Share

HARA CHAPTER 9

Pag-angat niHara ng mukha mula sa pagkakayakap kay Xandro ay ang pinsan niyang nakatayo lamang sa may pintuan ang nakita niya. Nakangiti na ito at tila ba aliw aliw sa pinapanood niya.

"Mia, kanina ka pa ba riyan?" tanong ni Hara.

"Oo, nanonood ako ng isang magandang eksena," lumaki ang ngiti nito at pumasok ng silid ni Hara. "Papasok na sana ako ng kwarto ko nang marinig kong umuungol ka. Akala ko kung anong nangyayari na sa'yo."

Napahiya ang dalaga dahil mahigpit pa rin ang pagkakayakap sa kaniya ni Xandro kahit nasa silid na niya si Mia. Kusang humiwalay siya sa lalaki.

"Binangungot lang ako. Dala siguro ng sobrang pagod," paliwanag ni Hara.

"Ayaw mo kasing magpapigil sa pagpunta sa taniman. Pwede namang sa opisina ka na lang magtrabaho para matulungan mo ako," sermon ni Mia. 

"Huwag mo akong simulan, Mia. Hala, magbihis ka na at bababa na tayo. Kakain na tayo." Pagkuwan ay binalingan ni Hara si Xandro. "Salamat ha. Pwede ka nang maunang bumaba. Hintayin ko na lang si Mia."

Ngumiti ang binata at saka tumayo sa kama ni Hara."Sumunod na kayo kaagad. Nakita ko na si Ryan kanina at pinabababa na tayo ng lolo n'yo."

"Sige." Sabay pang tumugon ng magpinsan.

Sa kabila ng panaginip o bangungot na iyon ay masaya pa rin si Hara na nakipagkwentuhan sa pinsan niya. Ayaw niyang mag-alala ito para sa kaniya.

"Hara, nauna ako kay Xandro ha."

"Selos ka naman kaagad. Tinulungan lang ako noong tao."

"He's mine," matigas nitong sabi.

"Okay," maikling sagot ng dalaga. Ayaw niyang magtampo sa kaniya si Mia dahil mahal na mahal niya ito. Kung pwede lang na ibigay niya laat ng magpapasaya sa dalaga ay ginawa na ni Hara.

Magkasabay na silang bumaba ng dalaga. Nakahanda na ang mesa at kumpleto ang pamilya nila maliban kay Klein na bumalik pansamantala ng Manila. Nakaupo na rin sa hapag si Xandro at pasimpleng ngumiti sa kaniya.

Naupo ang dalaga sa katapat na upuan ng binata. Iyon kasi ang malapit sa papa niya. Si Mia naman ay tumabi rin sa mama at papa nito. Nararamdaman ng dalaga ang paminsan-minsang tingin sa kaniya ng lalaki ngunit hindi niya ito pinapansin.

Walang sinabi si Hara sa kahit kanino sa mga kamag-anak niya na may naaalala siyang maliit na bahagi ng araw na nangyari ang Hacienda Del Puedo massacre. Iniiwasan niyang magkaroon pa ng pagtatalo-talo sa loob ng pamilya nila tungkol sa kan'ya at sa nakaraan.

Alam niyang ayaw na ring ipapaalala sa kaniya ng kanyang lolo at papa ang mga nakalimutan niyang bahagi ng masakit na pangyayaring iyon. Iniisip na lang ng dalaga na siguro para sa kabutihan niya iyon.

Bawal pag-usapan sa hacienda ang naganap na krimen five years ago. Dahil batid ng lahat na kahit may mga nakalimutan ang dalaga ay dama nito ang sakit ng kahapon. Hindi man sinabi kay Hara ngunit nalaman din iyon ng dalaga nang magpalabas nag kautusan ang lolo niya.

Kinabukasan, agad hinanap ni Hara si Xandro. Malaki ang tiwala rito ng papa at lolo niya kaya alam niyang mabuting tao ito. Hindi naman niya aminin ay gusto na rin niyang kasama palagi ang binata.

"Maaga pong umalis si Xandro, senyorita. Inutusan po yata ng lolo mo sa bayan," sabi ng katulong na napagtanungan niya.

