You weren't there before

You weren't there before

last updateTerakhir Diperbarui : 2026-11-05
Oleh:  SungJaeBaru saja diperbarui
Bahasa: Filipino
goodnovel18goodnovel
Belum ada penilaian
9Bab
11Dibaca
Baca
Tambahkan

Share:  

Lapor
Ringkasan
Katalog
Pindai kode untuk membaca di Aplikasi

Kung mabibigyan ka ng pagkakataong balikan ang nakaraan, pipiliin mo bang baguhin ang iyong kapalaran? O hahayaan mong maulit ang lahat, kahit alam mo na kung gaano kasakit ang magiging wakas? Sa edad na tatlumpu't isa, natutuhan na ni Marian Acenzado na hindi lahat ng pagmamahal ay nasusuklian, hindi lahat ng pagkakaibigan ay nananatili, at hindi lahat ng pangarap ay nagkakatotoo. Akala niya, matagal na niyang naiwan ang mga alaala ng kanyang kabataan—ang unang pag-ibig na hindi niya kailanman naipagtapat, ang pagkakaibigang nauwi sa sama ng loob, at ang mga desisyong hanggang ngayon ay pinagsisisihan niya. Ngunit isang hindi inaasahang pangyayari ang magbabalik sa kanya sa taong 2011. Muli siyang nagising bilang isang labing-anim na taong gulang na mag-aaral sa hayskul. Naroon ang mga dati niyang kaibigan, ang lalaking una niyang minahal, at ang mga pangyayaring minsan nang nagpabago sa takbo ng kanyang buhay. Sa pagkakataong ito, dala niya ang labinlimang taong alaala ng isang hinaharap na hindi pa nararanasan ng mga taong nakapaligid sa kanya. Desidido siyang huwag nang ulitin ang mga pagkakamali ng nakaraan. Ngunit paano kung sa pagbabalik niya ay may isang taong biglang naging bahagi ng kanyang mundo—isang lalaking tiyak niyang hindi naman naroon noon? Habang unti-unting nagbabago ang mga pangyayaring akala niya ay kabisado na niya, isang tanong ang patuloy na gumugulo sa kanyang isipan. Kung nabago ang nakaraan, ganoon din kaya ang kanyang hinaharap? At higit sa lahat... Bakit ngayon ka lang dumating, kung kailan alam ko nang hindi ka naman naroon noon?

Lihat lebih banyak

Bab 1

Chapter 1

“Hay, salamat. Natapos din. Kapag month-end talaga, ang hirap-hirap ng buhay ko dito sa opisina.” Mabilis na isinuksok ni Mica ang laptop sa kanyang bag at nag-unat ng mga braso. “Marian, tapos na ako. Hindi ka pa ba uuwi?”

Hindi man lang inalis ni Marian ang tingin sa monitor, patuloy sa mabilis na pagtipa ang kanyang mga daliri. “Sandali na lang. Tatapusin ko lang itong formula para sa spreadsheet. Pampadali rin kasi ito ng buhay.”

“Naku, mabilis lang din mauubos ang buhay mo kung magtatagal ka pa nang ganyan sa upuan mo,” pang-aasar ni Mica. “Halika na, sabay na tayong umuwi. Magbu-book na ako ng Grab.”

Bago pa makasagot si Marian, umilaw ang screen ng cellphone ni Mica.

“Oh, hello, honey. Susunduin mo ako? Ngayon na ba? Sige, ten minutes ah.” Ibinaba ni Mica ang tawag na may malapad na ngiti.

“Si Jason?” sulyap ni Marian.

Tumango si Mica, bago muling tiningnan ang kaibigan na nakatutok na naman sa screen. “Sandali lang, gaano pa ba katagal 'yan? Hindi ba sumasakit ang ulo mo sa kakatitig sa mga formula na 'yan?”

“Hindi naman. Masayang gumawa ng report kapag hindi paulit-ulit ang pag-enter ng data.”

“Sabagay,” pagsang-ayon ni Mica, saka bahagyang lumapit na parang may napakalaking sikreto. “Ay, oo nga pala. Bukas bawal kang ma-late. Darating daw yung bago nating CEO.”

Napakunot ang noo ni Marian. “Kahit seatmate tayo, magkaiba tayo ng department. Bakit wala akong alam diyan?”

