Tahimik sa loob ng sasakyan.
Tanging ugong ng makina at malambot na tunog ng ulan sa labas ang bumabasag sa katahimikan naming dalawa. Sa tabi ko, si Nikolas—nakasandal, kalmadong-kalmado, habang ang tingin ay nakatuon sa basang kalsada sa labas ng tinted na bintana.
Ako?
Parang hindi ko alam kung saan ko ilalagay ang sarili ko. Sa kamay ko, nakapatong ang paper bag ng mamahaling boutique. Ilang oras lang ang nakalipas, ako ‘yong babaeng halos kainin ng hiya sa harap ng mga tindera—at siya, ang lalaking nagbayad ng lahat na para bang binibili rin pati dangal ko.
Nilunok ko na lang ang lahat.
Ang tingin ng mga tao. Ang bulungan. Ang bigat ng pagmamataas ni Nikolas habang inaabot sa cashier ang black card niya.
At ngayon, parang wala lang lahat ‘yon sa kanya.
Muling umihip ang malamig na hangin sa loob ng kotse.
Tumingin siya sa akin—’yong mga mata niyang parang walang nakikita kundi laruan.
“If there’s anything else you want,”
sabi niya, malamig, halos may bahid ng ngiti sa labi.
“Don’t hesitate to ask. I don’t want you to feel deprived.”
Parang may sumabog sa dibdib ko.
Hindi ko alam kung galing ‘yon sa hiya o galit—o baka pareho.
Pinilit kong itaas ang tingin ko sa kanya, kahit nanginginig pa ang kamay ko.
“Masaya ka na ba ngayon?”
mahinahon kong tanong, pero bawat salita, may halong poot.
Ngumiti siya. ‘Yong tipo ng ngiting hindi mo alam kung insulto o pang-akit.
“You tell me,” sagot niya, sabay abot ng tingin na parang hinuhubaran na naman ako ng lakas ng loob.
At sa loob ng sasakyan, sa gitna ng ulan, mas malinaw kong naramdaman—
na hindi pera o kasunduan ang gusto niyang ipamukha sa akin.
Kundi kung gaano niya kayang bilhin ang lahat
Tahimik lang si Nikolas matapos kong itanong kung masaya na ba siya.
Akala ko tapos na ang usapan, pero hindi ko na kayang lunukin pa ‘yong bigat sa dibdib ko. Para bang kung hindi ko sasabihin ngayon, sasabog na lang ako sa loob ng sasakyan.
“Hindi ko naman sinabi na bilhin mo ‘ko ng gano’n,”
sabi ko, halos pabulong noong una, pero unti-unting tumalim ang tono ko.
Tumingin siya sa akin, dahan-dahan, parang natutuwa pa sa ginagawa kong pagbitaw ng salita.
“Bakit mo ‘to ginagawa, ha?”
patuloy ko, ramdam ko na nanginginig na ang boses ko sa galit.
“Ano bang gusto mong ipamukha? Na kaya mong bilhin lahat ng gusto mo, pati ako?”
Sandali siyang natahimik. Nakapikit siya habang hawak ang tulay ng ilong niya, parang pinipigilan ang sarili niyang mapangiti.
“Laura—”
“At isa pa!”
Agad kong pinutol ang salita niya.
“Marami naman akong damit sa bahay namin. Bakit hindi na lang ‘yon ang kunin mo? Mas comfortable ako don, kasi pinaghirapan ko ‘yon. Hindi tulad nito…”
Hinila ko ang paper bag sa kandungan ko at itinabi sa upuan, para bang isang bagay na gusto kong ilayo sa sarili ko.
“…hindi tulad nitong binili mo para lang ipamukha na wala akong halaga.”
Tahimik.
Pero hindi ‘yong uri ng katahimikang mapayapa — kundi ‘yong nakakabingi, na parang may paparating na bagyo.
Nakatingin lang siya sa akin, malamig, hindi umiimik.
Pero sa likod ng tingin niyang ‘yon… alam kong may kung anong delikadong bagay na gumagalaw.
“You’re testing me,”
mahinang sabi niya, halos bulong, pero ramdam kong mabigat ang bawat titik.
“And I don’t think you understand what that means.”
At bago pa ako makasagot, naramdaman kong dahan-dahan siyang lumapit.
Ang bawat pulgada ng pagitan namin, nababawasan —
hanggang sa maramdaman ko na ulit ‘yong presensiya niyang kayang pumatay ng hinga.
Lumalapit siya.
Unti-unti, hanggang sa maramdaman ko na ang init ng hininga niya sa balat ko.
Hindi ko alam kung saan ako titingin—sa mga mata niyang walang bakas ng awa, o sa labi niyang halos dumampi na sa akin.