"Ehem! Bakit mo siya hinahanap?" Napapitlag si Hara sa biglang pagsalita ni Mia mula sa likuran niya. 

"Mia! Hindi ka pumasok sa opisina?"

"Hindi. Pahinga muna. Bakit mo hinahanap si Xandro? Miss mo na ba agad ang yakap niya?" tila naiinis na sabi nito.

"Wala kaming something noon kaya tigilan mo ako. Naki-iyak lang ako saglit sa balikat niya, selos ka naman agad. Iyong-iyo siya, Mia." Halos hindi lumabas sa bibig ng dalaga ang huling linyang iyon. May kirot kasi siyang naramdaman.

"Siguraduhin mo lang kasi love ko talaga siya," sinabayan nito ng matutunog na halakhak ang huling sinabi.

"Mia, yung lalaki sa mall…"

"Huwag na nating pag-usapan iyan baka sumakit na naman ang ulo mo."

"Hindi mo ba talaga siya nakita?"

"Hara napakaraming lalaki roon. Susmeyo naman, hindi ko talaga alam ang sinasabi mong lalaki." Napayuko na lang si Hara kaya hindi niya nakita ang pamimilog at pag-ikot ng mata ng kausap.

Samantala, sa bayan ay mabilis ang kilos ni Xandro. Kailangan niyang makauwi kaagad. Nag-aalala siya kay Hara. Ayaw niyang malayo man lang kahit saglit sa dalaga.

Sa ilang buwan niyang nakasama ito ay nakita niya ang tunay na ugali ng dalaga. Ang pagiging mapagkumbaba nito at mapagmahal ay siyang dahilan kung bakit mahal ito ng karamihan. Hinangaan rin niya ang respetong ibinibigay nito sa mga tauhan ng hacienda.

"Xandro, huwag muna tayong bumalik sa hacienda. Pasyal muna tayo," wika ng kasama niyang isa ring tauhan ng mga Del Puedo.

"Hindi maaari. Marami pa akong gagawin pagbalik natin," pagsisinungaling ng binata. Ang totoo ay gusto lang talaga niyang makasama si Hara. Gusto niyang nasa tabi siya nito upang proteksyonan ang dalaga. "Pare, yung nangyaring krimen sa hacienda noon…"

"Xandro, huwag mo nang ungkatin ang bagay na iyan lalo at nagbalik na si Senyorita Hara. Teka, paano mong nalaman iyan?"

"Narinig ko lang na sekretong pinag-uusapan nila sa mansiyon."

"Tsismoso ka p're." Tinapik pa siya nito sa balikat. "Sabagay halos lahat naman dito alam ang nangyaring iyon."

"Ikwento mo naman sa akin."

"Ayaw ko. Baka parusahan ako ni Don Ernesto o kaya ni Sir Fernando." Makikita ang takot na rumehistro sa mata ng lalaki. 

"Walang makakaalam p're. Ako lang naman ang pagsasabihan mo," pamimilit niya sa kasama. "Sige na p're, ikwento mo na sa akin ang mga nangyari noon."

"Okay, sige. Mangako ka ha, wala kang mababanggit kay senyorita lalo at palagi mo siyang kasama."

Nakumbinsi nga niya ang lalaki na i-kwento sa kaniya habang nasa daan sila ang mga naganap noon sa mansiyon ng mga Del Puedo. Maraming tanong at haka-haka ang nabuo sa isipan ng binata. 

"Ibig mong sabihin, nakulong ang anak ni Aling Martha dahil siya ang itinuro ng lahat ng ebedensya, tama ba ako?"

"Oo, Xandro. Tinaggap naman ng pamilya nina Aling Martha ang lahat."

"Siya ba talaga ang may kasalanan o may iba pang salarin?"

"Tingin namin ay napagbintangan lang siya. Mabait na tao iyon si Ramon. Wala na sigurong makitang ibang salarin kaya siya na lang ang itinuro masolusyunan lang ang kaso."

"Mabuti at hindi umalis ng hacienda ang pamilya nila  Aling Martha," pagkuwan ay sabi ni Xandro.