“Wala talagang kwenta mga kasama mo sa kabilang building! Anyway, natingnan ko ang profile niya. Matangkad, gwapo, pwedeng mag-model, at higit sa lahat single pa.” Mabilis na nag-scroll si Mica sa phone niya. “Halika, tingnan mo oh!”

Pumilig si Marian. “Wala akong paki sa itsura ng bagong CEO. At imposibleng single pa 'yan sa ganyang edad, unless bakla siya.”

Napanganga si Mica bago humalakhak. "Wow ah, wala man lang preno." Magsasalita pa sana ito nang muling tumunog ang phone niya. Hudyat na nasa baba na ang sundo nito.

Mabilis na isinukbit ni Mica ang bag. “Mukhang nandiyan na sundo ko. Mauuna na ako sa'yo, ah? Huwag kang magpapagabi masyado.”

Kumaway na lamang si Marian hanggang sa tuluyang makapasok sa elevator ang kaibigan. Nang marinig niya ang mahinang tunog ng pagsara nito, muling natahimik ang buong opisina. Tanging ang ugong na lamang ng aircon ang bumabasag sa lamig ng gabi.

“Hay, salamat. Mas makakapag-focus na ako.”

Ilang minuto siyang nagpatuloy sa pag-aayos ng layout ng spreadsheet. Ngunit kasabay ng pag-enter niya ng huling formula, isang matalim na hapdi ang biglang sumaksak sa kanyang sentido. Napatigil ang mga daliri niya. Napapikit siya nang mariin habang pilit na minamasahe ang mabilis na pagpintig ng mga ugat sa kanyang ulo na tila nagbabadyang sumabog.

Hindi na ito bago kay Marian. Ilang buwan na rin siyang inaatake nito. Awtomatikong kinapa niya ang pinakailalim na drawer para kunin ang kanyang medicine pouch. Ngunit sa paghalukay niya, may nahawakan siyang magaspang na balat ng isang lumang notebook.

Kumunot ang noo niya nang hugutin ito. Isang pamilyar na lumang diary na napuno na ng alikabok ng panahon. “Bakit nandito 'to? Buti na lang laging naka-lock itong drawer ko.”

Nang buklatin niya ang unang pahina, bumungad ang isang litrato niya noong high school. Inosente at walang bakas ng stress sa buhay. Napangiti siya, ngunit agad itong napawi nang may isa pang litratong nahulog mula sa pagitan ng mga papel.

Dinampot niya iyon. Isang group picture sina Mark, James, Bianca, Paulo, at siya.

Natigil ang paningin niya kay Bianca. Kusang humigpit ang hawak niya sa gilid ng litrato hanggang sa bahagyang malukot ito, muling binubuhay ang isang pamilyar at nakabaong inis. Pagkatapos, dumapo ang paningin niya kay Paulo. Isang malalim at tahimik na buntong-hininga ang kumawala sa kanyang mga labi. May kalyo na ang puso niya matapos ang maraming taon, pero hindi maikakailang may munting kirot pa ring sumusundot.

Padabog niyang ibinalik ang litrato at isinara ang diary, pilit ibinabaon muli ang mga multo ng kanyang kahapon.

Kinuha niya ang walang lamang tumbler at nagtungo sa pantry upang uminom ng gamot. Balot ng malamig at nakabibinging katahimikan ang buong floor. Matapos magsalin ng tubig at isalang ang natirang pagkain sa microwave, kinuha niya ang phone at nag-play ng isang Chinese short drama para lunurin ang bigat na iniwan ng pagkakita sa lumang litrato.

Isang eksena ng time travel ang tumambad sa screen kung saan uminom ang bida mula sa isang asul at puting porselanang vase mula pa sa Ming Dynasty. Napailing siya. “Kung totoo 'yan, siguro marami nang nanalo sa lotto.”

“Late na, ah. Bakit nandito ka pa?”

Napapitlag si Marian, halos mabitawan ang cellphone sa gulat. Isang matandang lalaki ang nakatayo sa hindi kalayuan. Mabilis at malakas ang kabog ng dibdib niya. “Sir, nakakagulat naman kayo. Akala ko ako na lang mag-isa.”

“Pasensya na. Nagulat ba kita?”

Nang mapagmasdan niya itong mabuti, nanlaki nang bahagya ang mga mata niya. May hawak itong asul at puting porselanang sisidlan halos eksaktong-eksakto sa napanood niya. Ano ba 'yan? Napapraning na yata ako.

