Share

Chapter 6

"Bakla ka! Saan ka ba nagpunta kagabi at bigla kang nawala? Hinintay pa naman kita upang sabay tayong umuwi." Bungad sa kanya ni Barbie nang maabutan niya ito sa may kanto. Kakauwi lang kasi niya galing sa pag-uusap nila ni doc Lance.

Pagod siyang umupo sa tabi nitong bangko. Nunca niyang sasabihin dito ang nangyari sa kanya kagabi.

"Pasensya na. Umuwi kasi agad ako eh."

"Hindi ka papasok ngayon?"

Umiling si Jillian. "Pass muna ako ngayong gabi. Masama kasi ang pakiramdam ko."

Hindi na nagkaroon pa ng lakas ng loob si Jillian na bumalik sa club. Natatakot siya na baka makita niya muli doon ang lalaki.

"Oo nga pala," anito saka nagkalkal sa dala na bag. "Eto, pinapaabot ni Madam Lucille. Bigay daw ng customer mo sa VIP kagabi."

Kinuha niya ang makapal na sobre na inaabot ni Barbie sa kanya. "P-Pera?"

"Buksan mo kaya?"

Tumambad nga kay Jillian ang isang makapal na bungkos ng malulutong na tig-iisang libo. Napalunok siya at tiningnan si Barbie na nakatingin sa kanya. "Para sa akin ito?"

"Oo nga. Bigay ng customer mo kagabi."

"Wow," mahina niyang usal habang tinatantya ang pera na hawak niya.

"150k lahat iyan. Binilang ko na para sa iyo," hagikgik ng kaibigan niya. "Oh diba. Sinabi ko naman sa iyo na tiba-tiba ka kapag tinawag ka na doon sa itaas."

Napangiti siya. "Salamat, Barbs."

"Ay, bakit ka nagpapasalamat sa akin? Ganda mo iyan. Malaki iyan na puhunan."

Hindi lubos akalain ni Jillian na bibigyan siya ni sir Zimmerman ng ganito kalaking tip dahil lang sa pakikipag-usap niya dito. Napailing siya. Iba talaga ang mga mayayaman.

Malaking pera ang hawak niya pero barya lang ito sa laki ng halaga na kailangan niya. Saan ba siya kukuha ng instant na pera? Isangla kaya niya ang lupa at bahay nila sa bangko?

Ganon nga ang ginawa niya kinabukasan. Hawak ang titulo at ilan pang mga legal na dokumento ay tumulak siya sa isang kilala at malaki na bangko upang magtanong.

Nagtatalo pa ang isip niya kung tama ba itong gagawin niya.

"Miss. Pwede ba kitang makausap?"

Binalingan ni Jillian ang lalaking bigla na lang na sumulpot sa gilid. Mabilis siyang lumayo sa lalaki at pinagmasdan ang suot at kabuoan nito. Para itong... butler. Mukha naman itong matino kaya kinausap niya ito.

"Bakit po?"

"Pwede ba kitang maimbintahan sa loob ng sasakyan namin? Gusto ka raw na makausap ni miss Madison."

"Madison? Sino iyon?"

"Amo ko po."

Sinundan ng tingin ni Jillian ang nakalahad na kamay ng lalaki sa nakaparadang mahabang sasakyan sa gilid ng kabilang daan. Ano nga ba ulit ang tawag sa ganong klase ng sasakyan? Limo? Limousine?

Biglang bumukas ang bintana nito at iniluwa noon ang dalawang sosyal at magagandang babae. Seryoso na nakatingin sa kanya ang isa habang ang isa naman ay malawak ang pagkakangisi at kumakaway pa sa kanya.

Binalingan ulit ni Jillian ang lalaki. "Bakit daw niya ako gustong makausap?"

Weird. Anong kailangan ng mga sosyal na iyon sa maralitang tao na kagaya niya? May ipapatumba ba ang mga ito sa kanya?

"May ipapagawa raw siya sa iyo kapalit ng malaking halaga."

Literal na lumaki ang tenga niya sa narinig . Ito na ba ang sagot sa mga dasal niya?

"Ano raw ang ipapagawa niya?" nagdududa niyang tanong.

"Hindi ko po alam. Mas mabuting siya po ang tanungin niyo."

Hanggang sa namalayan na lang ni Jillian ang kanyang sarili sa loob ng magara at mamahalin na sasakyan. Amoy mayaman ang sasakyan na nahaluan ng mumunting amoy ng sigarilyo. Bahagyang madilim ang loob pero maliwanag pa rin niyang nakikita ang dalawang babae sa kabilang parte ng upuan.

Nagkatitigan lang silang tatlo. Kinukwestyon tuloy ni Jillian ang sarili kung bakit ang dali niyang pumayag na sumama sa mga ito. Dahil ba sa matinding pangangailangan? Umuusad na ang sasakyan at hindi niya alam kung saan sila pupunta.

Tumikhim ang babaeng may maikli na buhok, iyong kumakaway kanina sa kanya. Sobrang ganda ng mga ito sa malapitan. Ang kikinis ng mga balat. Halatang alagang-alaga ng mga ito ang katawan hindi tulad niya na ni pagsuklay man lang ng buhok ay hindi niya magawa.

