Share

EXOTIC GIRL 1

Santa Barbara Elementary High School

1998

Ako si Anaya Vijar. Walong taong gulang. Ipinanganak dito sa bayan ng Santa Barbara. Ang aking nanay ay si Nanay Lucia. Biente kwatro anyos na ang nanay ko. Wala po akong tatay dahil pinagsamantalahan ang aking Nanay Lucia noong siya ay dalagita pa lamang. Isang katutubong aeta ang aking Nanay Lucia sa Quezon Province.

Dahil likas na matigas ang ulo, lumayas ang Nanay Lucia ko noong siya ay kinse anyos at napadpad ng Maynila. Nagpagala gala at dahil walang matuluyan ay sa kariton lamang natutulog. Isang gabi ay may isang Bombay na lasing ang nakatulog sa kariton na tinutulugan ng Nanay Lucia ko.

Dahil lasing ay pinagsamantalahan ang aking Nanay Lucia. At dahil malaking mama ang Bombay at maliit na babae naman ang aking Nanay Lucia ay wala siyang nagawa. Pagkatapos ng pangyayari ay umuwi sa kanilang probinsiya ang Nanay Lucia ko pero ilang buwan pagkatapos noon ay nalaman nilang buntis siya. Pinalayas siya ng kanyang pamilya at isinumpang wag na wag nang bumalik. Kaya naman hindi ko rin kilala ang aking mga ninuno maliban lamang kay Nanay Lucia. Pagkatapos palayasin ay dito na napadpad sa Santa Barbara ang Nanay Lucia ko. Kinupkop siya ng mag-asawang Don Ramon at Luzviminda Capili nang makitang natutulog sa labas ng simbahan.

Naging katulong ang Nanay Lucia ko sa mansiyon ng mag-asawang Capili. Kahit nang malaman nila na pinagbubuntis na ako ng aking Nanay Lucia ay hindi nila kami pinalayas. Mabait ang mag-asawa. Itinuring nila kaming hindi na iba sa kanila. Mayroong tatlong anak na lalaki ang mag-asawa. Si Senyor Reynaldo, Senyor Roldan at Senyor Roberto. Si Senyor Reynaldo at Senyor Roldan ay nasa ibang bansa na nakatira. Si Senyor Roberto na lamang ang naririto sa Pilipinas pero sa Maynila ito nakatira kasama ang kanyang pamilya. Dalawang beses lamang umuwi si Senyor Roberto sa isang taon.

Simula nang ipinanganak ako ay dito na rin ako lumaki sa Santa Barbara at mabait din sa akin ang mag-asawang Capili. Siguro dahil kami nalang ang nag-aalaga sa kanila at hindi sila dinadalaw ng kanilang mga anak at apo kaya maayos ang pakikitungo nila sa amin ng Nanay Lucia ko. Ang mag-asawa din ang nagpapa-aral sa akin. Kaya nga kahit na inaapi at inaalipusta na kami ng mga tao sa bayan ay hindi ko pinapansin dahil ang sabi ni Nanay Lucia na ang Diyos na ang bahala sa kanila. Kapag pinatulan ko pa ang mga pang aalipusta nila ay ako din ang talo. Basta huwag lang daw umabot na sasaktan ako at ibang usapan naman ‘yon.

Pauwi na ako ngayon sa mansiyon dahil tapos na ang aming klase. Alam ko nag-aantay na ang Nanay Lucia ko. Dalawa lang kami ngayon sa mansiyon dahil lumuwas ng Maynila ang mag-asawa kaninang umaga dahil may aasikasuhing negosyo.

Pagdating ko ng mansiyon ay nagulat ako dahil umiiyak ang Nanay Lucia ko.

“Nanay, bakit po kayo umiiyak?” inosenteng tanong ko.

