Author Bhelle
Sa edad na labing-walo, pinirmahan ni Celestine ang isang kasunduan na babago sa kaniyang buhay habambuhay—ang pakasalan si Liam, ang mayabang at rebeldeng tagapagmana na kailangan lang siyang pakasalan para makuha ang kaniyang mana mula sa nag-aagaw-buhay nitong lola. Ngunit matapos ang mabilis na kasal, lumipad si Liam patungong ibang bansa nang walang lingon-likod, iniwan si Celestine na may bitbit na singsing, isang papel, at ang titulong "asawa" sa pangalan lang.
Limang taon ang lumipas. Bumalik si Liam sa Pilipinas bilang isang ganap at matagumpay na bilyonaryo, handang harapin ang kaniyang buhay nang mag-isa. Ngunit dahil sa isang biglaang karamdaman, napilitan siyang magpatingin sa isa sa pinakasikat na espesyalista sa bansa.
Sa loob ng klinika, hindi ang karaniwang doktor ang humarap sa kaniya. Isang napakaganda, eleganteng babae na may malamig ngunit propesyunal na titig ang sumalubong sa kaniya—si Dr. Celestine. Hindi na ito ang mahiyain at batang babaeng iniwan niya limang taon na ang nakalipas.
Habang nabibighani si Liam sa ganda at talino ng kaniyang doktor, unti-unting bumabalik ang nakaraan. Paano kung ang doktor na nagpapatibok ng kaniyang puso ngayon ay ang mismong babaeng tinalikuran niya noon? At paano niya babawiin ang isang asawang hindi naman niya pinaglaban, lalo na ngayong hindi na siya kailangan nito?
396