Share

Chapter Eleven

"DITO ka natulog kagabi!" Mabilis na tinakpan ni Hannah ang bibig ng kaibigang si Cassandra nang bahagyang tumaas ang tinig nito.

Kinuwento niya kasi sa babae na hindi siya umuwi at doon sa coffee shop natulog. Mabuti na lamang dahil pinayagan siya ng boss nila.

"Ikaw babae, umamin ka nga sa akin, maayos ba naman iyang pakikitungo sa iyo ng kaibigan ng magulang mo?" nakapamaywang pang tanong ng babae.

Nagbuga siya ng hangin. Kung alam lang nito ang totoong nangyayari sa buhay niya, paniguradong kung hindi sisigawan ay babatukan siya ng kaibigan.

"Maayos naman," pabulong niyang sagot habang inaayos ang mga table cloth sa ibabaw ng mesa. Sampung minuto na lang kasi ay magbubukas na sila.

"Kung maayos, bakit ka naman dito matutulog, ha? Inaapi ka ba nila? Sinabi na kasing sa amin ka na lang tumira!"

Napabuntong-hininga na lamang siya sa narinig. Nang malaman ng mga ito na nakatira siya sa bahay ng family friend nila, agad siyang inalok ng dalawa na tumira na lamang sa mga ito. Sana pala hindi niya na lang sinabi rito na hindi siya umuwi at sa coffee shop nagpalipas ng gabi.

"Nag-away kasi iyong boss ko at saka ang girlfriend niya, kaya dito na lang ako natulog. Para walang istorbo sa kani—" 

"Lalaki ang boss mo!" Nanlalaki ang mga matang hinawakan siya nito sa braso.

Agad niya naman tinakpan muli ang bibig ng dalaga. Kahit kailan talaga ay parang taong gubat itong kaibigan niya!

"Huwag ka ngang maingay!" suway niya rito at pinandilatan pa ito ng mga mata. Paanonl at nakuha na nila ang atensiyon nina Cristy at Ella.

"Ano ba iyang pinag-uusapan n'yo, ha? Mga guwapo ba?" sabat ni Ella habang binubuksan nito ang glass door ng coffee shop. Malapad ang ngiti nito sa mga labi na para bang walang kaproble-problema sa mundo.

Ngumiti lang sila ni Cassandra dito bago bumalik sa pinag-uusapan.

"Guwapo ba?" maya-maya ay biglang bulong sa kaniya ng babae. Nangunot naman bigla ang noo niya.

"Heh!" Inirapan niya na lang ito bago naupo sa isang mesa roon at nag-umpisang magsulat ng mga prutas na kakailanganin nilang order-in mamaya.

Habang nagsusulat ay hindi niya maiwasan hindi maisip na naman ang sitwasiyon nila ni Rafael. Gusto niya nang umalis sa bahay nito. Kung siya lang, makakaya niya pa sanang tumira doon kahit hindi maganda ang pakikitungo ng lalaki sa kaniya, kaso nandoon si Samantha.

Ano kaya kung isumbong niya na lang si Rafael sa lolo nito? Dalawa lang naman ang puwedeng mangyari kapag ginawa niya iyon: una, hinding-hindi na sila maghihiwalay ni Rafael, o pangalawa, hindi na nito kailanman makukuha ang kompanya ng pamilya nila.

"Sa sama ng ugali ng lalaking iyon, parang mas gusto ko pang mangyari iyong pangalawa," bulong niya sabay kagat sa ibabang labi. Pero sino bang niloloko niya? E, mas gusto niyang mangyari iyong una.

Nasa ganoon siyang pag-iisip nang bigla niyang marinig ang masiglang boses ni Ella. Nang mag-angat siya ng mukha para tingnan ito ay nakita niyang nakangiti na ito nang malapad. 

"Uy! Fafa pogi! Nandito ka ulit. Pasok kayo!" masigla pa nitong wika.

Akmang tatayo siya para iligpit ang mga gamit nang may biglang maalala. Fafa pogi? Naalala niyang iyon ang tinawag nito sa lalaking si Tristan noong nakaraang araw.

Nag-angat siya ng mukha para makita kung sino ang kausap ni Ella. Halos kapusin siya ng hininga nang magtama ang mga mata nila ng lalaki. Agad siyang nagbaba ng tingin nang masigurong si Rafael nga ang kasama ni Tristan.

"Oh, anyare sa iyo?" usisa ni Cassandra nang lapitan siya nito.

Hindi niya nagawang sumagot. Ni hindi na nga niya magawang huminga nang maayos dahil sa matinding kaba. Anong ginagawa ni Rafael dito?

"Hi, Hannah!"

Mahina siyang napasinghap nang marinig ang boses na iyon. Kinakabahang nag-angat siya ng mukha at sinalubong ang ngiti ng lalaking si Tristan. At ganoon na lang ang pagkainis niya nang ang table pa kung saan siya nakaupo ang napiling upuan ng mga ito. 