“You’re getting brave, aren’t you?”
mahina niyang sabi, halos parang biro, pero ang tono… mapanganib.
“But tell me, Laura…”
Itinaas niya ang kamay niya, hinaplos ang gilid ng mukha ko gamit ang hintuturo.
Hindi marahas, pero sapat para manigas ako sa kinauupuan.
“Do you remember the rules?”
Parang may malamig na tubig na ibinuhos sa buong sistema ko.
Napahigpit ang hawak ko sa laylayan ng damit ko.
Ayokong ipaalam sa kanya na natakot ako, pero hindi ko rin kayang magsinungaling sa nararamdaman ko.
“Stop talking when I tell you to,”
patuloy niya, mahina lang, pero parang mismong hangin ay sumunod sa utos niyang ‘yon.
“You signed for that, didn’t you?”
Hindi ako nakasagot.
Nakatitig lang ako sa kanya, habang unti-unti niyang ibinaba ang kamay niya, dumulas iyon mula sa pisngi ko hanggang sa baba.
Bahagya niya itong tinaas, pilit na itinuwid ang mukha ko para magtagpo ang mga mata namin.
“Then why are you still arguing?”
Hindi ko alam kung dahil sa takot o sa kung anong pwersa mula sa kasunduang pinasok ko, pero kusang nanahimik ang bibig ko.
Para bang bawat salitang gusto kong bitawan ay natunaw sa pagitan naming dalawa.
Tahimik.
Mabigat.
At sa loob ng sasakyan, tanging ang mahinang paghinga naming dalawa ang naririnig.
Ngumiti siya—mahina, pero nakakalason.
“Good girl,”
sabi niya bago siya bumalik sa pagkakasandal,
parang walang nangyari.
At ako, nanatiling tahimik.
Galit, pero walang magawa.
At doon ko lang muling naalala—
na sa pagitan naming dalawa, kahit anong tapang ko…
hindi ako kailanman malaya.
Tahimik pa rin sa biyahe.
Wala ni isa sa aming nagsalita matapos ang huling sinabi ni Nikolas.
Ako, nakatingin lang sa labas ng bintana—sa mga dumadaang ilaw, sa unti-unting pagdilim ng langit, at sa sarili kong repleksyon na parang hindi ko na kilala.
Ilang oras pa bago kami makarating.
At nang mapansin kong lumihis na kami mula sa kalsadang may mga ilaw ng siyudad, napalunok ako.
Ang daan ay paliko-liko, pataas, at habang lumalalim ang gabi, lalong nagiging madilim ang paligid.
Hanggang sa sa wakas, may sumalubong na malawak na lupaing nakatago sa gitna ng mga puno.
Doon nakatayo ang isang malaking gate—itim, bakal, at may ukit ng simbolong hindi ko maintindihan.
Dalawang bantay ang nakapwesto ro’n, parehong naka-itim at seryoso ang mukha.
Habang bumabagal ang sasakyan, sinulyapan ko ang paligid.
Walang ibang bahay. Wala ring kalsadang daan pabalik.
Tanging makitid na daang pinanggalingan namin, paikot at palusong, ang tangi kong nakita.
‘Tandaan mo ‘to, Laura,’
bulong ng isip ko habang pinagmamasdan ang bawat detalye ng paligid—
ang gate, ang mga bato sa gilid ng kalsada, ang matandang punong nakayuko sa likod ng poste ng ilaw.
Kung sakaling kailangan kong lumabas…
dapat alam ko kung saan dadaan.
Pagkapasok namin sa loob ng gate, unti-unting bumungad ang mansion.
Malaki. Mataas. Parang kastilyong itinayo para itago ang mga lihim ng may-ari nito.
Ang mga bintana ay mahahaba at makitid, at ang bawat ilaw na nagmumula ro’n ay tila mas malamig pa kaysa sa gabi sa labas.
Tumigil ang sasakyan sa mismong harap ng malaking pinto.
Hindi ko napigilang huminga nang malalim bago siya bumaba.
Binuksan ni Nikolas ang pinto sa gilid ko, at sandali kaming nagtagpo ng tingin.
“Welcome home,”
mahinang sabi niya.
Pero sa tono ng boses niya, parang isa iyong babala.
Pagbaba ko ng sasakyan, hindi ko na hinintay pa si Nikolas.
Diretso lang akong naglakad papunta sa loob ng mansion, kahit ramdam kong nakasunod ang tingin niya sa bawat hakbang ko.
Malawak ang pasilyo, marmol ang sahig, at sa bawat hakbang ko ay kumakalat ang tunog ng takong ko sa katahimikan.
