Share

Kabanata 10

Noong binuksan ni Marcus ang pinto, nakita niya si Cordelia na lumabas mula sa kusina dala ang dalawang plato.

Puno ng pag-aalala ang kanyang mukha noong una, ngunit pinalitan niya ito ng isang ngiti noong nakita niya si Marcus. Sa kasamaang-palad, mukhang pilit ang ngiti niya.

Umupo si Marcus sa may mesa pagkatapos niyang maghugas ng kamay. Buong araw siyang nagsanay, kaya pagod na pagod siya. Nakakatakam ang mainit na mga pagkain. Dinampot niya ang kubyertos niya at nagsimula siyang kumain, habang nakaupo naman sa harap niya si Cordelia.

"Anong nangyari?" Tumingin siya kay Cordelia.

Napatalon si Cordelia ngunit bahagya siyang umiling.

“Kung ganun, kumain ka na.” Nilagyan ni Marcus ng karne ang kanyang plato. “Mabubusog ka ba kung tititigan mo lang yung pagkain?”

Niyuko ni Cordelia ang kanyang ulo ng nakatikom ang kanyang mga labi. Wala talaga siyang ganang kumain. Tumunog ang kanyang phone, at nakita niya na may message sa kanya ang kapatid niya, si Carter Irwin.

[Ate, kailan namin makukuha yung pera para sa pagpapagamot ni mom? Ititigil ng doctor ang pagbibigay ng gamot sa kanya kapag hindi tayo nakapagbayad!]

Naramdaman niya na sumikip ang kanyang dibdib at napatingin siya sa drawer sa loob ng kwarto. Nilagay niya ang mga alahas na binigay sa kanya ni Marcus doon. Malamang malaki ang halaga ng pulseras na ‘yun na gawa sa ginto at jade…

“Ano bang gumugulo sa isip mo?” Biglang ginulo ng isang malalim na boses ang kanyang isipan.

Natauhan si Cordelia at bigla siyang napatingin sa mga mata ng lalaki. Hindi niya napigilang magulat. Sa hindi malamang dahilan, hindi siya mapakali sa tuwing mapapatingin siya sa mga mata ni Marcus dahil sa kakaibang pakiramdam na nagmumula sa kanya.

“Wala…” Ang sagot ni Cordelia.

Binaba ni Marcus ang kanyang kubyertos, at kakaiba ang tingin niya kay Cordelia. “May gusto ka bang sabihin sa’kin?”

Natatarantang umiling si Cordelia, ngunit hindi nagmamadali si Marcus. Tinitigan niya si Cordelia ng ilang oras bago siya tumawa at nagpatuloy sa pagkain. Dahil ayaw niyang sabihin sa kanya, hindi na siya magtatanong. Isang araw, siguradong bibigay din ang babae.

Napakahirap ng gabing iyon para kay Cordelia. Paulit-ulit niyang binasa ang text ni Carter at nag-isip siya ng iba’t ibang paraan upang kumita ng pera, ngunit walang anuman sa mga ito ang aabot upang matulungan sila. Malabo na siyang makabalik sa mga Jenner at humingi ng pera, kaya ang tanging solusyon na lang na naiisip niya ay…

Dahan-dahan niyang sinara ang pinto at binuksan niya ang drawer upang kunin ang kahon. Kumikinang ang mga alahas sa ilalim ng liwanag ng buwan. Dinampot niya ang pulseras at nag-alinlangan siya ng matagal. Sa huli, maingat niya itong binalot at nilagay niya ito sa kanyang bulsa.

“Hmm, maganda ‘to,” ang sabi ng empleyado ng jeweler, at nakangiti siyang tumango. “Miss, medyo luma na ang disenyo ng pulseras mo, pero isa itong classic at maganda ang kalidad nito. Bihira ang makakita ng isang alahas na may napakagandang kalidad ng ginto at jade sa panahon ngayon.”

“Kung ganun, magkano ‘to?” Tumingin sa kanya si Cordelia ng may pag-asa.

“Gusto mo itong isangla?” Ngumiti ang empleyado at dinala niya siya sa isang kwarto sa loob.

May ilang mga propesyonal na kagamitan sa mesa, at umalis agad ang empleyado pagkatapos niyang pakiusapan si Cordelia na maghintay sa loob ng kwarto.

