Share

Chapter 5: Calls

Ang magaang pakiramdam habang kasama si Sir ay muling naging mas mabigat noong hindi na. Pagsara ng pintuan ng condo ay nilamon ako ng tahimik na paligid. Tuloy-tuloy akong pumasok ng kwarto. Pahigang bumagsak sa kama. Ilang saglit na tinitigan pa ang mapusyaw na puting kisame. Napabuga na ako ng hangin upang lumuwag ang paghinga. Nilalamon na naman ako ng lungkot.

"Wala naman siguro akong dapat na ipag-alala, di ba?" bulong kong umayos na ng higa, inilagay ang braso sa noo. Maya-maya ay dumapa ako.

Inabot ko ang cellphone na nakapatong sa tabi ng table upang magtipa ng message. Sinabi ko lang naman kay Sir na mag-iingat siya pauwi. Binitiwan ko rin iyon matapos na mai-send ang message. Umayos na ako ng higa. Kinuha na ang unan at niyakap iyon. Mamaya pa niya ito mababasa kaya malamang ay mamaya pa rin siya magre-reply. Pagdating niya pa ng bahay. Hihintayin ko na lang.

"Mahal niya ako. Tatlong taon na rin ang relasyon namin. Dapat na magtiwala lang ako sa kanya." patuloy na pagkumbinsi ko sa sarili.

Nang hindi na mapalagay ay bumangon ako at nagtungo ng kusina. Kumuha ng maiinom upang kalmahin ang mas gumulo kong isipan. Maraming mga negatibong bagay ang mga naiisip ngayon. Sumandal pa ako sa counter habang tangan ang baso. Ipinilig ko na ang ulo upang iwaglit ang mga iyon. Ganun na lang ang bilis ng takbo ko pabalik ng silid nang marinig na mayroong tumatawag. Ang una kong naisip ay ang boyfriend ko iyon, ngunit mali pala ako. Matapos damputin at sipatin ay nakita kong si Mommy lang ang tumatawag.

"Yes, Mom?"

Ayoko sanang sagutin kaso ay kailangan.

"Hindi ka pa ba uuwi ng bahay, Glyzel?"

Kinagat ko ang pang-ibabang labi. Alam ko ang tono ng boses niyang ito. Parang nagagalit siya.

"Mom, narito lang naman ako sa condo ko—"

"I know that, ang ibig kong sabihin ay wala kang planong umuwi at kumuha ng mga pagkain dito para dalhin diyan? Tandaan mong umalis ka ng wala man lang paalam sa akin, Glyzel."

"Nagpaalam naman ako kay Daddy, ang sabi ko ay sabihin sa'yo na aalis ako." pilit na katwiran ko dahil iyon ang totoo, "Nakalimutan siguro niyang sabihin sa'yo, Mommy." pahabol kong paliwanag.

"Wala siyang sinabi sa akin."

"Mommy—"

"Ano pang ginagawa mo? Umuwi ka dito sa bahay ngayon din mismo! Ayokong makakarinig sa'yo ng kahit anong reklamo. Umuwi ka ngayon sa bahay, period." patuloy pa niyang halatang bad mood.

Itinikom ko na ang bibig. Kapag ganito ang tono niya ay wala akong magiging panalo sa kanya. Kahit mag-rason ako, matatalo pa rin ako sa dulo. Pabagsak na akong naupo sa may gilid ng kama.

"Okay Mom, uuwi na. Magbibihis lang ako."

"Bilisan mo, Glyzel. Hihintayin kita."

Matapos noon ay namatay na ang tawag niya. Bantulot akong lumakad patungong wardrobe. Humugot na doon ng aking ipapalit na damit. Napalingon ako sa kama at halos mag-apoy ang mga paa palapit sa cellphone nang muli na namang tumunog iyon. Subalit kulang na lang ay ibato ko iyon nang makita na si Mommy na naman ulit ang tumatawag. Ano ba naman iyan?

"Mom? Magbibihis pa lang ako—"

"Huwag ka ng pumunta dito. Ang lakas ng ulan. Kami na lang ng Daddy mo ang pupunta riyan."

Sa narinig ay para akong nabunutan ng tinik. Awtomatikong binitawan ko ang hawak na damit. Bumagsak iyon sa sahig pero hindi ko pinulot.

"Kailan?"

"Ngayon na, hintayin mo kami sa ibaba. Busy na kami simula bukas kaya ngayon na pupunta."

"Okay, Mom. Hihintayin ko kayo ni Dad sa ibaba."

Nang muling mamatay ang tawag ay pahiga na naman akong bumagsak sa ibabaw ng kama. Yumundo lang iyon sa bigat ng katawan ko. Nang muling tumunog ang cellphone ay sinagot ko ito nang hindi tinitingnan ang caller kung sino sa pag-aakalang si Mommy na naman iyon ulit.

"Hello? What else do you want to say, Mom?"

"Tumawag sa'yo ang Mommy mo?"