Kasunod ko ang dalawang babae—parehong nakayuko, dala-dala ang mga paper bag at kahong punô ng mga binili niya para sa akin.
Hindi ko sila kinausap.
Ayoko.
Ayokong marinig pa ang kahit anong paalala ng hiya at pang-aalipustang tinanggap ko kanina.
Pagdating sa silid ko, agad kong binuksan ang pinto.
Pumasok ako nang walang imik, at nang mailapag na ng mga babae ang lahat ng gamit, bahagya silang yumuko bago tuluyang lumabas.
Hindi pa man nagsasara ang pinto, agad ko na itong nilock.
Huminga ako nang malalim, saka isa-isang pinulot ang mga paper bag.
Lahat ng damit, sapatos, at alahas na binili ni Nikolas—pinagsama-sama ko.
Isiniksik ko lahat sa isang malaking cabinet sa sulok ng kwarto.
Para sa akin, hindi ‘yon mga regalo.
‘Yon ay mga paalala kung paano niya gustong kontrolin ako.
At habang maingat kong sinasara ang pinto ng cabinet, mahigpit ang pagkakahawak ko sa seradura.
“Hindi ko ‘to isusuot,”
mahinang bulong ko, pero puno ng paninindigan.
Lumapit ako sa malaking bintana.
Binuksan ko ito saglit—sinilip ang dilim sa labas.
Tahimik ang buong lupain, pero pakiramdam ko… may mga matang nakatingin.
Kaya agad ko itong isinara, nilak ang trangka, at ibinaba ang kurtina hanggang sa wala nang puwang para makasilip ang liwanag ng labas.
Umupo ako sa gilid ng kama.
Mabigat ang dibdib ko, pero malinaw ang nasa isip ko:
hindi ako magpapatalo.
Hindi ako ‘yong tipo ng babaeng uupo lang at hihintayin kung anong kapalaran ang ibibigay sa kanya.
Kung gusto niya akong ikulong dito…
kailangan ko lang alamin paano lalabas.
At sa gabing iyon, habang ang buong mansion ay nilalamon ng katahimikan, sinimulan kong isipin ang plano.
Isang plano para makaalis.
Isang paraan para matakasan si Nikolas Valente.
Tahimik lang akong nakaupo sa gilid ng kama, nakatanaw sa sahig na parang may sagot doon sa lahat ng problema ko. Ang bawat segundo ay parang kalaban—bumibigat, bumabagal, at pinapaalala sa’kin na isa akong bihag sa lugar na ‘to.
Paano ako makakatakas?
Ilang beses ko nang inikot sa isip ang mga paraan. Tumakas sa gabi? Hindi pwede—may mga bantay sa paligid. Tumawag ng tulong? Wala akong telepono, at kahit meron man, sigurado akong kontrolado rin ‘yon ni Nikolas. Magkunwaring sumusunod? Baka iyon ang tanging paraan.
Pero… hindi sapat.
Kung gusto kong makaalis, kailangan kong mag-isip ng mas matalino kaysa sa kaniya. At iyon ang pinaka-nakakatakot—dahil si Nikolas Valente ay hindi basta lalaki. Isa siyang halimaw na marunong ngumiti, at bawat galaw niya ay parang chess move na matagal nang pinag-isipan.
Huminga ako nang malalim.
Naalala ko ang tatay ko—kung paanong kahit sa maliit naming bahay, palagi siyang may plano. “Laura,” sabi niya noon, “kung gusto mong manalo, huwag kang tumakbo palayo. Gamitin mo ang isip mo hanggang siya mismo ang kusang lumayo.”
At doon ako natauhan.
Hindi ko kailangan tumakas.
Kailangan niya akong ayawan.
A slow smile crept on my face—mahina, pero puno ng apoy. Kung kaya niyang kontrolin ang lahat, kaya ko rin siyang paikutin sa paraang hindi niya aakalain. Gagamitin ko ang mismong damdamin niya laban sa kaniya.
Hindi ako lalayo.
Gagawin kong ako mismo ang gusto niyang iwasan. Kailangan kodin makapasok sa opisina mo para makuha ang kontrata.
Ngayon lang ako muling nakaramdam ng ganitong tiwala sa sarili—parang sa wakas, ako naman ang may hawak ng tali.
At habang lumalalim ang gabi, habang ang buwan ay nagkukubli sa mga ulap, nagpasya akong simulan na ang laro.
Kung gusto mo ng kasunduan, Nikolas Valente… oras na para bayaran mo ang sarili mong mga tuntunin.
Tahimik ang buong mansion.