Tumunog ang microwave, pansamantalang pumuputol sa tensyon. Kinuha ni Marian ang pagkain ngunit hindi niya maiwasang sulyapan ang matanda na tahimik lang na nakatayo. Susubo pa lamang sana siya nang muling umatake ang sakit sa kanyang ulo isang nagliliyab na hapdi na mas matindi kaysa kanina.

“Miss, okay ka lang?” alalang boses ng matanda.

Pilit siyang tumayo ngunit biglang umikot ang buong paligid. Para siyang nakasakay sa isang mabilis na karusel. Napakapit siya nang mahigpit sa gilid ng mesa. “Sir… parang nahihilo ako.”

Mabilis na lumapit ang matanda. Unti-unting nilamon ng anino ang mga gilid ng paningin ni Marian. Ngunit kasabay ng paglabo ng paligid, ang paos na boses ng matanda ay unti-unting nagbago. Naging mas bata. Mas malinaw.

“Miss… naririnig n’yo ba ako?”

Napakunot ang noo ni Marian. Pilit niyang iminulat ang mga mata ngunit tila hinihigop ng dilim ang kanyang diwa.

“Miss, sandali. Tatawag ako ng ambulansya.”

Nanghina ang kanyang mga tuhod at tuluyan siyang bumagsak. Isang malamig na sahig ang sumalubong sa kanyang pisngi bago siya tuluyang balutin ng malalim at walang hanggang kadiliman.

“Marian. Marian, gising.”

Dahan-dahang iminulat ni Marian ang kanyang mga mata, pilit inaaninag ang liwanag at ang bulto ng taong nasa harap niya. Isang pamilyar na bilugang mukha ang bumungad sa kanya, ngunit higit na mas bata.

“May sakit ka ba? Kanina ka pa natutulog.”

Awtomatikong napaatras si Marian na parang napaso. “B-Bianca? Bakit ka nandito? Lumayo ka nga sa akin!”

Kumunot ang noo ni Bianca. “Ano bang problema mo? Kanina maayos ka naman ah.”

“Uy, anong meron sa inyo? Nag-aaway na naman ba kayo?”

Isang boses mula sa likuran ang nagpatigil sa paghinga ni Marian. Kilalang-kilala niya iyon. Dahan-dahan siyang lumingon at nanlaki ang kanyang mga mata.

Nakatayo roon si Paulo, nakasukbit ang bag sa isang balikat habang nagtatakang nakatingin sa kanya. “Bakit ganyan ang mukha mo?”

Hindi makasagot si Marian. Mabilis na gumala ang kanyang tingin sa paligid. Mga pamilyar na armchair. Luma at maalikabok na pisara. Mga kaklaseng maingay na naka-uniporme. Tila binuhusan ng yelo ang buong katawan ni Marian mula ulo hanggang paa.

Kanina nasa opisina ako. 2026. Thirty-one years old na ako. Bakit nandito ako?

“Hindi ito totoo,” usal niya, bago biglang tumayo.

Tinawag siya nina Bianca at Paulo ngunit hindi siya lumingon. Tumakbo siya palabas ng silid. Nagtatakbo siya sa pasilyo, palakas nang palakas ang tibok ng puso hanggang sa marating niya ang hagdan. Sa sobrang pagmamadali, aksidente niyang nabangga ang isang gurong umaakyat.

Nawalan ng balanse si Marian.

“Marian!” hiyaw mula sa itaas.

Isang mabilis na pagbulusok. Dalawang baitang, pagkatapos ay isang nakakagimbal na kalabog ang yumanig sa kanyang buong katawan, bago muling nagdilim ang lahat.

Nang muli niyang imulat ang mga mata, amoy ng ospital at puting kisame ang bumungad sa kanya. At sa tabi niya, naroon si Paulo.

Sinalubong agad siya ng nag-aalalang mga mata nito. “Huy Marian, okay ka lang ba?”

Ipinikit nang mariin ni Marian ang mga mata, kinukumbinsi ang sariling nagha-hallucinate lamang siya.

Isang malamig na kamay ng nurse ang marahang humagod sa braso niya. “Gising ka na. Papunta na ang ambulansya, may masakit ba sa'yo?”

“Yung… ulo ko po. Pati buong katawan ko sobrang sakit,” daing ni Marian, pakiramdam niya ay binugbog ang buong pagkatao niya.