Tinitigan niya nang masama si Tristan habang paupo na ito kasama si Rafael at ang isa pa nitong kaibigan. Halos manggigil siya habang nakatingin sa lalaki. Ngumiti lang ito sa kaniya na parang walang ginawang masama. Binabawi na niya ang sinabi niya kahapon! Hindi na ito mabait!

Tumayo siya habang nakakapit sa mesa, hindi nagtangkang tingnan man lang si Rafael dahil natatakot siya sa makikita sa mukha nito. Samantala, nakatutunaw naman ang titig sa kaniya ng lalaking kasama nina Rafael at Tristan. Palipat-lipat ito ng tingin sa kaniya at kay Rafael. Kapansin-pansin ang pagtataka sa mga mata.

Lumapit naman nang husto sa kinatatayuan niya si Cassandra at saka bumulong, "Kunin mo na ang order nila. In all fairness, ang guguwapo ng mga customer natin ngayon!"

Tinitigan niya ito nang masama dahil sa narinig. Kung alam lang nito ang ugali ni Rafael at ng mga kaibigan nito, naku! Sigurado siyang turn-off din ito!

Ngumiti naman si Cassandra sa kaniya kahit halos patayin na niya ito sa masamang pagtitig dito. Kinindatan pa siya nito bago tuluyang umalis. Nang-iinis talaga ang bruha.

Nang maiwan siya kasama sina Tristan ay humugot muna siya hangin bago nagsalita, "A-ano pong o-order n-ninyo?"

Nakagat niya ang ibabang labi dahil sa sunod-sunod na pagkakautal. Nagmumukha na naman ba siyang alien? Halos hindi na nga niya marinig ang sariling tinig dahil sa lakas ng tibok ng puso niya. Para siyang mabibingi sa sobrang lakas ng tambol nito. 

Nang palihim niyang sulyapan si Rafael habang hinihintay ang mga order ng dalawang lalaki, nakahinga siya nang maluwag nang hindi man lang siya nito tinatapunan ng tingin.

"Hannah, by the way. This is Church, kaibigan namin." Muling nabaling kay Tristan ang paningin niya sa sinabi nito. "You already know him, right?"

Nang tapunan niya ng tingin ang lalaking si Church, nakita niyang nakangiti na ito sa kaniya. Nagbaba naman siya agad ng paningin matapos tumango rito. 

"You work here?" tanong ng kaibigan ni Rafael—si Church, kaya muli niya itong binalingan.

Humigpit ang pagkakahawak niya sa maliit na notebook at ballpen dahil sa inis. Hindi pa niya nakalilimutan ang mga narinig niya sa mga ito noong araw ng kasal nila ni Rafael.

Isang tango lang ang naisagot niya sa lalaki. Tumango naman ito pabalik.

"But why?" muli nitong tanong na ikinakurap niya nang ilang ulit, "Rafael, you let your wife work here?" Bumaling nito kay Rafael.

Bago pa man makasagot si Rafael, narinig na niya ang muling pagtunog ng bell sa pintuan hudyat na may bagong dating na customer.

"Han!" Napalingon agad siya nang marinig ang pamilyar na boses na iyon.

"Bullet," mahina niyang sambit sa pangalan nito nang makita itong kumakaway sa kaniya. "Good morning!"

Hindi siya nakaganti sa pagbati nito. Napuno lalo ng takot ang isip at puso niya. Bakit ngayon pa ito pumunta? Napakaliit naman ng mundo nila!

"Oh, nandito pala ang boss mo."

Mabilis na nanlaki ang mga mata niya sa narinig. Napalingon agad siya sa gawi ni Rafael para makita ang reaksiyon nito, maging ni Tristan at Church. 

"Boss?" sabay na tanong ng dalawang lalaki.

Mariin siyang lumunok.

"Bullet!" agaw niya bigla sa atensiyon nito nang makita itong papalapit na sa kanila. Hinawakan niya ito sa isang braso at hinila palayo.

Dinala niya ito sa kabilang dulo ng coffee shop at doon pinaupo. Malaking problema kapag nabuko siya roon!

"What are you doing here?" pabulong ngunit may diin niyang tanong nang makaupo sa tabi nito. Palihim niyang sinulyapan si Rafael, na pinagsisihan niya rin agad nang makitang matalim itong nakatitig sa kanila.

"Han, what's wrong?" nakakunot-noong tanong sa kaniya ni Bullet. At saka naman niya naalala na coffee shop nga pala ito at hindi private property niya. 

Biglang lumapit sa kanila si Ella at sinabihan siyang ito na lang ang kukuha ng order nina Rafael. Laking pasalamat niya naman dito nang marinig iyon.

"Hey, Han, mag-relax ka nga," natatawang sabi ni Bullet at buong lakas nitong pinaharap dito ang inuupuan niya.

