Share

Chapter One

"YOU may now kiss the bride!"

Hindi na siya nagulat nang dampi lamang ang ginawad na halik ni Rafael sa kaniya matapos iyon sabihin ng pari. Ni wala itong katiting na kislap o sigla sa mga mata katulad ng ibang lalaking ikinakasal.

Ano nga ba ang in-i-expect niya? Ang matuwa ito o ngumiti nang malapad? Himala na ngang maituturing na pumayag itong makasal sa kaniya.

Humarap si Rafael sa mga taong abala sa pagpapalakpak. Ni wala itong ngiti sa mga labi nito habang nakatingin sa camera. Wala ring makikitang bahid ng kahit na anong emosiyon sa mukha nito. Humarap na rin siya sa mga tao pero nakayuko lang ang ulo—dala na rin ng nararamdaman niyang hiya.

Ilang beses siyang napalunok habang paulit-ulit silang kinukunan ng litrato ng mga mangreretrato. Hindi naman kasi lingid kay Hannah na alam ng mga taong naroon sa loob ng simbahan na wala ni katiting na pagmamahal si Rafael para sa kaniya.

Ang totoo, hindi na iyon kailangan pang hulaan ng mga taong hindi nakakikilala sa kanila. Makikita kasi iyon sa kilos nila ni Rafael. Pero kahit ganoon, hindi pa rin maiwasan ng dalaga ang umasa. Umaasa siyang magbabago ang nararamdaman nito para sa kaniya. Na baka dumating din ang araw na matututunan siya nitong tanggapin.

Wala naman kasing pumilit kay Rafael na magpakasal sa kaniya. Walang pumilit dito na pumunta sa simbahan at mangako ng habang-buhay sa harap ng maraming tao kasama siya.

Nasa tamang edad na ang lalaki. Kung ayaw talaga nito na magpakasal sa kaniya, dapat ay humindi na ito sa umpisa pa lang. Dapat walang kasal na nagaganap ngayon. Dapat wala sila roon.

Assuming man pakinggan, pero umaasa pa rin siya na balang araw, magagawa siyang tanggapin nito. Na makikita siya nito hindi bilang matabang babae, kundi isang babae na karapat-dapat para dito.

Sa isang marangyang hotel ginanap ang reception ng kanilang kasal. Mga malalapit na pamilya, kaibigan at mga kilala lamang sa business industry ang imbitado. Napaka-enggrande ng selebrasiyon. Lahat ay nagsasaya, maliban kay Hannah.

Hindi niya maiwasang hindi makaramdam ng kirot sa puso habang pinagmamasdan ang lalaking pinakasalan niya kanina. Nakangiti itong nakikipag-usap kay Samantha David—isang sikat na Fil-Am model ng bansa at nababalitang ka-live-in ni Rafael noon sa America. Nakapulupot ang dalawang kamay nito sa braso ng lalaki habang siya... naroon at naiwang nag-iisa sa mesa na dapat ay para sa kanila ni Rafael.

Masakit pero nagkasiya na lamang siyang panoorin si Rafael na makipag-usap sa iba. Ang mahalaga sa kaniya ay naroon ito. Sumipot ito sa kasal nila.

Kahit pa parang pinipiga ang puso niya habang tinitingnan ito sa bisig ng ibang babae, pinilit niya ang ngumiti.

Makalipas lang ang ilang minuto ay nakita niyang nagpaalam si Rafael sa mga kausap nito at umalis. Sinundan niya ito ng tingin habang naglalakad ito at nakitang pumasok sa isa sa mga mini bar ng hotel. Hindi niya maiwasang hindi malungkot at magpakawala ng malalim na hangin.

Iginala niya ang tingin sa malaking hall ng Conrad Manila Hotel. Nalulula siya sa nakikitang mga mamahaling dekorasyon. Ang Pamilya Fernando ang gumasto ng lahat para sa kasal nila. Kung hindi siya nagkakamali ay mahigit sampung milyon ang nagastos ng mga ito para lang sa kanilang wedding reception.

Natuon sa mga masasayang guests ang atensyon niya. Marami ngang mga tao sa paligid, pero pakiramdam niya ay nag-iisa siya.

"So, you're the bride." Napapitlag si Hannah sa kinauupuan nang tumambad mula sa kaliwa niya ang nakangiting mukha ng isang babae—si Samantha. May hawak pa itong glass wine sa kanang kamay.

Hindi siya nakapagsalita agad habang nakatitig sa maganda nitong mukha. Makinis ito, maputi, maaring pagkamalang isang anghel dahil sa maamo nitong mukha, pero kung gaano kaamo ang mukha nito, ganoon din kasama ang tingin na ipinupukol nito sa kaniya. Makikitaan ng pang-uuyam ang mga labi nito habang tinititigan siya mula ulo hanggang paa.

