Nanginginig ang mga daliri ko habang hinahawakan ang itim na ballpen na ibinigay sa akin ng receptionist. Tatlong beses ko nang binasa ang pangalang isinulat ko sa application form, pero pakiramdam ko ay mali pa rin ang bawat titik. Jandie Montecillo. Isang napakasimpleng pangalan, para sa isang napakasimpleng buhay na pinaghirapan kong buuin at ingatan sa loob ng limang mahabang taon sa isang malayong probinsya, napakalayo sa magulong siyudad ng Maynila. Pero ngayong pinilit ako ng sitwasyon na bumalik at humarap sa mundong ito, pakiramdam ko ay isinusubo ko lamang ang sarili ko sa mismong nagliliyab na bunganga ng bulkan.
"Ms. Montecillo? Ikaw na po ang susunod sa loob," basag ng receptionist sa katahimikan ng malawak na hallway habang nakangiti nang tipid sa akin.
Tumango ako kahit parang may matigas na bagay na bumabara sa lalamunan ko na nagpahirap sa akin para lumunok. Huminga ako nang malalim, pilit pinapakalma ang mabilis at marahas na kabog ng dibdib ko na parang gustong kumawala sa rib cage ko.
Kailangan mo ito, Jandie, paulit-ulit kong ibinubulong sa aking sarili habang pinapaalala sa isip ko ang mukha ng kambal kong naghihintay ng hapunan sa aming munting apartment.
Para sa kanila ito. Kailangan mong kumita ng disenteng pera para sa kinabukasan nila. Kakayanin mo ito para sa mga anak mo.
Dahan-dahan kong itinulak ang mabigat at mamahaling salamin na p***o ng V&F Corporation.
Pagpasok ko sa loob ng executive conference room, sinalubong agad ako ng malamig na simoy ng hangin mula sa aircon na kabaligtaran ng nag-aapoy na kaba sa katawan ko, pati na rin ng mga matang mapanuri ng tatlong interviewers sa mesa. Ngunit hindi iyon ang nagpatigil sa paghinga ko. Sa gitna ng mahabang marmol na mesa, nakaupo ang nag-iisang lalaking nagmamay-ari ng buong imperyong ito, ang lalaking limang taon ko nang pinilit ibinaon sa pinakamalalim na hukay ng limot.
Si Archiemedes Villa Forca.
Mas lalo siyang tumangkad, mas pumayat, lumalim ang mga mata, at mas naging matalim ang panga kumpara noong huli ko siyang makita sa gitna ng luha at pagtataboy. Ang dating malamig na awtoridad na kinatatakutan ng lahat sa industriya ay mas lumala pa; parang wala na itong kahit anong bakas ng awa o emosyon sa mukha. Ang itim niyang suit ay perpektong bumagay sa madilim, seryoso, at mapanganib niyang mukha habang naka-de-kwatro habang binabasa ang hawak niyang resume ko.
"Jandie Montecillo," pagbasa niya sa pangalan ko gamit ang malalim at baritonong boses na nagpaginig sa buong sistema ko.
Sandaling huminto ang mundo ko. Aaminin kong nagulat ako dahil hindi ko inaasahang siya ang may-ari ng kumpanya. Wala sa hinagap ko na muling magku-krus ang aming mga landas pagkatapos naming maghiwalay.
"Five years gap sa career mo. After graduating magna cum laude at working as an executive assistant to... well, a confidential high-profile post, bigla kang naglaho na parang bula sa dating trabaho mo. Bakit kaya? At saan ka nagtago?"
Tumagos ang malamig at matalim niyang tingin sa akin, direkta sa mga mata ko na parang sinusuri kung nagsisinungaling ba ako o nagsasabi ng totoo. Pakiramdam ko ay hinuhubaran niya ang buong pagkatao ko at binabasa ang bawat sekreto ko sa simpleng titig na iyon.
"May mga personal na rason po ako, Sir," mahina kong sagot, pilit pinatatag ang boses ko kahit kitang-kita ko ang panginginig ng mga tuhod ko sa ilalim ng mesa.
"Nagdesisyon po akong umuwi para alagaan ang pamilya ko noon."
"Family?" sarkastikong ngumiti si Archie pinaikli sa pangalan niya, isang ngiting walang kahit anong saya kundi puro pait, pagdududa, at galit.
"O, dahil may tinatakasan kang kasalanan? Sa industriyang ito, ang mga tumatakas ay walang nararating na mabuti. Pero sige, titingnan natin kung hanggang saan ang tapang mo."
Wala akong nagawa kundi ang yumuko. Hindi ko masabi sa kanya ang totoong dahilan. Hindi ko masabi na ang dahilan ng pagtakas ko noon ay ang labis na takot na baka malaman niyang may iniwan akong piraso ng pagkatao niya sa sinapupunan ko bago kami tuluyang nagkasira at nagkahiwalay.
"Tanggap ka," biglang sabi niya na ikinagulat ng dalawang kasama niyang HR manager sa gilid.