"B-Bullet! Ano ba? Nakakagulat ka naman," malakas ang kabog ng dibdib na saad niya.

Nginitian lamang siya ng lalaki bago nito sinulyapan ang table na kinaroroonan nina Rafael. "Sino iyong mga kasama ng boss mo?"

Siya man ay muling nilingon ang mga ito. Muli ay nagsisi na naman siya. Nagsalubong ang mga mata nila ni Rafael kaya mabilis siyang nag-iwas ng mukha.

"M-mga kaibigan ng boss ko," kinakabahan niyang tugon. Tinanguan naman siya ni Bullet.

"By the way, Han, saan ka natulog kagabi?" Tinitigan niya ito nang may pagtataka sa mukha. Nang mapansin naman iyon ni Bullet, muli itong nagsalit, "Hindi kasi kita napuntahan kahapon dahil naging abala ako sa trabaho. So I went to your boss' house instead."

Umawang ang bibig niya sa narinig. Halos lumuwa ang mga mata niya dahil sa natuklasan mula rito. Kung ganoon ay nagkita ito at ni Rafael kagabi?

"Sabi ng boss mo, hindi ka raw umuwi," dagdag pa nito habang mataman na nakatitig sa kaniya.

"Ah. D-dito lang sa coffee shop."

"But why?" muli nitong tanong.

Matagal niya itong tinitigan sa mukha nang wala siyang mahagilap na isasagot. 

Kagat-labing bumaling siya sa malayo. "W-wala lang. Nagpaalam naman ako kay Ra—sir. Sir Rafael. Nagpaalam ako sa kaniya, kaya okay lang."

Tumango-tango ito sa sinabi niya. Makaraan naman ang ilang minuto ng katahimikan sa pagitan nila ni Bullet, bigla siya nitong inakbayan. Normal na iyon sa kanila noon, hindi na lang niya ito pinansin. Abala rin kasi siya sa pag-iisip kung ano na naman ang idadahilan mamaya kay Rafael. Paniguradong away na naman ang mangyayari.

Dahil sa iniisip, hindi na niya napansin ang paglapit ni Bullet ng mukha nito sa mukha niya bago siya binulungan, "Han, puwede bang magtanong?"

"A-ano iyon?"

"Iyan bang boss mo... may gusto sa iyo?"

Mabilis na namilog ang mga mata niya sa sinabi nito. Sunod-sunod siyang umiling bilang tugon. Bakas pa rin ang kabiglaan sa mukha.

"Wala ba siyang... you know, feelings for you?"

"Bullet, are you serious? Ano ka ba? Boss ko iyon! A-at isa pa, imposibleng magkagusto iyon sa akin! Hindi, ano!" Awkward siyang tumawa at pilit iniiwas ang mukha.

Natawa naman si Bullet sa nakikitang reaksiyon niya. "Too defensive."

Nakagat niya ang kaniyang ibabang labi sa narinig. Napahawak pa siya sa kabilang pisngi niya dahil sa pag-iinit nito. Napakamarites naman ng lalaki. Ngayon ay hinuhuli pa siya nito.

"Bakit mo ba naitanong?" Tinitigan niya ito habang naniningkit ang mga mata. 

"Well, last night kasi, noong pumunta ako sa inyo, obvious na may galit sa akin ang loko. Nakabusangot nga ang mukha habang kinakausap ako," naiiling nitong kuwento habang nakaakbay pa rin sa kaniya.

Saglit siyang batigilan at napaisip sa narinig. Hindi naman siguro dahil sa selos iyon, obvious naman. Pero dahil kaya sa hindi niya pag-uwi? May nagsumbong kaya sa lolo ni Rafael kaya mainit na naman ang ulo nito?

"Takot lang iyon mawalan ng kompanya," umiirap niyang bulong. 

Nagsalubong ang dalawang kilay ni Bullet. "Kompanya? What do you mean—" Bigla itong huminto sa pagsasalita saka nilapit ang mga labi sa tainga niya. "—Sandali, tingnan mo ang sinasabi ko, nandiyan na."

Natigilan siya at napatingin sa mukha ng lalaki. Napansin niyang nakatingin ito sa gawi ng mesa nina Rafael kaya lilingunin niya sana iyon, ngunit may biglang humablot sa kamay niya.

Napasinghap siya sa gulat. "Rafael!"

Comments (6)
goodnovel comment avatar
Anna Fegi Caluttong
selos ka naman Niyan Rafael, Ang haba ng hair mo Hannah ang daming nagkakagusto sa iyong pogi baka pwede ibigay mo Ang Isa sa akin hahaha
goodnovel comment avatar
Josephine Cabubas Advento
naku hanna hwag ka padadala dyan,takot lbg yan mawalan ng kompanya
goodnovel comment avatar
Cinnamon
Halaaa. Thank you, Miss A ...️
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status