“A-anaya, anak. P-patay na ang Don Ramon at Donya Luzviminda natin. Bumagsak ang sinasakyan nilang eroplano kaninang umaga. Tumawag ang kanilang anak na si S-senyor Roberto, doon na sa Maynila ililibing ang dalawang matanda. Hindi man lang natin sila ma-ma-kikita,” humagulgol na ang Nanay Lucia. Sa mura kong edad ay nalungkot din ako at kasama ni Nanay Lucia na umiyak. Nagyakapan nalang kami sa kusina.

“Anak sa katapusan ay uuwi na dito ang buong pamilya ni Senyor Roberto. Dito na sila titira at magmamana ng mansiyon. Ihanda nalang natin ang ating mga gamit dahil baka palayasin tayo.” Nalungkot ako sa sinabi ni Nanay Lucia.

Kahit na palagi akong inaaway ng mga kaklase ko ay wala naman akong ibang alam na lugar. Dito ako lumaki sa Santa Barbara at naniniwalang dito na rin tatanda.

---

Katapusan ng buwan. Sabado.

Ngayon ang araw ng dating nang buong pamilya Capili. Umaga pa lang ay may huminto nang isang blue Ford Everest sa harap ng mansiyon. Kitang kita ko iyon mula sa pangalawang palapag dahil kasalukuyan akong naglilinis sa beranda. Dali dali namang binuksan ni Nanay Lucia ang malaking bakal na gate pagkarinig ng busina sa labas.

Pagkapasok ng sasakyan ay dumiretso na ito sa may garahe. Lumabas mula sa sasakyan si Senyor Roberto. Bumaba din ang kanilang drayber para pagbuksan ang asawa at mga anak ni Senyor Roberto. May bumaba din na dalawang katulong at binaba na ang gamit ng mag-anak. Hindi pa muna isinara ni Nanay Lucia ang malaking gate dahil may isa pang malaking sasakyan sa labas na naghakot sa buong gamit ng mag-anak. Nang maipasok na ang lahat ng gamit ng mag-anak ay pumasok na din sila. Nang makapasok na ang buong pamilya ay ipinatawag kami ni Nanay Lucia sa kanilang malaking sala ni Senyor Roberto. Pagdating namin sa sala ay prenteng nakaupo sa si Senyor Roberto pati ang asawa at mga anak nito.

“Magandang umaga sa ’yo. Ano nga ulit ang pangalan mo?” tanong ni Senyor Roberto sa Nanay Lucia ko.

“L-lucia po, Senyor Roberto. A-at ito po ang aking anak na si Anaya.” yumukod kami ng Nanay Lucia ko.

“Lucia alam ko na matagal ka nang naninilbihan sa aking Mama at Papa kaya okay lang na manatili kayo dito sa mansiyon. Pag-aaralin ko pa rin ang iyong anak gaya ng ginagawa ni Mama at Papa. Basta patuloy mong ayusin ang iyong trabaho. Ikaw lang ang pinagkakatiwalaan ni Mama at Papa dati kaya malaki din ang utang na loob ko sa pag-aalaga mo sa kanila. Ang hiling ko lang pagsilbihan mo nang maayos ang aking pamilya gaya ng pagsisilbi mo sa kanila. Ito nga pala ang aking asawa at mga anak. Tawagin mong Madam Carmina ang aking asawa at ang aking kambal na Senyorito Ronnie at Senyorita Ronila. Nagkakaintindihan ba tayo?”

“Opo, Senyor Roberto.”

“Isinama ko din ang aking mga katulong, si Manang Letty at Manang Diday pati na ang drayber naming si Mang Gener. Mas matanda sila sa ‘yo kaya sila ang susundin mo.”

“Opo, Senyor Roberto.”

“Ayaw ko din pala na lagi kayo dito sa loob ng mansiyon. ‘Pag wala kayong ginagawa ay doon lang kayo sa kusina o sa inyong silid. Maaari na kayong umalis.”

“Opo, Senyor Roberto.” Simula nang dumating ang pamilya ni Senyor Roberto ay malaki na ang pagbabago ng aming pamumuhay sa loob ng mansiyon.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status