"Mag-uumpisa ka ngayong Lunes bilang isa sa mga senior administrative assistants sa main executive floor. Don't disappoint me, Ms. Montecillo. Dahil alam mo naman kung paano ako magparusa sa mga empleyadong inutil."
Doon nagtapos ang interview sa akin, ni hindi na niya ako pinagsalita pa. Na para bang naririndi siyang marinig ang aking tinig.
Paglabas ko ng gusali, sinalubong ako ng napakainit na sikat ng araw sa Maynila, pero ang pakiramdam ko ay parang binuhusan ako ng isang balde ng yelo. Napaatras ako nang bahagya at napahawak sa aking dibdib habang iniisip ang posibleng mangyari kapag nalaman niyang ang babaeng pinakawalan at kinamumuhian niya noon ay narito na ngayon sa mismong teritoryo niya.
Pag-uwi ko sa aming maliit at simpleng apartment, sinalubong agad ako ng kambal ko na sina Liam at Lianne. Si Lianne ay masayang nagpapakita ng iginuhit niyang bulaklak, habang si Liam naman ay seryosong nagbabasa ng isang lumang libro sa gilid ng mesa.
"Mommy! Bakit ang tagal mo po?" tanong ni Lianne habang yumakap nang mahigpit sa baywang ko. "May pasalubong ka ba para sa amin?"
Napangiti ako nang mapait sabay haplos sa manipis at malambot na buhok ng aking anak.
"May trabaho na si Mommy, mga anak. Makakabili na tayo ng masasarap na pagkain sa susunod."
Habang pinapanood ko silang maglaro sa sahig, lalo akong kinabahan at gabi-gabing natatakot.
Kamukhang-kamukha ni Liam ang tatay niya—mula sa hugis ng mga mata, ang tindig, hanggang sa paraan ng seryoso nitong pagtitig kapag nag-iisip.
Paano kung magtagpo ang landas nila sa opisina? Paano kung makita ni Archie ang mukha ng bata at magpagtagpi-tagpi ang mga kwento?
Nanginginig pa rin ang mga kamay ko habang inihahanda ko ang hapunan naming tatlo. Habang sinusubuan ko si Lianne, hindi mawala sa isip ko ang mga titig kanina ni Archimedes Villa Forca.
Ang mga matang iyon ay nagtataglay ng galit na hinding-hindi ko kailanman malilimutan. Limang taon na ang nakalipas, pero parang kahapon lang nang isumpa niya sa mukha ko na hinding-hindi na niya ako mapapatawad pa.
"Mommy, malungkot ka ba?" tanong bigla ni Liam habang tinititigan ako nang diretso sa mga mata. Ang sobrang seryoso ng ekspresyon niya ay para bang nakatingin ako sa mini version ng CEO na nag-interview sa akin kanina.
Agad kong pinilit ngumiti at umiling.
"Hindi, anak. Pagod lang si Mommy sa biyahe."
"Don't worry, Mommy. Kapag lumaki na ako, aalagaan na kita at hindi na kita hahayaang mapagod nang ganyan," seryosong wika ni Liam na nagpangiti sa akin nang may kasamang kirot sa dibdib.
Kung alam mo lang, anak, ang lalaking kinatatakutan ko ngayon ay ang mismong nagmamay-ari ng kalahating dugo na nananalaytay sa mga ugat mo.
Nang makatulog na ang kambal sa maliit naming silid, naupo ako sa gilid ng kama at tinitigan sila habang mahimbing na humihinga. Ramdam ko ang bigat sa dibdib ko.
Paano kung bukas, sa unang araw ko sa opisina, ay bigla niya akong utusan na lumapit nang malapitan? Paano kung isang araw ay matuklasan niya ang tungkol sa kambal? Malaman niyang nagkaanak pala kaming dalawa na hindi niya alam?
Tumayo ako at lumakad patungo sa bintana, tinitingnan ang mga ilaw ng syudad sa labas. Ang Maynila ay puno ng mga taong nagtatago ng sikreto, at isa na ako doon. Isang simpleng empleyado na nagpapanggap na matapang, kahit ang totoo ay nanginginig na sa loob.
Kinuha ko ang cellphone ko sa bulsa at tiningnan ang mensahe mula sa HR.
Report to the 45th floor by 8:00 AM.
Napakagat labi ako, kinapa ko ang dibdib na nagsisimula na namang kabahan. Wala na akong kawala.
Handa na ba talaga ako sa mundong sasalubong sa akin bukas? Sa mundong pinamumunuan ng lalaking sinira ko at sinira rin ang puso ko?
Habang humihinto ang bawat ihip ng hangin sa gabi, isa lang ang alam ko: ang labang ito ay para sa kambal ko. Kahit anong lamig ng mga mata ni Archie, kahit anong hirap ng tadhana, kakayanin ko. Dahil kung susuko ako ngayon, wala nang matitira sa mga anak ko.