Napabalikwas na ako ng bangon. Nagkukumahog na iyong tinanggal sa tainga upang makita lang na si Sir pala ang kausap ngayon at di si Mommy. Umayos ako ng upo. Umubo-ubo pa upang mas maging malinaw ang boses ko.

"Oo, sorry, akala ko ay si Mommy ulit ang kausap."

Pagak itong tumawa. Narinig ko ang pagsara ng pintuan ng sasakyan sa kabilang linya at ilang segundo pa ay ang pamilyar na beep na noon.

"Bahay na ako."

"Ah, biglang umulan hindi ka ba na-traffic?"

"Hindi naman. Ano pa lang sabi ng Mommy mo?"

Naulinigan ko na ang maingay na mga hakbang niya. Naglalakad na siya papasok ng bahay.

"Pinapauwi ako ng bahay. Pinapakuha ng pagkain. Tapos sabi maya-maya ay huwag na raw at sila na lang ni Daddy ang pupunta dito. Ihahatid nila."

Tumayo na ako. Pinulot ang damit na binitawan ko kanina at dinala na sa lalagyan upang ibalik ito sa hanger. Nasa tainga ko pa rin ang cellphone.

"Sige, tawagan na lang ulit kita mamaya."

"Okay, bababa rin ako ng lobby para salubungin sina Mommy."

"Okay, bye!"

Hinintay ko na mag-ilove you siya pero wala. Bigla na lang niyang pinatay ang tawag nang di iyon sinasabi. Bumagsak ang balikat ko. Nagtatampo.

"Ano ka ba naman Glyzel, ang simpleng bagay lang huwag mo ng palakihin. Sige, awayin mo."

Napasimangot na ako. Samantalang iyong iba ang sweet sa bawat isa. Palaging may i love you sa dulo ng conversation nila bago e-end ang tawag. Isa ito sa disadvantage ng mas matanda ng lalake. Sa sobrang pagiging matured ay hirap na para sa kanilang kalooban na bigkasin iyon.

"Hays, ang hirap!" bulalas kong hindi malaman kung dapat pa bang iparating ko ito sa kanya.

Nang tumawag si Mommy ay hindi na rin ako bumaba. Sila na rin ni Daddy ang umakyat dito.

"Saan galing itong bulaklak?" puna ni Mommy nang masulyapan ang bouquet na nasa gilid.

"From someone, Mommy."

"Naku, Glyzel unahin mong hulmahin ang future mo bago ang love love na iyan ha? Maraming lalake. Hindi ka mauubusan. Baka mamaya pa ay pinapabayaan mo na rin ang pag-aaral mo!" sermon nitong nakapameywang pa sa akin.

Tapos na niyang ayusin ang mga pagkaing dala sa fridge. Sinulyapan ko si Daddy na naiiling lang.

"Mahal, bulaklak pa lang naman. Kung e-judge mo ang anak mo e parang nahuli mo sa akto. Malay ba nating may nag-abot lang talaga sa kanya?"

Napakagat na ako ng labi. Kung malalaman nila na may boyfriend na ako, tapos dito pa iyon natulog kagabi ay paniguradong hindi lang pingot sa tainga ang aabutin ko kay Mommy. Baka pa ay tanggalan ako nito ng allowance at i-grounded.

"Huwag mo ngang kampihan iyang anak mo!" asik ni Mommy kay Daddy na agad itinikom ang bibig. "Kaya naman tumitigas ang ulo kasi kakampi ka."

Malambing na niyakap na siya ni Daddy. Ganun lang naman ang dalawa. Mabunganga si Mom pero kaunting lambing lang ni Dad, okay na lahat.

Hindi na rin sila nagtagal na dalawa. Wala pa yata na isang oras mula ng dumating ay umalis na rin. Inihatid ko sila sa ibaba. Tumila na ang ulan na di naman gaanong lumakas. Pagbalik ko sa itaas ay naalala ang cellphone na na-ichapwera kanina.

"Wala man lang siyang text sa akin kahit isa? Sabi niya ay saglit lang." dismayadong taob ko dito.

Kumuha ako ng ice cream sa cup at naupo saglit sa kusina upang ubusin iyon. Nang muli itong tumunog ay excited na itinihaya para makita lang na hindi si Sir iyon. Si Shanael ang tumatawag. Malamang ay para makibalita ang babaeng ito.

"Hmmn?" sagot kong tangay ang kutsara.

"Kumusta ang puso mo?"

Napairap ako sa kawalan. Halatang bored ito kaya marahil ay tinawagan niya ako. Usually di naman siya mahilig tumawag nang tumawag sa amin.

"Ayos na. Nagkausap na kami."

"Anong paliwanag niya?"

"Hindi ko naman sinabi ang tungkol doon."

"Ano? Bakit hindi? Ang seryosong case noon—"

"Baka tinatakot lang ako ng mother niya—"

"Kaya nga mas dapat niyang malaman para ma-itama niya kung mayroong mali doon."

Palaaway talaga itong babaeng ito! Gusto pa akong hawahan. Kaya siya walang boyfriend eh.

"Ano ka ba naman Girl? Huwag mong hintayin na mas malala ang sumunod para magsumbong."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status