"The bride should be the center of attraction on her wedding day. I wonder why you're all alone here? Umalis ba ang groom mo?" sabi nitong may himig ng pang-iinsulto. Nakita niya pa ang palihim nitong pagngisi habang naglalakad papunta sa tabi niya.

Nagbuga ng hangin si Hannah. Hindi naman siya ipinanganak kahapon. Alam na niya ang ganoong mga eksena. Napapanood at nababasa niya ito sa mga telebisiyon at mga romance novels. At dahil ayaw niya ng gulo, pinili niyang manahimik at pabayaan na lamang ito.

Umpisa pa lang ay sira na ang araw ng kasal niya, ayaw niya itong mas lalong masira sa pagpatol sa babaeng nasa kaniyang harap.

"Iha," pareho silang natigilan ni Samantha nang marinig ang boses ng isang babae mula sa kanilang likuran—si Andrea.

"Oh, tita, hey!" Agad na lumapit sa ginang si Samantha at nakipagbeso-beso rito.

Tumayo na lamang siya sa kinatatayuan bilang pagbibigay galang sa presensiya ng babae.

"Hello, Samantha, sweetheart," nakangiting wika ni Andrea at pagkatapos ay ibinaling ang atensiyon sa kaniya. "Iha, where's Raf?"

Natigilan siya sa tanong nito. Nagdalawang-isip siya kung sasabihin sa babae na iniwan siya ng anak nito. Na wala itong pakialam sa kaniya at pinabayaan lang siyang mag-isa.

"Oh, tita, Raf's with his friends. Nagpaalam sa akin kanina. You know, men," sambot ni Samantha at sinundan pa iyon ng tawa. Palihim pa itong sumulyap sa kaniya at ngumiti na parang nang-uuyam.

Para siyang sinampal sa sinabi nito. Wala siyang ibang nagawa kundi ang manahimik at magbaba ng tingin.

"Si Raf talaga. How could he leave you just like that?" naiiling na saad ni Andrea.

Bahagya namang tumawa si Samantha. "I know, tita. Iyon nga rin ang sinabi ko rito kay Hannah. How could Rafael left her all alone in here? Hindi naman iyon ginagawa sa akin ni Rafael dati."

Alanganing ngumiti si Andrea sa tinuran ng babae bago siya tinapunan ng tingin. Pinilit niyang ngumiti upang ipakita rito na ayos lamang siya.

Nilingon niya si Samantha at tinitigan ito nang mataman. Gusto niyang ipaalala rito na kaya hindi ito maiwan-iwan ni Rafael ay dahil nakapulupot ito sa braso ng asawa niya. Pero kapag ginawa niya iyon, alam niyang siya lamang ang magmumukhang kawawa. Kaya pinili na lamang niya ang manahimik.

"Hannah, iha, I'm so sorry. Ako na ang humihingi ng tawad para sa anak ko. Pero can you please go and look for him? May mga bisitang gustong bumati sa inyo. It's your wedding day, pero wala siya rito sa tabi mo." Ilang beses umiling si Andrea habang lumilinga sa paligid. Halata sa mukha ang disappointment.

Napalunok siya sa mga narinig. Ayaw man niya ay napa-oo na lamang siya sa babae. Matapos magpaalam sa dalawa ay nakayuko niyang tinungo ang mini bar ng hotel kung saan nakita niyang pumasok si Rafael.

Habang naglalakad ay nanatili siyang nakatingin sa ibaba. Hindi niya kayang magtaas ng mukha dahil sa mga mapanuyang tingin ng mga tao sa paligid niya.

Hindi niya man naririnig, alam niyang kinukutya siya ng mga ito. Kinakain siya ng takot at insecurities niya. Paano ba naman ay sobrang taba na nga niya, sobrang sikip pa ng suot niyang gown.

Nakasuot siya ng simpleng torrid off-the-shoulder tulle gown na pinasadya pang ipagawa sa isang kilalang designer sa bansa. Pero kulang na lang ay tuluyan itong bumigay at mapunit dahil sa katabaan niya. Nagkaroon kasi siya ng stress-eating bago ang kasal, kaya mas lalo siyang lumaki kaysa sa sizes niya dati.

Wala naman siyang ibang sisisihin kundi ang sarili niya. Paano'y pilit niya ring pinaliit ang sariling tiyan habang kinukuhaan siya noon ng measurements para sa kaniyang wedding gown. Kahit ilang beses pang sinabi ng mananahi na maging komportable lamang siya ay hindi niya ginawa.

Gusto niya kasi, kahit paano ay pumayat naman siya sa mismong araw ng kaniyang kasal. Kaso kabaliktaran ang nangyari.

