya.

Nakita niya itong may banayad na ngiti habang naghihintay sa sagot niya. Hindi ba ito napapagod ngumiti? Kung siya ito, baka nangawit na siya kakapanggap.

Minsan, hinihiling niya na sana . . . mabait na lang talaga si Rafael. Para kahit gamitin siya nito para makuha ang kompanya, magiging worth it ang sakit.

"Hannah, hindi ka na nagsalita diyan?"

Bumalik siya sa reyalidad nang marinig ang boses nito. Pilit siyang ngumiti bago nagsalita, "Kahit saan. Ikaw na ang bahala."

Matapos sabihin iyon, bigla na lang itong lumapit sa kaniya at hinawakan siya sa kamay. Agad na nanlaki ang mga mata niya sa ginawa nito. Sinubukan niyang bawiin ang kamay pero mas lalong humigpit ang pagkakahawak nito sa kaniya.

"R-Rafael, sandali!" naiilang niyang sambit. "Pinagtitinginan na tayo ng mga tao, oh. Bitiwan mo ang kamay ko," bulong niya rito dahil nasa kanilang dalawa ang atensiyon ng ilang taong nadaraanan nila.

Nang hindi siya pagbigyan ni Rafael, nagbaba na lamang siya ng mukha dahil sa hiya. Ito ang ayaw niya kaya iniiwasan niyang pumunta sa mga lugar na may maraming tao. Masiyadong judgemental ang iba. Lagi siyang kinukutya ng mga ito.

"What are you doing?" natatawa nitong bulong nang huminto ito sa paglalakad para lingunin siya. Inilapit pa nito ang mukha sa mukha niya kaya awtomatikong namilog ang mga mata niya.

Pakiramdam niya, namumula ang buo niyang mukha dahil sa init ng kaniyang pisngi. Halos isang dangkal na lang ang layo ng mukha ni Rafael sa kaniya!

"Huwag ka ngang magbaba ng mukha." Hinawakan siya nito sa baba at pilit inaangat ang kaniyang mukha.

Pinalis niya ang kamay. "Ano ba? H-huwag mo nga akong hahawakan."

Ngumiti ito. "Heads up, Hannah. Don't mind these people around you. Tandaan mo, kasama mo ang isang Rafael Fernando. Hindi ka dapat nagyuyuko ng ulo kapag ako ang kasama mo." Sinundan nito ng tawa ang mga sinabi.

Biglang umikot ang mga mata niya. "Oo, si Rafael Alejandro Fernando ka, may-ari ng malaking kompanya at kilala sa business world. Pero ako? Wala akong dahilan para magtaas ng noo, pero maraming rason para magyuko ako ng ulo."

May ilang segundo itong hindi nakapagsalita dahil sa mga sinabi niya. Maya-maya ay tumango ito habang nakangiti.

"But you're my wife now. You have every reason to raise your head."

Sa ilang segundo, binalot sila ng katahimikan. Sa sobrang tahimik, kahit ang ihip ng hangin sa paligid ay naririnig na niya.

Malungkot siyang ngumiti bago nagbaba ng tingin. "You wife? Test ba ito? Para makita kung hanggang ngayon, umaasa pa rin ako sa iyo?"

Nakita niya ang bahagyang pagsalubong ng mga kilay nito. Bakas sa mga mata ng lalaki ang pagtataka.

Muli siyang ngumiti. "Saan ba kasi tayo pupunta? Puwede bang bumalik na lang ako sa cottage? Ayaw ko sa maraming tao. Nakakahiya."

Hindi niya alam kung bakit nagagawa na niyang magsalita nang ganoon sa harap nito. Dapat nahihiya siya kay Rafael, pero sa halip, wala na siyang maramdaman ni katiting na hiya rito.

"Kesiyo gusto mo o hindi, asawa na kita. Kapag ako ang kasama mo, ang gusto ko, taas noo kang maglalakad sa harap ng ibang tao."

Hindi niya napigilan ang mariin na paglunok. Seryoso ang mukha ni Rafael, pero hindi niya alam kung bakit parang napakaraming itinatago ng mga mata nito. Sa bawat oras na tititig siya roon, para siyang nakatingin sa nakasaradong pinto. Pakiramdam niya, marami pa siyang malalaman, kung makakapasok lang siya sa mga iyon.

———

"We're here." Bigla itong huminto sa paglalakad at nginitian siya nang malapad.

Ilang minuto na rin ang lumilipas pero nakatulala pa rin siya habang nakatingin sa bangka na gustong sakyan ni Rafael. Ang lalaki naman ay abala sa pakikipag-usap sa isang lalaki.