"Wala naman silang lilipatan. Mabait ang mga Del Puedo kahit gano'n ang nangyari hindi rin nila pinarusahan sina Aling Martha kasi matalik na kaibigan ni Donya Candida ang ina ni Ramon."

"Kung hindi siya ang may sala, sino?" Hinilot-hilot ni Xandro ang ulo niya. Bahagya kasing sumakit iyon dahil na rin siguro sa init at sa sobrang pag-iisip.

Hindi rin nakuha ni Xandro ang sagot mula sa kasama niya. Malalim na nag-isip ang binata. Kung totoo ngang hindi si Ramon ang may sala, ibig sabihin malaya pa rin ang salarin.

"Higit na kailangan ni Hara ng proteksyon ko. Kahit buhay ko, ibibigay ko sa babaeng mahal ko," mga katagang naglalaro sa isip ng binata.

Pagdating sa mansyon ay mabilis na bumaba ng sasakyan si Xandro. Hinanap kaagad niya si Hara. Laking gulat na lamang niya ng biglang yakapin siya ni Mia.

"Anong ginagawa mo?" bakas ang inis sa tono ng binata.

"Naglalambing lang," tugon nito.

"Pero…" hindi natapos ng binata ang sasabihin. Nakita niyang nakatingin sa kanila si Hara. Ang malungkot na mukha ng dalaga ay napalitan ng pilit na ngiti.

"Wow! Live show?" tanong nito.

"Iwanan mo muna kami," pagtataboy ni Mia sa pinsan niya. "Naglalambing pa ako sa mahal ko."

Tatalikod na sana si Hara pero mabilis na natanggal ni Xandro ang mga kamay ni Mia na nakayakap sa kaniya.

"Hara, sandali!" tawag niya sa dalaga. Patakbo pa niyang hinabol ito.

"Oh, patalastas agad? Ang bilis naman ng palabas n'yo," mapait na wika ng dalaga.

"Nagseselos ka ba?" tinatantiya ng binata ang reaksyon ng kaharap niya.

"Ako! Nagseselos? Hindi kita type, Xandro," tawang-tawang sabi nito.

Pumalakpak si Mia sa likuran nila dahilan para mapalingon ang dalawa. Salubong ang kilay nito at nakamamatay ang tingin na ipinukol sa kanila.

"Umalis ka sa pagkakayakap ko para habulin si Hara, hindi mo ba alam na walang makakapigil diyan kay Hara sa pagmamadre n'ya. Feeling nito... Pakipot ka pa, bibigay ka rin sa akin." Parang nagbibiro lang si Mia habang sinasabi ang mga katagang iyon ngunit batid ni Hara na seryoso ang pinsan niya.

"Naninibago kasi ako sa'yo. Napakahinhin mo dati Mia. Pero kung makayakap ka sa akin ngayon ay parang may relasyon tayo," sabi ni Xandro.

"Hindi ka na mabiro," sagot ng dalaga kay Xandro bago tuluyang lumayo.

Tahimik lamang si Hara. Ayaw niyang aminin na nasasaktan siya. Hindi niya gustong magkasala at makapanakit ng kapwa lalo na kung si Mia iyon.

"Linawin ko lang Xandro, nakipagbati ako sa'yo pero hindi nangangahulugan iyon na si Mia ang makakaaway ko."

Hindi kaagad kumibo ang binata ngunit sa puso niya ay tiyak na hindi niya susukuan ang babaeng kaharap.

"Hara, I love you!" biglang bulalas ni Xandro.

"Wow! Nabangga ba sa kung saan ang ulo mo? Nilalagnat ka ba?" Wala sa loob na nilapitan ng dalaga ang binata at sinalat ang noo nito.

Ngunit ang simpleng paghawak na iyon ng dalaga ang nagtulak sa binata upang hapitin ito sa bewang at mariing halikan sa labi.

Mga Comments (11)
goodnovel comment avatar
Claudia Rico
Ang bilis ni Xandro nakahalik agad
goodnovel comment avatar
Jenifer Padallan Mendoza
nakahakik agad haha kaw na zandro
goodnovel comment avatar
Jenifer Padallan Mendoza
haha halik agad xandro ingat kayo ke mia
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status