Tanging tunog lang ng mga hakbang ko sa marmol na sahig ang naririnig habang dahan-dahan akong naglalakad sa mahabang hallway. Ramdam ko ang lamig ng hangin na parang may mga matang nakamasid sa bawat galaw ko. Hindi ko alam kung anong nagtulak sa akin, pero habang iniisip ko ang paraan ng pagtakas, parang kusa akong nadala ng mga paa ko sa direksyon ng opisina ni Nikolas.
Ang corridor na iyon ay laging may bigat. Parang bawat pintuan ay may tinatagong kasalanan. At doon, sa dulo, sa ilalim ng malambot na liwanag ng chandelier, nakita ko siya.
Si Nikolas.
Naka-upo siya sa likod ng malaking desk na gawa sa madilim na kahoy. Naka-bukas ang ilang papel sa harap niya, at hawak niya ang isang itim na ballpen, mabilis ang galaw ng kamay sa pagsusulat. Sa kabilang kamay naman, may hawak siyang basong may usok pa—kape, halatang mainit pa.
Tahimik akong tumigil sa may sulok ng hallway, halos pigilan ang hininga ko. Ang liwanag mula sa bintana ay tumama sa gilid ng mukha niya—ang matalim niyang panga, ang bahagyang pagkakunot ng noo, ang mapupungay pero mapanganib na mga mata na nakatutok sa dokumentong hawak niya.
Ibang-iba siya rito.
Tahimik akong nakatayo ro’n, nakasilip sa bahagyang bukas na pinto ng opisina.
Hindi ko alam kung gaano na ako katagal na nakatitig sa kanya—sa paraan ng paggalaw ng kamay niya, sa bawat tiklop ng papel, sa malamig na konsentrasyon sa mukha niya na parang walang puwang para sa kahit anong damdamin.
Ang bawat segundo, parang hinahatak ako papalapit.
May parte sa’kin na gustong makita kung ano ang binabasa niya—baka iyon na ‘yong kontratang kailangan kong makuha. Pero bago ko pa magawa ang kahit anong hakbang, may marahang tunog na pumutol sa katahimikan.
Krrr—
Isang banayad na tunog ng tsinelas sa marmol.
Napalingon ako, agad kong nakita ang isang matandang babae sa dulo ng hallway—isa sa mga kasambahay. May dala itong maliit na basket ng mga bulaklak, halatang papunta rin sa direksyon ng opisina.
Agad akong nanlamig.
Dahil ilang segundo lang, napansin kong bahagyang gumalaw si Nikolas sa loob—parang may narinig din siya. Dahan-dahan siyang tumigil sa pagsusulat, itinaas ang ulo niya.
Mabilis kong nilapitan ang matanda bago pa ito tuluyang makalapit sa pinto.
Hinila ko siya palayo, mahigpit pero maingat, halos hindi makapaniwala sa kaba ng sariling dibdib.
“Ay, Miss laura—!” bulong ng matanda, gulat na gulat.
“Shh…” mabilis kong sabi, halos pabulong, habang marahan kong itinulak ito pabalik sa may corridor.
“Wala ‘yon, halika muna rito. Ah… ano nga bang hapunan ngayon?”
Halatang naguluhan ang matanda, pero agad din itong sumagot, marahang nakatingin sa akin.
“Ginagawa pa lang po sa kusina, señorita. Pinapalambot pa ‘yong karne.”
Tumango ako, pilit ang ngiti, kahit ramdam ko pa rin ang tibok ng puso ko na parang sasabog.
“Ah, ganon ba? Sige, tutulungan na lang kita.”
“Po?”
“Tutulungan kita sa paghahanda,” ulit ko, medyo mas malakas na ngayon ang tono, pilit na natural. “Mas okay ‘yon kaysa tumambay lang ako sa kwarto.”
Sandali pa ay parang nagduda pa ang matanda, pero nang magtagpo ang tingin namin, marahan na lang itong tumango.
“Kung ‘yan ang gusto n’yo, Miss laura.”
At bago pa man muling mabaling ang atensyon ni Nikolas sa tunog sa labas ng opisina, mabilis na kaming lumakad ng matanda palayo ro’n.
Tahimik kaming bumaba sa hagdan, bawat hakbang ay maingat, hanggang sa marating namin ang kusina.
Pagdating doon, sumalubong sa amin ang amoy ng bawang at sibuyas na niluluto, ang mahinang tunog ng kumukulong sabaw sa malaking kaldero, at ang mga bulungan ng dalawang batang katulong na abala sa paghahanda ng mesa.
Huminga ako nang malalim.
Sa wakas, nakalayo rin ako sa hallway na ‘yon—at sa mga matang kayang tumagos kahit hindi nakatingin.