Sa mga pagkakataon na ito ay napapatanong talaga siya kung bakit hindi pantay-pantay ang mga tao. May mayaman, may mahirap. May sobrang yaman pero meron din namang sobrang naghihirap. Bakit ganun? Bakit hindi pantay ang mundo? Bakit kailangan nilang mamobrema sa kung ano ang kakainin nila sa sunod na araw? Bakit ang mga mahihirap pa ang nagkakasakit? Dahil ba samot sa pera? Hindi maalagaan ang sarili?

Naputol sa pag-iisip si Jillian nang muling tumikhim ang babae.

"What is that?" turo nito sa envelope na nasa kandungan niya. "Mag-aaply ka ba ng trabaho?"

Umiling siya. "Titulo ng bahay at lupa namin," diretso niyang sagot. Nakakaangat man sa buhay ang mga ito kaysa sa kanya pero hindi niya ipapakita na pwede siyang maliitin ng basta-basta lang.

"Huh? Saan mo yan dadalhin?" tanong pa nito kahit na alam niyang hindi naman talaga ito interesado. Bakit hindi na lang nito deretsuhin kung ano ba talaga ang pakay nito sa kanya? Ngunit kahit ganun ay sumagot pa rin siya.

"What? Isasangla mo ang bahay at lupa niyo? Saan mo ba panggagamitan ang pera?" kunwari ay concern pa nitong tanong.

Kumunot na ang noo ni Jillian. "Bakit hindi niyo na lang sabihin kung ano ang kailangan niyo sa akin? Madami akong ginagawa at wala akong oras na makipagkwentuhan sa inyo," diretso niyang sinabi.

"She's right. Sabihin mo na kung ano ang gusto mong sabihin, Madison. Para kang tanga riyan sa ginagawa mo," segundo naman ng kasama nito.

Malakas na humalakhak si Madison. Bagot lang ito na tiningnan ni Jillian. Iba talaga ang trip ng mga mayayaman.

"I like you," anito sa kanya habang kinakalma ang sarili. Maya-maya ay biglang sumeryoso na ang mukha nito. "Pero sana ay ganyan ka pa rin kaangas kapag sinabi ko kung ano ang ipapagawa ko sa iyo."

"Ano ba kasi iyon?"

Nagsalin ito ng alak sa baso at inalok siya pero agad niya iyong tinanggihan kaya ito na ang uminom doon.

"Kilala mo si Paxton?"

Kumunot ang noo niya. "Sinong Paxton? Wala akong kilalang ganun. Bakit? Ipapatumba mo ba siya sa akin?"

Humalakhak ulit si Madison na parang naaaliw sa mga pinagsasabi niya.

"No dear. Hindi ko siya ipapatumba," anito na tumatawa.

"Eh ano nga? Pwede bang diretsuhin mo na?" napipikon na niyang tanong.

Binatukan naman ito ng kasama. "Umayos ka nga, Mads. Sabihin mo na kasi ang pakay mo."

"Okay." Umayos ito ng upo. "You see, ikakasal na siya nitong mga susunod na araw. Pero ayaw ko na mangyari iyon. At dito ka na papasok. Gusto kong sirain mo ang kasal nila. Gawin mo ang lahat upang wasakin silang dalawa."

"Iyon lang ba?" aniya. Oo at nagulat siya sa sinabi nito pero madali lang naman iyong gawin. Pupunta lang pala siya sa simbahan at sisigaw ng 'Itigil ang kasal!'. Mas madali iyon kaysa sa iniisip niyang papatayin niya ang Paxton na sinasabi nito.

Tinaasan siya ng kilay ni Madison. "Kaya mo ba?"

"Oo naman. Ano ba ang mahirap doon?"

Seryoso siyang tinitigan ni Madison. "You don't understand anything, do you? Since you don't know anything about Paxton, I will give you a little overview. He is the most influential bachelor in the country. Bilyon-bilyong business worth corporation ang nasa ilalim niya. Sobra siyang makapangyarihan na pwede ka niyang ipapatay din mismo sa araw na guluhin mo ang kasal niya. And heck, that bitch that he's about to marry came from a powerful family too. Sisirain mo ang kasal ng dalawang malaking personalidad. Now, sasabihin mo pa bang madali lang ang pinapagawa ko?"

Dumaan ang mahabang katahimikan sa pagitan ng dalawa. Mataman na tinitigan ni Madison si Jillian, tahimik na umaasa na hindi ito umayaw. Iilang tao lang ang hindi nakakakilala kay Paxton at isa na ang babae na kaharap niya. Tama lahat ang mga sinabi niya pero hindi pa iyon ang buong detalye. Ang iba nga, kapag marinig lang ang pangalan ni Paxton ay tumatakbo na palayo dahil alam ng lahat kung ano ang kaya nitong gawin. Kapag umayaw itong babaeng kaharap niya ay mahihirapan ulit siyang makahanap ng iba. Kailangan niya ito. Wala na siyang oras pa na maghanap ng bago.

Hindi naman inaasahan ni Jillian na ganun pala kapanganib ang gagawin niya. Pero ito lang ang nakikita niyang solusyon sa problema sa pera. Mapupulot siya sa kangkunan kapag pinakawalan pa niya ito.

Hays.. Bahala na!

"Magkano ba ang ibabayad mo?" tanong niya kay Madison.

Ngumisi ito ng malawak at kulang na lang ay magtatalon sa tuwa. "Name your price, honey."

Tumaas ang kilay niya, hindi inaasahan ang naging sagot nito. Ngunit hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa at taas noong nagsalita.

"100 million. Isang daang milyon kapalit ng kaligtasan at buhay ko."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status