Umupo si Cordelia at tumingin siya sa paligid. Hindi niya inasahan na ganito kagarbo ang jeweler na ito. Sa katunayan, hindi siya gaanong umaasa bago siya pumunta dito. Mukhang medyo luma na nga ang pulseras, at malabong binigyan siya ni Marcus ng mamahaling alahas base sa sitwasyon niya.

Nakakagulat na pinakiusapan siya ng empleyado na maghintay.

Hawak niya ang pulseras sa kanyang kamay, pinaglaruan niya ito at tumayo siya at nagpalakad-lakad siya sa loob ng kwarto habang nag-aalinlangan.

Lingid sa kaalaman ni Cordelia, ang bawat galaw niya ay binabantayang maigi ng surveillance camera.

“Mr. Bayer, ito ang heirloom ng Hamerton family… Gusto mo bang dalhin ko dito ang babae ngayon?”

Isang pares ng mga mata ang nakatutok sa screen ng computer sa likod ng maluwag na work desk. Mapaglaro ang ngiti sa kanyang gwapong mukha, at sumandal ang lalaki at pinagkrus ang kanyang mga binti sa mesa. Naningkit ang kanyang mga mata, at nakangiti niyang sinabi na, “Hindi natin kailangang magmadali. Tingnan muna natin kung anong mangyayari!"

“Pero paano kung ninakaw niya ‘yun?”

“Malabo.” Pinaglaruan ni Josiah Bayer ang kanyang lighter at sinindihan niya ang kanyang sigarilyo.

“Ang dinig ko kinasal daw si Z. Malamang ito ang asawa niya. Heh, para iwan niya ang isang napakahalagang bagay sa kanya… Malamang hindi naisip ni Z na dadalhin niya ito dito!”

“Anong susunod nating gagawin, Mr. Bayer?”

“Sabihan mo yung tao natin na bigyan siya ng presyo. Simulan natin sa $150,000!”

Binati ng empleyado si Cordelia sa gitna ng pag-aalala niya. Ngumiti ang empleyado habang sinasabi niya sa kanya na, “Miss, pagkatapos ng aming professional assessment, pwede mong isangla ang pulseras na ito sa halagang $150,000.”

May matining na tunog sa mga tainga ni Cordelia habang nakatulala siya.

$150,000? Hinawakan niya ang pulseras at mukhang namomroblema siya.

Higit pa sa inaasahan niya ang halaga nito, at kailanman ay hindi sumagi sa isip niya na ganito kalaki ang halaga ng alahas na ito! Sa halagang $150,000, hindi lang niya mababayaran ang kasalukuyang medical fees ng nanay niya kundi mababayaran din niya ang mga susunod. Magagawa din niyang ipadala sa mas magandang paaralan si Carter.

Gayunpaman, ito ang regalo ni Marcus sa kanya sa kasal nila.

Bahagyang sumimangot si Cordelia. Bigla niyang naalala kung ano ang itsura ni Marcus noong inabot niya sa kanya ang kahon ng alahas.

“Ito ang lahat ng mayroon ako, at ibibigay ko ang lahat ng ito sa’yo. Ikaw na ang bahala sa tahanan natin mula ngayon.”

Kinagat niya ang kanyang labi, at inatake siya ng konsensya niya. Binigay sa kanya ng lalaki ang lahat ng mayroon siya, at ganito niya susuklian ang sinseridad niya?

“Miss, hindi ka ba masaya sa presyo?” Nagtanong ang empleyado ng nakangiti. “Pwede nating pag-usapan ang presyo. Bakit hindi mo tingnan ang record namin, at pwede mo itong pag-isipan bago—”

“Hindi ko ito ibebenta!” Tumayo si Cordelia at mabilis niyang binalik ang pulseras sa loob ng kanyang bag.

“Uh…”

Bago pa makakilos ang empleyado, nakatakbo na siya palabas ng jeweler at naglaho sa maingay na kalye.

“Huh, hindi niya binenta?” Isang nang-aasar na boses ang nagmula sa upper floor ng jeweler.

Agad na lumingon ang empleyado upang yumuko at magalang na batiin ang lalaki. “Mr. Bayer!”

Naningkit ang mga mata ng lalaki. Mayroong mapaglarong ekspresyon sa kanyang gwapong mukha habang nakaupo siya sa sofa at may tinawagan siya sa kanyang phone.

“Z, alam mo ba na pumunta sa’kin ang asawa mo para isangla ang family heirloom mo?”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status