"R-Rafael?" bigla niyang tawag sa pangalan nito. Kumakabog nang malakas ang dibdib niya.

"Yes, Hannah?" he arched an eyebrow at her.

"D-diyan tayo sasakay?" nababahala niyang tanong habang nakaturo sa puting bangka.

Narinig niya ang mahinang tawa ni Rafael kaya mula sa bangka, nabaling dito ang namimilog niyang mga mata.

"Are you afraid, Hannah Perez?"

"Hindi ba halata! Masiyadong maliit iyang bangka! Paano kung tumaob iyan? Ayoko! Hindi ako sasakay!"

Nakangiti itong lumapit sa kaniya. "Hannah, relax. This is safe. Ako ang bahala sa iyo."

"Siguro ito ang plano mo, simula pa lang, ano? Kaya mo ako dinala rito, para malunod at tuluyan nang mawala sa buhay n'yo ni Samantha!" Marahas siyang umiling. "Ikaw na lang kung gusto mong magpakamatay. May mga pangarap pa ako sa buhay!"

Matapos sabihin ang mga bagay na iyon, magw-walkout na sana siya pero pinigilan naman siya nito. Mahigpit siyang hinawakan ng lalaki sa kamay habang nakangisi.

"Pasensya na kayo sa asawa ko, Mang Ben. This is her first time riding a boat, and it's our honeymoon." Inakbayan siya ni Rafael at pilit inaakay papunta sa bangka. "Hannah, sweetheart, huwag ka nang matakot. I told you, I want to make this day special."

Matapos sabihin iyon ni Rafael sa lalaking ang pangalan ay Ben, na marahil ay ang bangkero base na rin sa kasuotan nitong simpleng puting t-shirt, kupas na pantalon, at sumbrerong buri, ay bigla siyang nakarinig ng mga bulong-bulungan mula sa ibang taong nakarinig sa paligid nila.

"Mag-asawa sila?"

"Asawa niya ang matabang babae na iyan?"

"Sayang!"

"Sir, iyan na pala ang napangasawa mo." Huminto pa sa pagsasalita ang lalaki at pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa. "Aba'y akala namin si Ma'am Samantha ang makakatuluyan n'yo!"

Pareho silang natigilan ni Rafael sa sinabi nito. Hindi siya nakapagsalita habang si Rafael naman, biglang ibinaba ang kamay na nakaakbay sa balikat niya. Pagkuwa'y tumikhim ito at nakangiting pinanood ang ginagawa ng lalaki.

"Halika na," maya-maya'y bigla nitong sabi.

Samantala, natawag na siguro niya ang lahat ng santo sa mundong ibabaw habang nakasakay sila ni Rafael ng bangka. Ang lakas ng tibok ng puso niya habang walang pake na nagsasagwan ang matandang lalaki na maghahatid sa kanila sa isla na gustong-gustong puntahan ni Rafael.

Tahimik naman si Rafael na nakaupo sa harap niya. Wala na itong ibang ginawa kundi pagmasdan siya. Hindi niya mabasa ang ekspresiyon ng mukha nito, basta't nakatitig lang ito sa kaniya. Minsan, kapansin-pansin ang pagtataka nito. Minsan naman, blangko ang buong mukha.

Sa sobrang asiwa niya, siya na lang ang nag-iwas ng tingin. Pinagmasdan niya ang malinaw na tubig-dagat, napalunok pa siya nang maisip na baka bumigay ang bangkang sinasakyan nila dahil sa bigat niya.

Nag-aalalang muli siyang lumingon kay Rafael. Nagtama ang mga mata nila. Matagal din silang nagtitigan bago nito inabot ang mga kamay niya at hinawakan iyon nang mahigpit.

Matagal niyang tinitigan ang kamay niyang hawak nito. Gusto niyang bawiin iyon pero hindi niya magawa. Napapanatag siya sa init na dala ng palad nito.

"Don't be scared," bulong nito bago banayad na ngumiti. Mula sa kamay nila at umangat ang paningin niya sa mga mata nito. "I'm here."

Comments (3)
goodnovel comment avatar
Anna Fegi Caluttong
nakakakilig ka Sana Rafael Kong Wala ka lang balak Kay Hannah, bakit ba pinaparamdam mi pa sa kanya na special Siya sa iyo Kong panahon lang kayo magkakasama
goodnovel comment avatar
Rose Eillen
loslos nmu rafael ......
goodnovel comment avatar
Erica Mae Buemia D
Kilig ako raf!!!...️
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status