Makadagdag sa depression niya ang nangyari sa magulang. Malaking impact ang pagkawala ng mga ito sa mental health niya. Hindi niya pa rin matanggap ang nangyari sa kaniyang mga ito, pagkatapos ay ikakasal pa siya sa isang Rafael Fernando. Hindi na niya nakayanan pa ang mga iisipin at idinaan na lamang niya ang lahat sa pagkain.

Nagbuga siya ng hangin nang tuluyang makalabas sa malaking hall. Mabilis niyang nilapitan ang pinto ng mini bar kung saan niya nakitang pumasok si Rafael. Akmang bubuksan na niya ito, pero agad ring natigilan nang dahil sa narinig.

"What the f*ck, man! Are you f*cking serious? Did you see your bride or are you actually blind?"

Kahit walang pangalang binanggit, alam ni Hannah na siya ang pinag-uusapan ng mga tao sa loob.

"Shut up." Bumilis ang tibok ng puso niya nang marinig ang boses ng lalaking pinakasalan niya.

"She's too big. Fuck! Ilang platong kanin ba ang nauubos ng babaeng iyon sa isang araw?"

Nakagat niya ang ibabang labi sa narinig. Gusto niyang umalis doon at maglakad palayo ngunit hindi niya magawa. Tila siya pinako sa kinatatayuan, kaya kahit na ang sakit na ng mga naririnig niya ay nanatili siyang nakatayo sa harap ng pinto.

"Kailangan kong gawin ito."

Muli niyang narinig ang boses ni Rafael.

"So that you can get the company from your lolo. Yeah, yeah, we already know that. But seriously, dude? Kailangan bang sa gano'n? I mean, you can hire someone who can at least satisfy your needs in bed!"

Kasunod niyon ang mga tawanan ng mga lalaking kasama nito sa loob. Hindi na niya napigilan pa ang sunod-sunod na pagpatak ng kaniyang mga luha. Pakiramdam niya ay parang minartilyo ang puso niya. Labis na sakit ang nararamdaman niya sa mga oras na iyon.

"Siya ang gusto ni Grandpa," walang ganang sagot ni Rafael.

"Hey, don't be too harsh on her. She's only nineteen."

Bahagya siyang natigilan at napalunok nang marinig ang isang pamilyar na boses—ang boses ni Tristan. Pinsan iyon ni Rafael at itinuturing niyang isang kuya kaya kilala rin ito ng pamilya niya. Hindi na siya magtataka kung bakit kasama ito ni Rafael ngayon. Maliban kasi sa pagiging mag-pinsan ng mga ito, matalik din silang magkaibigan.

"Nineteen? Jesus Christ! She looks like thirty." Muli iyon nasundan ng malalakas na mga tawanan.

Mabilis niyang tinakpan ang bibig upang pigilin ang sarili na makagawa ng ingay. Iyon na ang ikinakatakot niyang mangyari, ang makarinig ng pangungutya, hindi lang galing sa ibang tao, kundi sa mga taong malapit sa kaniya at sa lalaking pinakasalan niya.

Laglag ang mga balikat na umalis siya sa kinatatayuan at naglakad palayo. Dinala siya ng mga paa niya sa elevator ng hotel. Pumasok siya rito at pinindot ang ninth floor. Nang bumukas ang elevator ay diretso siyang naglakad patungo sa suite ka kinuha ng lolo ni Rafael para sa kanila at nagkulong doon.

Pasalampak siyang naupo sa mahabang puting sofa na nakaharap sa malaking flat screen TV. Tinitigan niya ito bago napabuntong-hininga.

"Ano na'ng gagawin ko ngayon?" mapait niyang tanong sa sarili. "Sana pala sumama na lang ako kina Mama at Papa noong araw ng aksidente, para sana... wala na rin ako ngayon dito."

Bahagya siyang ngumiti at itinaas ang singsing na nasa kaniyang kaliwang kamay—isang classic six-prong solitaire. Isang luha ang tumulo sa kaliwa niyang pisngi.

"Iyon pala ang dahilan... "

Umasa siyang matututunan din siyang magustuhan ni Rafael kapag nagsama na sila. Ipinangako niya sa sarili na magiging mabait na asawa rito para magkaroon ito ng dahilan na matanggap man lang siya, pero matapos ng mga narinig kanina, na ang tanging dahilan pala kaya siya nito pinakasalan ay para makuha ang kompanya ng lolo nito, parang bula na biglang naglaho ang pag-asa niya.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Anna Fegi Caluttong
grabe naman Ang mga kaibigan mo Raf laiitin si Hannah dahil lang ba talaga sa kompanya kaya ka pumayag na maikasal ka sa kanya pwede ka naman magsalita na ayaw mo para hindi masaktan si Hannah sa pinagsasabi ng mga kaibigan at ex mo
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status