Kaya bukas, hinding-hindi ko ipapakita sa kanya na mahina ako. Haharapin ko ang ex-boss ko, ang ama ng mga anak ko, kahit pa alam kong ang bawat hakbang ko sa kumpanyang iyon ay paghakbang papasok sa mismong hukay ng sarili kong kapahamakan.
Kinabukasan.
Maaga akong gumising kahit puyat ako kagabi sa kakaisip ng mga posibleng mangyari sa hinaharap. Saka, kailangan naming mag- adjust na mag- iina dito sa Maynila. Kahit papaano ay nagpapasalamat pa din ako sa mga blessings na natanggap ko pagbalik namin dito. Nakahanap ako ng magandang day care center na pupuwede sa kambal. Plus natanggap din ako sa trabaho nga lang...nilaro na naman ako ng tadhana dahil pagmamay-ari iyon ng lalaking limang taon mahigit kong kinakalimutan.
"Ang aga mong bumangon anak," boses ni Inay ang siyang narinig ko galing sa kwarto nito.
May dalawang kwarto ang apartment na nakuha ko, mabuti na lamang din at mabait ang may-ari. Nginitian ko si Inay, siya ang kasama ng kambal sa buong maghapon. Iniwan namin sina Sanyata at Miko sa probinsya dahil may kapwa trabaho na ang mga ito. Pero gusto ng dalawa na magtrabaho sa Maynila kaya sabi ko hahanapan ko sila ng trabaho dito.
"Maupo na po kayo Inay, natimplahan ko na kayo ng kape. Sabay na din po tayong kumain at baka mamaya magising na yung dalawang kulit!" Magiliw kong sagot kay Inay.
Tumawa nang bahagya si Inay na galing na sa paghilamos at pagmumog. Lumapit na siya mesa habang ako naman ay kumukuha ng kanin at pritong tuyo saka prito ding talong. Ang inihanda ko namang ulam ng kambal ay nilagang itlog na may kasamang pritong saging.
"Hindi naman makulit ang kambal, madaldal lang. Hindi nga sila nakakapagod na bantayan at alagaan eh!" Pagtatanggol ng Inay sa kambal kong anak.
Ngumiti ako. "Hmmm... paborito niyo kasi sila Inay kaya niyo nasasabi 'yan." Pabiro kong tugon.
"Naku hindi! Totoo ang sinasabi ko, Jandie sa mura nilang edad matured na sila kung mag- isip." Giit pa ng Inay.
"Sige na nga po, mabait na sa mabait ang mga apo niyo!" Natatawa ko namang turan.
Kita ko ang saya sa mukha ni Inay dahil totoo ang sinabi niya sa akin. Simula't sapul hindi naging problema ang kambal ko. Siguro noong ipinagbubuntis ko sila oo, pakiramdam ko problema sila. Subalit nang masilayan ko na sila, nang mahawakan ko na ang kanilang maliliit na kamay...iisa lang ang naipangako noon. Na mamahalin ko sila, aalagaan nang husto at gagabayan hanggang sa kanilang paglaki. Dahil sila ang buhay ko, sa kanila umiikot ang aking mundo. Ipinagtabuyan man ako ng kanilang ama noon, dumaan man ako sa matinding pagsubok at hinagpis nawala ang lahat ng iyon nang dumating sila sa buhay ko. Tama lang ang naging desisyon ko noon...ang huwag silang ipalaglag.
"Sabi mo natanggap ka ng sa kumpanyang inaplayan mo. Kumusta naman ang magiging boss mo, mabait ba?" Biglang tanong ni Inay.
Napaubo ako nang sunod-sunod.
"Bakit ka ba nasamid?" Tanong pa ng Inay.
"W-Wala po Inay! Oho, mabait po siya." Pabigla kong sagot.
Katunayan Inay..siya ang ama ng kambal ko.
Iyon ang gusto ko sanang idagdag sa sinabi ko kay Inay. Subalit pinigilan ko ang aking sarili, dahil nang umuwi ako sa probinsya sinabi kong nag-asawa ng iba ang boyfriend ko. Nang malaman kong buntis ako, hindi sila nagtanong tinanggap nila ako nang buong-buo.
"Mabuti naman kung mabait ang magiging amo mo, anak. Hala, gumayak ka na at ako na ang bahala sa kambal kapag nagising sila!" Masayang tugon ni Inay.
Nalulungkot akong hindi ko na masyadong maaasikaso ang kambal ko. Pero para din sa kanila ang lahat ng mga ginagawa ko.
"Salamat po Inay. Naihanda ko na ang mga damit nila, baon saka naayos ko na ang kanilang mga bag." Masigla kong sabi kay Inay at tumayo na ako.
Ayokong ma-late sa unang araw ng pagpasok ko sa kumpanya ni Archie. Dahil alam kong may masasabi ito sa akin and worse ay pipintasan pa niya ako. Kita kong napipigil lang ito ng galit niya sa akin.
Kaya ko na ba talaga siyang harapin at makasamang muli sa iisang kumpanya gaya ng nakaraan?