“Wag kang mag-alala, sasamahan kita,” sabat ni Paulo habang nakatitig sa kanya.

Hindi na mapigilan ni Marian ang matinding pagkalito. Binalingan niya ang nurse nang may pakiusap. “Nurse, kung ano-ano na rin ang nakikita ko. Sabihin niyo nga, normal lang ba 'yun?”

“Posible dahil maaaring tumama ang ulo mo kanina. Ano ba ang nakikita mo ngayon?”

Itinuro ni Marian si Paulo gamit ang nanginginig na daliri. “Siya po. Ang mas batang version ng first love ko.”

Isang direktang pag-amin na kailanman ay hindi niya naisip na lalabas nang ganoon kadali sa kanyang mga labi.

Namula ang mga pisngi ni Paulo. “Huy Marian, ano bang pinagsasasabi mo diyan? Sandali, ako ang first love mo?”

Nanlaki ang mga mata ni Marian nang marinig itong sumagot. “Oh my gosh, nagsasalita siya! Nurse, visual ba o audio hallucination ang tawag dito? Halos labinlimang taon na siya lang ang lalaking gusto ko pero bakit nandito siya? Para akong lasing na naka-drugs!”

Lumabas ang mga salita na tila isang sirang plaka na tuluyan nang nawalan ng preno.

Wang! Wang! Wang!

Isang nakakabinging tunog ng sirena ng ambulansya ang bumasag sa tensyon sa loob ng silid. Ngumiti ang nurse nang may halong lambing at pag-unawa, saka tinapik si Paulo. “Hayan na yung ambulansya. Iho, alagaan mo siyang mabuti. Tandaan mo ang sabi niya, ikaw daw ang first love niya at ikaw lang ang nagustuhan niya sa mahabang panahon.”

Napakamot sa batok si Paulo ngunit maingat nitong hinawakan ang balikat ni Marian. “Oo nga po, grabe, ngayon ko lang din nalaman 'yun. Marian, wag kang mag-alala, hindi kita papabayaan.”

Ang init ng palad nito sa kanyang balikat ay nagpadala ng matinding kuryente na yumanig sa buong sistema niya. Umikot ang paningin ni Marian.

“Anong ibig mong sabihin? Nurse, nakikita niyo rin siya?!” hiyaw niya na halos mawalan na ng hininga.

Pumasok ang mga paramedic. “Narito na po kami. Nasaan na po ang pasyente? Siya ba ang guardian niyo? Sumama na rin po kayo kung ganun.”

Parang tuluyang tinakasan ng dugo ang buong mukha ni Marian nang marinig ang kumpirmasyong iyon mula sa ibang tao. Hindi ito panaginip. Buhay na buhay ang Paulo na nasa harap niya.

Bago pa man maproseso ng kanyang utak ang bigat ng katotohanan, tuluyan nang bumigay ang kanyang katawan. Muling nagdilim ang paligid, tinatangay ang kanyang pagod na diwa pabalik sa kawalan nahimatay siya sa mismong harap ng lalaking matagal na niyang minahal.

Tampilkan Lebih Banyak
Bab Selanjutnya
Unduh

Bab terbaru

Bab Lainnya

To Readers

Maligayang pagdating sa aming mundo ng katha - Goodnovel. Kung gusto mo ang nobelang ito o ikaw ay isang idealista,nais tuklasin ang isang perpektong mundo, at gusto mo ring maging isang  manunulat ng nobela online upang kumita, maaari kang sumali sa aming pamilya upang magbasa o lumikha ng iba't ibang uri ng mga libro, tulad ng romance novel, epic reading, werewolf novel, fantasy novel, history novel at iba pa. Kung ikaw ay isang mambabasa, ang mga magandang nobela ay maaaring mapili dito. Kung ikaw ay isang may-akda, maaari kang makakuha ng higit na inspirasyon mula sa iba para makalikha ng mas makikinang na mga gawa, at higit pa, ang iyong mga gawa sa aming platform ay mas maraming pansin at makakakuha ng higit na paghanga mula sa mga mambabasa.


Tidak ada komentar
9 Bab
Jelajahi dan baca novel bagus secara gratis
Akses gratis ke berbagai novel bagus di aplikasi GoodNovel. Unduh buku yang kamu suka dan baca di mana saja & kapan saja.
Baca buku gratis di Aplikasi
Pindai kode untuk membaca di Aplikasi
DMCA.com Protection Status